Walang daan tungo sa buhay na walang hanggan sa loob ng Biblia; kung pinanghahawakan ng tao ang Biblia at sinasamba ito, hindi nila matatamo ang buhay na walang hanggan

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin. At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay” (Juan 5:39–40).

Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6).

4. Walang daan tungo sa buhay na walang hanggan sa loob ng Biblia; kung pinanghahawakan ng tao ang Biblia at sinasamba ito, hindi nila matatamo ang buhay na walang hanggan

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring taglayin ng kahit na sino lang, ni hindi rin ito madaling makamtan ng lahat. Iyon ay dahil maaari lang magmula sa Diyos ang buhay, na ibig sabihin, ang Diyos Mismo lang ang may taglay ng sangkap ng buhay, walang ibang daan ng buhay kung wala ang Diyos Mismo, sa gayon ang Diyos lang ang pinanggagalingan ng buhay, at ang walang hanggang umaagos na bukal ng tubig na nagbibigay-buhay.

—mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Diyos Mismo ay ang buhay, at ang katotohanan, at ang Kanyang buhay at katotohanan ay sabay na umiiral. Silang mga walang kakayahang makamtan ang katotohanan ay di-kailanman makakamtan ang buhay. Kung wala ang patnubay, tulong, at pagtustos ng katotohanan, ang makakamtan mo lang ay mga titik, mga doktrina, at, bukod diyan, kamatayan. Ang buhay ng Diyos ay laging naririyan, at ang Kanyang katotohanan at buhay ay umiiral nang sabay. Kung hindi mo mahahanap ang pinagmulan ng katotohanan, sa gayon hindi mo makakamtan ang pagkain ng buhay; kung hindi mo makakamtan ang panustos ng buhay, sa gayon tiyak na hindi ka talagang magkakaroon ng katotohanan, at sa gayon bukod sa mga imahinasyon at mga pagkaintindi, ang kabuuan ng iyong katawan ay magiging walang iba kundi laman lang, ang iyong umaalingasaw na laman. Alamin mo na ang mga salita ng mga aklat ay hindi itinuturing na buhay, ang mga talaan ng kasaysayan ay hindi maaaring ipagdiwang na katotohanan, at ang mga doktrina ng mga nakalipas na panahon ay hindi maaaring magsilbing paglalarawan ng sinambit ng Diyos sa kasalukuyan. Ang tanging mga inihahayag ng Diyos kapag Siya ay pumaparito sa lupa at namumuhay kasama ng mga tao ay ang katotohanan, ang buhay, ang kalooban ng Diyos, at ang Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kapag iyong ginamit ang mga itinalang mga salita na binigkas ng Diyos noong mga sinaunang panahon hanggang sa ngayon, sa gayon isa kang arkeologo, at ang pinakamainam na itawag sa iyo ay isang dalubhasa sa mga minanang kasaysayan. Iyon ay dahil lagi kang naniniwala sa mga bakas ng mga gawain ng Diyos noong unang panahon, pinaniniwalaan lang ang aninong iniwan ng Diyos noong dati Siyang gumawa kasama ng mga tao, at pinaniniwalaan lang ang mga paraan na ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong lumipas na panahon. Hindi ka naniniwala sa direksiyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi naniniwala sa maluwalhating anyo ng Diyos ngayon, at hindi naniniwala sa daan ng katotohanan na inihayag ng Diyos ngayon. Sa gayon hindi maipagkakaila na isa kang nangangarap nang gising na lubos na malayo sa realidad. Kung ngayon ay nananatili ka pang nakakapit sa mga salitang walang kakayahang magbigay buhay sa tao, sa gayon tulad ka ng isang walang silbing piraso ng patay na kahoy,[a] dahil ikaw ay masyadong makaluma, masyadong suwail, masyadong hindi naaapektuhan ng pangangatuwiran!

—mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at kakayahang magpakahulugan sa Biblia ay tulad ng pagkasumpong sa totoong landas—ngunit sa katunayan, ganoon ba talaga kasimple ang mga bagay-bagay? Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Biblia: na ito’y walang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang testamento sa sinundang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at hindi nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga minimithi ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Biblia na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at gawain ni Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo; hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na nakalipas ay gumagawa sa mga ito na kasaysayan, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi magpapatungkol sa kasalukuyan. Sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! At kaya, kung iyo lamang nauunawaan ang Biblia, at walang naiintindihan sa gawain na nilalayong gawin ngayon ng Diyos, at kung naniniwala ka sa Diyos nguni’t hindi hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Biblia upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa lahat ng kalangitan at kalupaan, kung gayon ay hindi ka naniniwala sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil naniniwala ka sa Diyos, at hinahabol ang buhay, dahil hinahabol mo ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahabol ang mga walang-buhay na titik at doktrina, o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang kalooban ng Diyos ngayon, at dapat hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Biblia—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga yaon na naniniwala sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang kalooban ng Diyos sa ngayon.

—mula sa “Tungkol sa Biblia (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kahit na pinagsasama-sama ng Biblia ang ilang aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham ni Pablo at mga liham ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay matutustusan at matutulungan ng mga librong ito, hindi na rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang tumitigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. At kaya, ang mga librong ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay magkakaloob lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at hindi mahalaga kung gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay kapareho ng gawain ni Jehova ng paglikha o ng Kanyang gawain sa Israel: Hindi mahalaga kung gaano kadakila ang gawaing ito, ito pa rin ay wala na sa panahon, at ang oras ay darating pa rin kung kailan ito ay tapos na. Ang gawain ng Diyos ay kapareho rin: Ito ay dakila, ngunit darating ang panahon kung kailan natatapos ito; hindi ito palagiang mananatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni sa gitna ng pagpapako sa krus. Kung gaano man kapani-paniwala ang gawain ng pagpapako sa krus, kung gaano man kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain ay, kung tutuusin, gawain pa rin, at ang mga kapanahunan, kung tutuusin, ay mga kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi palaging mananatili sa parehong pundasyon, ni ang mga panahon ay hindi nagbabago kailanman, dahil mayroong paglikha at dapat mayroong mga huling araw. Ito ay hindi maiiwasan! Kaya, ngayon ang mga salita ng buhay sa Bagong Tipan—ang mga liham ng mga apostol, at ang Apat na Ebanghelyo—ay naging mga libro ng kasaysayan, ang mga ito ay naging lumang mga almanak, at paanong madadala ng lumang mga almanak ang mga tao sa bagong kapanahunan? Kung gaano man ang kakayahan ng mga almanak na ito sa pagbibigay ng buhay sa mga tao, kung gaano man ang kakayahan ng mga ito na akayin ang mga tao sa krus, hindi ba ang mga ito ay lipas na? Hindi ba nawalan na ang mga ito ng halaga? Kaya, sinasabi Ko na hindi ka dapat pikit-matang naniniwala sa mga almanak na ito. Ang mga ito ay napakaluma, hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at maaaring pabigat lamang ang mga ito sa iyo. Hindi lamang sa hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at tungo sa bagong pagpasok, kundi dinadala ka ng mga ito tungo sa lumang mga relihiyosong simbahan—at kung gayon, hindi ka ba paurong sa paniniwala mo sa Diyos?

—mula sa “Tungkol sa Biblia (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kung nakakamit mo ang kaunting kaalaman mula sa Diyos at may kaunting pag-iingat laban sa Kanya, hindi ba ito isang pagkilos na hindi talaga dapat? Ang kinakailangan mong gawin ay tanggapin, nang hindi kailangan ang higit pang patunay mula sa Biblia, ang anumang gawain hangga’t ito’y doon sa Banal na Espiritu, dahil naniniwala ka sa Diyos upang sundan ang Diyos, hindi upang siyasatin Siya. Hindi ka dapat maghanap ng karagdagang patunay para sa Akin upang ipakita na Ako ang iyong Diyos. Sa halip, kinakailangan mong talusin kung Ako ay kapaki-pakinabang sa’yo; iyan ang susi. Kahit na nalalaman ninyong maraming hindi-mapabulaanang patunay sa Biblia, hindi ito nakapagdadala sa inyo nang buo sa Aking harapan. Isa ka na namumuhay sa loob ng hangganan ng Biblia, at hindi sa harapan Ko; ang Biblia ay hindi nakakatulong sa’yo na makilala Ako, ni napapalalim nito ang pagmamahal mo sa Akin.

—mula sa “Paano Makatatanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Limitado ang Pagkaintindi tungkol sa Diyos?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng walang maliw at magpakailanmang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ay ang landas kung saan makakamit ng tao ang buhay, at ang tanging landas kung saan makikilala ng tao ang Diyos at masasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hahanapin ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, sa gayon, hindi mo kailanman makukuha ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi kailanman magiging karapat-dapat pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagka’t ikaw ay kapwa sunud-sunuran at bilanggo ng kasaysayan. Silang mga kontrolado ng mga tuntunin, ng mga titik, at nakagapos sa kasaysayan ay hindi kailanman makakamtan ang buhay, at hindi kailanman makakamtan ang walang hanggang daan ng buhay. Iyan ay dahil ang mayroon lang sila ay malabong tubig na di-umagos nang libu-libong mga taon, sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa luklukan. Silang mga hindi nabigyan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay magpakailanman, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno. Kung gayon, paano nila makikita ang Diyos? Kung sinusubukan mo lang na panghawakan ang nakaraan, sinusubukan lang na panatilihin ang mga bagay na walang pagbabago, at hindi sinusubukang baguhin ang nakasanayan at itapon ang kasaysayan, sa gayon hindi ka ba magiging laging salungat sa Diyos? Ang mga hakbang sa gawain ng Diyos ay malawak at makapangyarihan, tulad ng rumaragasang mga alon ng dagat at dumadagundong na mga kulog—nguni’t nakaupo at walang imik kang naghihintay ng pagkawasak, nananatili sa iyong kahangalan at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang tao na sumusunod sa mga yapak ng Cordero? Paano mo mapatutunayan na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa iyong nanilaw na mga libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka papatnubayan ng mga ito sa iyong paghahanap ng mga hakbang sa gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa iyong mga kamay ay ang mga titik na magbibigay ng panandaliang ginhawa lang, hindi ang mga katotohanan na kayang magbigay ng buhay. Ang mga kasulatan na iyong nababasa ay ang mga makakapagpayaman lang ng iyong dila, hindi mga salita ng karunungan na makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi ang mga daan na makapaghahatid sa iyo sa pagkaperpekto. Ang pagkakaiba bang ito ay hindi nagdudulot sa iyo ng pagbubulay-bulay? Hindi ba nito naipapaunawa sa iyo ang mga hiwaga na sumasaloob dito? May kakayahan ka ba na dalhin ang iyong sarili sa langit upang makipagkita sa Diyos nang ikaw lang? Kung hindi dumating ang Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasayahan ng pamilyang kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Imumungkahi Ko, sa gayon, na ihinto mo ang pananaginip, at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon, at kung sino ang tumutupad sa gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamtan ang katotohanan, at hindi kailanman makakamtan ang buhay.

—mula sa “Tanging ang Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Talababa:

a. Isang piraso ng patay na kahoy: isang sawikaing Tsino, nangangahulugang “hindi maaabot ng tulong.”

Kaugnay na Content