Ano ang mga kaibhan sa pagitan ng paggawa ng tungkulin ng isang tao at ng paglilingkod?

2018-04-20 117

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Walang pagkakaugnay sa pagitan ng tungkulin ng tao at ng kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat na tuparin ng tao; ito ang kanyang nakalaang tungkulin at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kalagayan, o mga kadahilanan. Ito lamang ang paggawa ng kanyang tungkulin. Ang taong pinagpala ay nagtatamasa ng kabutihan sa pagiging ginawang perpekto pagkatapos ng paghatol. Ang taong isinumpa ay tumatanggap ng kaparusahan kapag ang kanyang disposisyon ay nananatiling hindi nagbabago kasunod ng pagkastigo at paghatol, iyan ay, hindi pa siya nagawang perpekto. Bilang isang taong nilalang, nararapat tuparin ng tao ang kanyang tungkulin, gawin ang nararapat niyang gawin, at gawin ang kaya niyang gawin, hindi alintana kung siya man ay pagpapalain o isusumpa. Ito ang pinakapangunahing kundisyon para sa tao, bilang isa na naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang pagpalain, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa. Hayaang sabihin Ko sa inyo itong isang bagay: Kung kaya ng tao na gawin ang kanyang tungkulin, ito ay nangangahulugan na ginagampanan niya ang dapat niyang gawin. Kung hindi kaya ng tao na gawin ang kanyang tungkulin, ito ay napapakita ng pagiging suwail ng tao. Palaging sa pamamagitan ng proseso ng paggawa ng kanyang tungkulin na unti-unting nababago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito na naipakikita niya ang kanyang katapatan. Sa gayon, mas nakakaya mong gawin ang iyong tungkulin, mas higit na katotohanan ang iyong tatanggapin, at gayundin ang iyong pagpapahayag ay magiging mas makatotohanan. Yaong mga nagpapadala lamang sa agos sa paggawa ng kanilang tungkulin at hindi naghahanap ng katotohanan ay aalisin sa katapusan, dahil hindi ginagawa ng mga gayong tao ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Ang mga gayong tao ay yaong nananatiling hindi nababago at isusumpa. Hindi lamang sa hindi dalisay ang kanilang mga ipinahahayag, nguni’t ang kanilang ipinahahayag ay walang iba kundi kasamaan.

—mula sa “Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Nagkatawang-taong Diyos at ng Tungkulin ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Hindi alintana kung ano ang mga talento, kaloob, o galing mayroon ang mga tao, ginagamit lamang nila ang kanilang lakas sa pagganap ng kanilang tungkulin at sa paggawa ng mga bagay-bagay. Hindi alintana kung ano ang ginagawa nila, umaasa sila sa kanilang mga pagguni-guni, pagkaunawa o sarili nilang katutubong gawi. Hindi nila kailanman hinahanap ang kalooban ng Diyos, at walang iniisip o pangangailangan sa kanilang mga puso, sinasabing, “Ginaganap ko ang aking tungkulin. Dapat kong isagawa ang katotohanan.” Ang tanging pag-uumpisang punto para sa kanilang pag-iisip ay gawin ang trabaho nang maigi at kumpletuhin ang atas. Kaya ito ba’y isang lubusang nabubuhay sa kanilang mga kaloob, talento, abilidad, at galing? Sa pananampalataya ng mga ganoong tao, iniisip lamang nila ang paggamit ng kanilang lakas, pagbebenta ng kanilang sariling pagpapagal, pagbebenta ng kanilang sariling galing. Ito’y partikular kapag binibigyan sila ng tahanan ng Diyos ng mga pangkalahatang atas na gagawin na ginagamit ng karamihan sa mga tao ang ganitong pananaw bilang pamamaraan sa mga bagay-bagay. Ang ginagawa lamang nila’y magpunyagi. Kung minsan ang ibig sabihin niyan ay paggamit ng kanilang bibig, kung minsan ay paggamit ng kamay at pisikal na lakas, kung minsan ito’y paggamit ng kanilang mga mata, at kung minsan ang ibig sabihin ay pagparoo’t-parito. Bakit sinasabi na ang pamumuhay sa pamamagitan ng mga bagay na iyon ay paggamit ng sariling lakas, at hindi pagsasagawa ng katotohanan? May isang binibigyan ng atas ng tahanan ng Diyos, at iniisip lamang nila kung paano kumpletuhin ang gawaing ito kaagad upang maaaring makapag-ulat sa mga pinuno ng iglesia at makamtan ang kanilang papuri. Maaaring makabuo sila ng planong paisa-isang hakbang. Mukhang sila’y napakasigasig, nguni’t nakatuon lamang sila sa pagkumpleto ng gawain bilang pagpapakita lamang, o kapag ginagawa nila ito, naglalagay sila ng sariling pamantayan para sa kanilang mga sarili: paano gawin ito upang maging masaya at kontento sila, nakakamit ang antas ng pagka-perpekto na pinagsisikapan nila. Hindi alintana kung anong plano o pamantayan ang inilalagay nila, kung walang ugnayan sa katotohanan, kung hindi nila hinahanap ang katotohanan o hinahanap na maunawaan at pagtibayin kung ano ang hihihingi sa kanila ng Diyos bago kumilos, nguni’t sa kabaligtaran ay kumikilos sila nang nabubulagan, sa kalituhan, ito’y pagpupunyagi lamang sa sarili nila. Kumikilos sila ayon sa sarili nilang pagnanais, sarili nilang utak o mga kaloob, o ayon sa sarili nilang abilidad at galing. At ano ang kahihinatnan ng paggawa ng kanilang atas sa ganitong paraan? Ang atas ay maaaring naisakatuparan na, walang sinuman ang nakakita ng anumang pagkakamali, at maaaring nararamdaman mong napakasaya mo rito. Nguni’t habang ginagawa ito, una: hindi mo naunawaan ang intensiyon ng Diyos; at ikalawa: hindi mo ginawa ito nang buong puso, buong isip, at buong lakas mo—hindi mo inilagay ang buong puso mo rito. Kung hinanap mo na ang mga prinsipyo ng katotohanan, kung hinanap mo na ang kalooban ng Diyos, kung gayon dapat naging epektibo ka nang 90% sa pagkumpleto nito, makakaya mo rin na makapasok sa realidad ng katotohanan, at tumpak na mauunawaang ang ginagawa mo ay nakaayon sa kalooban ng Diyos. Nguni’t kung ikaw ay naging pabaya at padalus-dalos, kahit na maaaring nakumpleto na ang atas, sa iyong puso hindi ka magiging malinaw kung gaano mo kaigi naisakatuparan ito. Wala kang magiging sukatan, hindi mo man lamang malalaman kung nakaayon ito kalooban ng Diyos o hindi, o kung nakaayon ito sa katotohanan o hindi. Samakatuwid, sa tuwing ang mga tungkulin ay ginaganap sa ganitong uri ng kalagayan, maituturing ito sa dalawang salita—sariling pagpupunyagi. …

Dapat maunawaan ng lahat ng nananalig sa Diyos ang Kanyang kalooban. Yaon lamang mga tumutupad nang wasto sa kanilang mga tungkulin ang nakapagpapalugod sa Diyos, at sa pagkumpleto lamang ng mga gawaing ipinagkakatiwala Niya sa kanila magiging katanggap-tanggap ang pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Sa pagkumpleto ng isang gawain, kapag hindi isinagawa o hinanap ng mga tao ang katotohanan, kapag hindi nila inilaan ang kanilang puso sa katotohanan, ibig sabihin, kapag ginagamit lang nila ang kanilang utak para magsaulo, ginagamit lang nila ang kanilang mga kamay para kumilos, at ginagamit lang nila ang kanilang mga binti para tumakbo, hindi nila tunay na naisakatuparan ang tagubilin ng Diyos. May mga pamantayan para sa pagsasakatuparan ng tagubilin ng Diyos. Ano ang mga pamantayan? Sinabi ng Panginoong Jesus: “At iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo.” Ang pag-ibig sa Diyos ay isang aspeto ng kung ano ang hinihiling ng Diyos sa mga tao. Sa katunayan, kapag binibigyan ng Diyos ang mga tao ng isang tagubilin, kapag ginaganap nila ang kanilang tungkulin mula sa kanilang pananampalataya, ang pamantayang hinihiling Niya sa kanila ay ang mga ito: ng buong puso mo, ng buong kaluluwa mo, ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo. Kung naroroon ka ngunit ang puso mo ay hindi, kung iniisip mo ang tungkol sa mga atas sa iyong ulo at isinasaulo ang mga ito, ngunit hindi mo inilalagay ang iyong puso sa mga ito, at kung isinasakatuparan mo ang mga bagay gamit ang sarili mong mga abilidad, iyan ba’y pagkumpleto ng tagubilin ng Diyos? Kaya anong klase ng pamantayan ang dapat makamtan upang magampanan nang maayos ang iyong tungkulin at maisakatuparan ang naipagkatiwala na sa iyo ng Diyos, at magampanan mo ang iyong tungkulin nang tapat? Iyan ang paggawa ng tungkulin mo ng buong puso mo, ng buong kaluluwa mo, ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo. Kung wala kang pusong nagmamahal sa Diyos, hindi uubra ang pagtatangka mong tuparin ang iyong tungkulin nang wasto. Kung tumitindi at lalo pang nagiging mas tunay ang pagmamahal mo sa Diyos, likas mong magagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong isipan mo, at buong lakas mo.

—mula sa “Kung Ano Lamang ang Ikinabubuhay na ng Mga Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Para sa ilang tao, anuman ang isyu na makatagpo nila sa pagganap ng kanilang tungkulin, hindi nila hinahanap ang katotohanan at palaging kumikilos ayon sa kanilang sariling mga pagkaunawa, mga pagguni-guni at mga hangarin. Binibigyang-kasiyahan nila lagi ang sarili nilang makasariling hangarin at ang kanilang tiwaling disposisyon ay palaging nangingibabaw sa kanilang mga pagkilos. Bagaman maaari nilang makumpleto ang tungkuling nakatalaga sa kanila, wala silang nakakamit na anumang katotohanan. Kaya ano ang sinasandigan ng taong ito sa pagganap ng kanilang tungkulin? Hindi sila sumasandig sa katotohanan at hindi sila umaasa sa Diyos. Ang kapirasong katotohanang nauunawaan nila ay hindi pa nangingibabaw sa kanilang puso. Umaasa sila sa sarili nilang mga kaloob at abilidad, sa mga kaalamang natatamo nila at kanilang talento, at gayundin sa kanilang sariling pagpupursigi o mabubuting intensiyon para magawa ang tungkuling ito. Bagaman kung minsan maaari kang umasa sa iyong kalikasan, mga pagguni-guni, mga pagkaunawa, kaalaman at natutuhan sa pagganap ng tungkulin mo, walang isyu ng prinsipyo ang lumilitaw sa mga bagay na ginagawa mo. Sa ibabaw mukhang parang hindi mo nalalakaran ang maling landas, nguni’t may isang bagay na hindi mapapalampas: Sa panahon ng buong proseso ng paggawa ng tungkulin mo, kung ang iyong mga pagkaunawa, pagguni-guni at personal na hangarin ay hindi kailanman nagbabago at hindi kailanman napapalitan ng katotohanan, kung ang iyong mga pagkilos at gawa ay hindi kailanman ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, kung gayon ano ang panghuling kalalabasan nito? Magiging taga-serbisyo ka, at ito mismo ang nakatala sa Biblia: “Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.”

—mula sa “Paano Maranasan ang mga Salita ng Diyos sa mga Tungkulin” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Ginawang perpekto si Pedro sa pamamagitan ng pagdanas ng pakikitungo at pagpipino. Sinabi niya, “Kailangan kong bigyang kasiyahan ang kagustuhan ng Diyos sa lahat ng pagkakataon. Sa lahat ng aking ginagawa, ang hangad ko lamang ay upang mapasaya ang kalooban ng Diyos, at kung ako man ay kinakastigo o hinahatulan, masaya pa rin akong gawin ito.” Ibinigay ni Pedro ang kanyang lahat sa Diyos, at ang kanyang gawa, mga salita, at buong buhay ay lahat para sa kapakanan ng pag-ibig sa Diyos. Siya ay isang tao na naghanap ng kabanalan, at kung gaano karami ang kanyang naranasan, ganoon kadakila ang kanyang pag-ibig sa Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso. Si Pablo, samantala, ay gumawa lamang ng panlabas na gawain, at kahit na nagtrabaho rin siya nang matindi, ang kanyang mga pagpapagal ay para sa kapakanan ng paggawa ng kanyang gawain nang wasto at sa gayon ay magtamo ng gantimpala. Kung nalaman niya na hindi siya makatatanggap ng gantimpala, isinuko na niya sana ang kanyang gawain. Ang pinahalagahan ni Pedro ay ang tunay pag-ibig sa kanyang puso, at yaong praktikal at kayang makamit. Wala siyang pakialam kung siya ba ay makatatanggap ng gantimpala, bagkus ay kung ang kanyang disposisyon ay kayang mabago. Pinahalagahan ni Pablo ang paggawa nang mas matindi, pinahalagahan niya ang panlabas na paggawa at pag-aalay, at ang mga doktrina na hindi naranasan ng mga karaniwang tao. Wala siyang pagpapahalaga sa mga pagbabago sa kanyang kaloob-looban at sa tunay na pag-ibig sa Diyos. Ang mga karanasan ni Pedro ay upang makamit ang tunay na pag-ibig at totoong pagkakilala sa Diyos. Ang kanyang mga karanasan ay upang magkamit ng isang mas malapit na relasyon sa Diyos, at upang magkaroon ng isang praktikal na pagsasabuhay. Ang gawain ni Pablo ay dahil doon sa ipinagkatiwala sa kanya ni Jesus, at upang makamit ang mga bagay na kanyang inasam, nguni’t ang mga ito ay hindi kaugnay ng kanyang pagkakilala sa kanyang sarili at sa Diyos. Ang kanyang gawain ay para lamang sa kapakanan ng pagtakas sa pagkastigo at paghatol. Ang hinanap ni Pedro ay dalisay na pag-ibig, at ang hinanap naman ni Pablo ay ang korona ng pagkamakatuwiran. Naranasan ni Pedro ang maraming taon ng gawain ng Banal na Espiritu, at nagkaroon ng isang praktikal na pagkakilala kay Cristo, gayundin ang isang malalim na pagkakilala sa kanyang sarili. At kaya naman, ang kanyang pag-ibig sa Diyos ay dalisay. Ang maraming taon ng pagpipino ay nagpayaman sa kanyang pagkakilala kay Jesus at sa buhay, at ang kanyang pag-ibig ay isang pag-ibig na walang kundisyon, ito ay isang pag-ibig na kusang-loob, at wala siyang hiniling na kahit ano bilang kapalit, ni hindi siya umasa sa kahit anong mga benepisyo. Gumawa si Pablo sa loob ng maraming taon, nguni’t hindi siya nagkaroon ng matinding pagkakilala kay Cristo, at ang kanyang pagkakilala sa kanyang sarili ay kahabag-habag sa kaliitan. Wala siyang pagmamahal para kay Cristo, at ang kanyang gawain at ang daang kanyang tinahak ay upang magkamit ng huling putong. Ang kanyang hinanap ay ang pinakamagandang korona, hindi ang pinakadalisay na pag-ibig. Hindi siya aktibong naghanap, kundi ginawa niya ang gayon nang walang-kibo; hindi niya ginagampanan ang kanyang tungkulin, kundi napilitan sa kanyang paghahangad matapos na mahuli ng gawain ng Banal na Espiritu. At kaya naman, ang kanyang paghahangad ay hindi nagpapatunay na siya ay karapat-dapat na nilalang ng Diyos; si Pedro ang siyang karapat-dapat na nilalang ng Diyos na gumanap ng kanyang tungkulin.

—mula sa “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang gawain ni Pablo ay may kaugnayan sa pagtutustos sa mga iglesia, at sa pagtulong ng mga iglesia. Ang naranasan ni Pedro ay mga pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay; naranasan niya ang pagmamahal sa Diyos. Ngayong alam mo na ang mga pagkakaiba sa kanilang mga katangian, makikita mo kung sino, sa kahuli-hulihan, ang totoong naniwala sa Diyos, at sino ang hindi tunay na naniwala sa Diyos. Ang isa sa kanila ay totoong nagmahal sa Diyos, at ang isa ay hindi tunay na nagmahal sa Diyos; ang isa ay sumailalim sa mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at ang isa ay hindi; ang isa ay mapagpakumbabang naglingkod, at hindi madaling napansin ng mga tao; at ang isa ay sinamba ng mga tao, at naging dakila sa paningin nila; ang isa ay naghanap ng kabanalan, at ang isa ay hindi, at kahit na hindi siya marumi, hindi siya nag-angkin ng isang dalisay na pagmamahal; ang isa ay nag-angkin ng totoong pagkatao, at ang isa ay hindi; ang isa ay nag-angkin ng katinuan ng isang nilalang ng Diyos, at ang isa ay hindi. Ang mga iyon ay ang mga pagkakaiba sa mga substansya nina Pablo at Pedro. Ang landas na tinahak ni Pedro ay ang landas ng tagumpay, na siya ring landas ng pagkakamit ng pagbawi sa normal na pagkatao at tungkulin ng isang nilalang ng Diyos. Kinakatawan ni Pedro ang lahat niyaong matagumpay. Ang landas na tinahak ni Pablo ay ang landas ng kabiguan, at kinakatawan niya ang lahat niyaong nagpapasakop lamang at ginugugol ang kanilang sarili nang paimbabaw, at hindi tunay na nagmamahal sa Diyos. Kinakatawan ni Pablo ang lahat niyaong hindi nag-aangkin ng katotohanan.

—mula sa “Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sanggunian na mga Sipi ng Sermon at Pagbabahagi:

Lahat ng hindi pa nakatahak sa wastong landas ng pananampalataya sa Diyos, na ang disposisyon sa buhay ay hindi pa nakaranas ng anumang pagbabago at hindi nauunawaan ni katiting na katotohanan, basta’t umaasa sila sa kanilang kasigasigan at motibasyon na magtamo ng mga pagpapala, at handa silang magsikap nang kaunti, maaari silang maglingkod. Kapag nauunawaan na ng isang tao ang ilang katotohanan, may tunay na pananampalataya siya sa Diyos, hindi na siya nagdududa man lang tungkol sa Diyos, nauunawaan niya ang gawain ng Diyos, nakikita niya na ang layunin ng gawain ng Diyos ay para iligtas at gawing perpekto ang mga tao at makikita niya na ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay talagang dakila, at may puso siyang nagmamahal sa Diyos at isang puso na ginagantihan ang pagmamahal na ibinibigay ng Diyos sa atin, masasabi na ang mga tungkuling ginagampanan ng ganitong klaseng tao ay mabubuting gawa. Ang mga tungkuling ginagampanan ng taong ito ay maaaring pormal na isipin na mga tungkulin ng isa sa mga nilikha ng Diyos, at hindi pagsisilbi. Ang ibig sabihin ng pagganap sa mga tungkulin ay na handa kang gampanan ang iyong mga tungkulin bilang paraan ng pagganti sa pagmamahal ng Diyos. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagganap sa mga tungkulin at ng pagsisilbi. Magkaiba ang motibo. Magkaiba ang kalagayan at kundisyon sa kaibuturan ng puso. Ang pagsisilbi ay pagganap sa ilang tungkulin na ang motibo ng isang tao ay ang magtamo ng mga pagpapala at ang kanyang kasigasigan. Ang tunay na pagganap niya sa tungkulin ay nakasalig sa pagkaunawa sa katotohanan. Batay ito sa pagkaunawa na ang mga nilikhang gumaganap sa kanilang mga tungkulin ay ang batas ng langit, at nakasalig ito sa pagkaalam sa pagmamahal ng Diyos at sa hangaring gantihan ang pagmamahal Niyang ito kaya napupukaw ang hangarin niyang gampanan ang kanyang mga tungkulin. Ito ang ibig sabihin ng tunay at wastong pagganap ng isang tao sa kanyang mga tungkulin.

—mula sa Mga Sermon at Pagbabahagi Tungkol sa Pagpasok sa Buhay

Lahat ng taong nakatuon sa buhay at naghahangad na maging mga tao ng Diyos ay nagagawang ituring ang pagganap nila sa tungkulin na isang responsibilidad na hindi maiiwasan; ginagawa nila ito para gantihan ang pagmamahal ng Diyos. Hindi sila nanghihingi ng gantimpala sa pagganap sa kanilang tungkulin, at wala silang hinihiling. Lahat ng ginagawa nila ay matatawag na pagganap ng isang tao sa tungkulin. Ang kategorya ng mga taong tinatawag na mga tagapagsilbi ay kakatiting ang pagsisikap para payapain ang Diyos upang mapagpala sila. Ang kanilang pananampalataya ay may bahid-dungis. Wala silang konsiyensya o katwiran, at lalong hindi sila naghahanap ng katotohanan o buhay. Dahil makikita nila kung gaano sila likas na masama kaya imposible silang magiging mga tao ng Diyos, tinatalikuran nila ang kanilang paghahangad na maging mga tao ng Diyos, at laging nabubuhay sa pagiging negatibo. Dahil dito, lahat ng ginagawa nila ay pagsisilbi dahil nakagapos sila sa kanilang baluktot na konsepto tungkol sa kalooban ng Diyos. Ang landas na tinatatahak ng isang tao ang nagpapasiya kung ang kanyang ginagawa ay pagganap ba sa kanyang tungkulin o pagsisilbi. Kung hinahanap niya ang katotohanan at nakatuon siya sa buhay, ginagampanang mabuti ang kanyang tungkulin para gantihan ang pagmamahal ng Diyos at bigyan Siya ng kasiyahan, at nagsusumikap na makamit ang mithiing makabilang sa mga tao ng Diyos, kung ganitong klase ng pangitain ang suporta niya, siguradong ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Lahat ng tao na hindi taglay ang katotohanan, na nalulungkot at nabubuhay sa pagiging negatibo, na di-gaanong nagsisikap na payapain at dayain ang Diyos ay ang klase ng mga tao na nagsisilbi lamang. Malinaw na lahat ng tagapagsilbi ay mga tao talaga na walang konsiyensya o katwiran, at sila ang hindi naghahanap ng katotohanan at walang buhay. Mula rito, maliwanag na yaong mga hindi determinado, na hindi naghahanap ng katotohanan, at hindi nagtutuon sa buhay ang hindi nararapat marahil na maging mga tagapagsilbi. Likas na masama ang kanilang pagkatao; ayaw nilang tanggapin ang katotohanan at hindi sila naniniwala sa Diyos. Nagdududa pa sila sa mga salita ng Diyos. Sarili nilang panlilinlang mismo ang nagkakanulo sa kanila. Kung ang isang tao ay tunay na tagapagsilbi, kailangan pa rin niyang magsilbi nang maayos at hindi basta-basta at padaskol. Ito lamang ang magpapagindapat sa kanya na manatiling tagapagsilbi; at gagawin siya nitong napakapalad. Hindi simple ang maging tunay na tagapagsilbi.

—mula sa Ang Pagbabahagi mula sa Itaas

Kaugnay na Content