Ano ang mga kaibhan sa pagitan ng mga salitang ipinahayag ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya at ng mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit” (Mateo 4:17).

“Nang magkagayo’y binuksan niya ang kanilang mga pagiisip, upang mapagunawa nila ang mga kasulatan; At sinabi niya sa kanila, Ganyan ang pagkasulat, na kinakailangang maghirap ang Cristo, at magbangong muli sa mga patay sa ikatlong araw; At ipangaral sa kaniyang pangalan ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa lahat ng mga bansa, magbuhat sa Jerusalem” (Lucas 24:45–47).

Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).

At kung ang sinomang tao’y nakikinig sa aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi ko siya hinahatulan: sapagka’t hindi ako naparito upang humatol sa sanglibutan, kundi upang iligtas ang sanglibutan. Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).

Ano ang kaibhan sa pagitan ng mga salitang ipinahayag ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya at ng mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian?

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang gawain ni Jesus ay para lamang sa kapakanan ng pagtubos sa tao at ang pagpako sa krus. Kaya, hindi Niya kailangang higit pang mangusap upang malupig ang sinumang tao. Ang karamihan sa Kanyang mga itinuro sa tao ay mula sa mga salita sa Banal na Kasulatan, at kahit na ang Kanyang gawain ay hindi higit sa Banal na Kasulatan, naisagawa pa rin Niya ang gawaing pagpapapako sa krus. Ang Kanyang gawain ay hindi gawain ng salita, ni para sa kapakanan ng paglupig sa sangkatauhan, sa halip ito ay upang matubos ang sangkatauhan. Gumanap lang Siya bilang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan, at hindi gumanap bilang mapagkukunan ng mga salita para sa sangkatauhan. Hindi Niya isinagawa ang gawain ng mga Gentil, na gawain ng panlulupig sa tao, nguni’t isinagawa ang gawain ng pagpapapako sa krus, gawain na isinagawa sa mga naniniwala na mayroong Diyos. Kahit na ang Kanyang gawain ay naisakatuparan sa saligan ng Banal na Kasulatan, at ginamit Niya ang mga hula ng mga matatandang propeta upang isumpa ang mga Fariseo, ito ay sapat na upang matapos ang gawain ng pagpapapako sa krus. Kung ang gawain sa ngayon ay isinasagawa pa rin sa saligan ng mga hula ng mga matatandang propeta sa Banal na Kasulatan, kung gayon magiging mahirap na kayo ay malupig, dahil ang Lumang Tipan ay hindi naglalaman ng mga ulat ng hindi ninyo pagsunod at ng mga kasalanan ninyong mga Tsino, walang kasaysayan ng inyong mga kasalanan. At kaya, kung ang gawaing ito ay nananatili pa rin sa Biblia, hindi kayo kailanman susuko. Ang Biblia ay nagtatala lang ng limitadong kasaysayan tungkol sa mga Israelita, isang hindi kayang itakda kung kayo ay mabuti o masama, o hatulan kayo. Ipagpalagay na kayo ay hahatulan Ko ayon sa kasaysayan ng mga Israelita—Ako pa ba ay inyong susundin katulad ng inyong pagsunod ngayon? Alam niyo ba kung gaano kayo kasutil? Kung walang binitiwang mga salita sa yugtong ito, magiging imposible ang pagtapos sa gawain ng panlulupig. Dahil hindi Ako pumarito upang maipako sa krus, nararapat Akong magbitiw ng mga salita na hiwalay mula sa Biblia, upang kayo ay malupig.

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Tingnan muna natin ang bawat bahagi ng “Ang Sermon sa Bundok.” Ano ang kaugnayan ng lahat ng ito? Maaaring masabi nang may katiyakan na ang lahat ng ito ay mas mataas, mas kongkreto, at mas malapit sa mga buhay ng mga tao kaysa sa mga alituntunin sa Kapanahunan ng Kautusan. Kung sasabihin sa makabagong mga pananalita, ito ay mas mahalaga sa mismong pagsasagawa ng mga tao.

Basahin natin ang tiyak na nilalaman ng mga sumusunod: Paano mo dapat unawain ang mga banal na pagpapala? Ano ang dapat mong malaman tungkol sa kautusan? Paano dapat bigyan ng kahulugan ang galit? Paano dapat makitungo sa mga mapakiapid? Ano ang binabanggit, anong uri ng mga patakaran mayroon tungkol sa diborsiyo, at sino ang makakukuha ng diborsiyo at sino ang hindi makakukuha ng diborsiyo? Paano naman ang mga pangako, mata para sa mata, ibigin mo ang iyong mga kaaway, ang tagubilin ukol sa pag-aabuloy? At iba pa. Ang lahat ng bagay na ito ay may kinalaman sa bawat aspeto ng kaugalian sa pananampalataya sa Diyos ng mga tao, at ng kanilang pagsunod sa Diyos. Ang ilan sa mga pagsasagawang ito ay naaangkop pa rin sa araw na ito, nguni’t ang mga ito ay mas sinauna kaysa sa kasalukuyang mga kinakailangan sa mga tao. Ang mga ito ay maituturing na panimulang mga katotohanan na nasasagupa ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Mula sa panahon na nagsimulang gumawa ang Panginoong Jesus, nagsimula na Siyang gumawa sa disposisyon sa buhay ng mga tao, nguni’t ito ay batay sa saligan ng mga kautusan. Ang mga patakaran at mga kasabihan sa mga paksang ito ay may kinalaman ba sa katotohanan? Mangyari pa mayroon! Ang lahat ng naunang mga alituntunin, mga panuntunan, at ang sermon sa Kapanahunan ng Biyaya ay may kinalamang lahat sa disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at mangyari pa sa katotohanan. Maging anuman ang ipahayag ng Diyos, sa alinmang paraan Niya ito ipahayag, o gamit ang anumang uri ng wika, ang saligan nito, ang pinagmulan nito, at ang pasimula nito ay nakabatay lahat sa mga panuntunan ng Kanyang disposisyon at kung anong mayroon at kung ano Siya. Ito ay walang kamalian. Kaya kahit na ngayong ang mga bagay na ito na Kanyang sinabi ay parang medyo mababaw, hindi mo pa rin masasabi na hindi sila ang katotohanan, sapagka’t sila ay mga bagay na kailangan para sa mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya nang upang malugod ang kalooban ng Diyos at upang makamit ang isang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Maaari mo bang sabihin na ang alinman sa mga bagay na ito sa sermon ay hindi nakaugnay sa katotohanan? Hindi mo maaaring sabihin! Ang bawat isa sa mga ito ay ang katotohanan sapagka’t ang lahat ng ito ay mga kinakailangan ng Diyos para sa sangkatauhan; silang lahat ay mga panuntunan at isang saklaw na ibinigay ng Diyos para kung paano umasal ang sarili, at kinakatawan nila ang disposisyon ng Diyos. Gayunman, batay sa antas ng kanilang paglago sa buhay sa panahong iyon, nagawa lamang nila na tanggapin at maunawaan ang mga bagay na ito. Sapagka’t ang kasalanan ng sangkatauhan ay hindi pa nalulunasan, maaari lamang ibigay ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito, at maaari lamang Niyang gamitin ang gayong kasimpleng mga aral sa gitna ng ganitong saklaw upang sabihin sa mga tao sa panahong iyon kung paano sila dapat kumilos, ano ang dapat nilang gawin, sa gitna ng aling mga panuntunan at saklaw nila dapat gawin ang mga bagay, at kung paano sila dapat maniwala sa Diyos at matugunan ang Kanyang mga kahilingan. Ang lahat ng ito ay napagpapasyahan batay sa tayog ng sangkatauhan sa panahong iyon. Hindi madali para sa mga taong nabubuhay sa ilalim ng kautusan na tanggapin ang mga aral na ito, kaya kung ano ang itinuro ng Panginoong Jesus ay kailangang manatili sa loob ng saklaw na ito.

—mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang mga salita na winika ng Diyos sa kapanahunang ito ay iba sa mga winika noong Kapanahunan ng Kautusan, at kaya, gayon din, ang mga iyon ay naiiba mula sa mga salita na winika noong Kapanahunan ng Biyaya. Sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng salita, kundi isinalarawan lamang ang pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ang Biblia ay nagsasalarawan lamang kung bakit kailangang ipako si Jesus, at ang mga paghihirap na pinagdaanan Niya sa krus, at kung paano ang tao ay dapat maipako para sa Diyos. Sa kapanahunang iyon, lahat ng gawain na ginawa ng Diyos ay nakasentro sa pagpapapako sa krus. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagwiwika ng mga salita upang lupigin ang lahat ng naniniwala sa Kanya. Ito ay “ang Salita na nagpapakita sa katawang-tao”; ang Diyos ay naparito sa panahon ng mga huling araw upang gawin ang ganito, na ibig sabihin, Siya ay naparito upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Nagwiwika lamang Siya ng mga salita, at bihirang mayroong pagdating ng mga katunayan. Ito ang pinakasubstansya ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at kapag ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagwiwika ng Kanyang mga salita, ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao, at ang Salita na dumarating sa katawang-tao. “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios, at nagkatawang-tao ang Verbo.” Ito (ang gawain ng pagpapakita ng Salita sa katawang-tao) ay ang gawain na tutuparin ng Diyos sa mga huling araw, at ang huling kabanata ng Kanyang buong plano ng pamamahala, at sa gayon ang Diyos ay naparito sa lupa at naghayag ng Kanyang mga salita sa katawang-tao. Yaong ginagawa ngayon, yaong gagawin sa hinaharap, yaong tutuparin ng Diyos, ang huling hantungan ng tao, yaong mga maliligtas, yaong mga mawawasak, at iba pa—ang gawaing ito na dapat makamit sa katapusan ay maliwanag nang nakasaad, at ang lahat ay upang tuparin ang aktwal na kabuluhan ng Salita na nagpapakita sa katawang-tao. Ang mga atas administratibo at saligang-batas na dati nang nailathala, yaong mga mawawasak, yaong mga papasok sa kapahingahan—ang lahat ng salitang ito ay dapat na matupad. Ito ang gawaing pangunahing natupad ng Diyos na nagkatawang-tao sa panahon ng mga huling araw. Ipinauunawa Niya sa mga tao kung saan yaong mga itinadhana ng Diyos ay nabibilang at kung saan yaong mga hindi itinadhana ng Diyos ay nabibilang, kung paanong ang Kanyang mga tao at mga anak ay mapapagbukud-bukod, ano ang mangyayari sa Israel, ano ang mangyayari sa Egipto—sa hinaharap, bawat isa sa mga salitang ito ay matutupad. Ang mga hakbang ng mga gawain ng Diyos ay bumibilis. Ginagamit ng Diyos ang salita bilang ang paraan upang ibunyag sa tao kung ano ang gagawin sa bawat kapanahunan, kung ano ang gagawin ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, at ang ministeryo na Kanyang gagampanan, at lahat ng salitang ito ay upang isakatuparan ang aktuwal na kabuluhan ng Salitang nagpapakita sa katawang-tao.

—mula sa “Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang Aking sinasabi sa kasalukuyan ay upang hatulan ang mga kasalanan ng mga tao at ang kanilang pagiging hindi matuwid; iyon ay pagsumpa sa pagiging mapanghimagsik ng mga tao. Ang kanilang panlilinlang at kabuktutan, at kanilang mga salita at mga pagkilos, lahat ng bagay na hindi naaayon sa Kanyang kalooban ay sasailalim sa paghatol, at ang pagiging mapanghimagsik ng mga tao ay tinukoy na makasalanan. Siya ay nagsasalita alinsunod sa mga panuntunan ng paghatol, at ibinubunyag Niya ang Kanyang matuwid na disposisyon sa pamamagitan ng paghatol sa kanilang pagiging hindi matuwid, pagsumpa sa kanilang pagiging mapanghimagsik, at pagbunyag sa lahat ng kanilang mga pangit na mukha.

—mula sa “Paano Namumunga ang Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Panlulupig” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang pangunahing gawain ng Diyos sa kapanahunang ito ay ang pagkakaloob ng mga salita para sa buhay ng tao, ang pagbubunyag ng diwa ng kalikasan ng tao at tiwaling disposisyon ng tao, ang pag-aalis ng mga relihiyosong pagkaintindi, piyudal na pag-iisip, makalumang pag-iisip, pati na rin ang kaalaman at kultura ng tao. Dapat mailantad ang lahat ng ito at malinis sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, at hindi mga tanda at kababalaghan, upang gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para ilantad ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makita ng tao ang karunungan at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at maunawaan ang disposisyon ng Diyos, upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, makita ng tao ang mga gawa ng Diyos.

—mula sa “Pagkilala sa Gawain ng Diyos Ngayon” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Pagdating sa salitang “paghatol,” maiisip mo ang mga salitang sinalita ni Jehova sa lahat ng dako at ang mga salita ng pagsaway na sinalita ni Jesus sa mga Fariseo. Bagama’t matigas ang mga pananalitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao, mga salita lamang na sinalita ng Diyos sa loob ng magkakaibang mga kapaligiran, iyon ay, magkakaibang tagpo; ang mga salitang ito ay hindi kagaya ng mga salitang sinalita ni Cristo habang hinahatulan Niya ang tao sa mga huling araw. Sa mga huling araw, si Cristo ay gumagamit ng sari-saring katotohanan upang turuan ang tao, ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat mabuhay nang normal ang tao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas nang pangmatagalan. Ang ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtam ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.

—mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa Kapanahunan ng Kaharian, ginagamit ng Diyos ang salita upang ihatid ang isang bagong kapanahunan, upang baguhin ang paraan ng Kanyang gawain, at upang gawin ang gawain para sa buong kapanahunan. Ito ang panuntunan ng paggawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay nagkatawang-tao upang magsalita mula sa iba’t ibang pananaw, binibigyang-kakayahan ang tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang Salita na nagpapakita sa katawang-tao, at ang Kanyang karunungan at pagiging nakamamangha. Ang ganoong gawain ay ginagawa upang mas makamit ang mga layunin ng paglupig sa tao, paggawang perpekto sa tao, at pag-aalis sa tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit sa salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang kailangang pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng salita, ang lahat ng gawain na nais isagawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay natutupad. Sa pamamagitan ng salita, nahahayag ang tao, naaalis at sinusubukan. Nakita ng tao ang salita, narinig ang salita, at nabuksan ang kamalayan patungkol sa pag-iral ng salita. Ang bunga nito, naniniwala ang tao sa pag-iral ng Diyos, naniniwala ang tao sa pagiging makapangyarihan sa lahat at sa karunungan ng Diyos, gayundin sa pagmamahal ng Diyos para sa tao at Kanyang pagnanais na iligtas ang tao. Bagaman ang salitang “salita” ay payak at karaniwan, ang salita mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang buong sansinukob; binabago ng Kanyang salita ang puso ng tao, ang mga pagkaunawa at ang lumang disposisyon ng tao, at ang lumang anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganoong paraan, at Siya ang tanging nagsasalita at nagliligtas sa tao. Pagkatapos noon, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng salita, inaakay at tinutustusan ng salita; sila ay namumuhay sa mundo ng salita, namumuhay sa gitna ng mga sumpa at mga pagpapala ng salita ng Diyos, at mas marami pang tao ang namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng salita. Ang mga salita at gawaing ito ay para lahat sa kapakanan ng kaligtasan ng tao, pagkamit sa kalooban ng Diyos, at pagbabago sa orihinal na anyo ng mundo ng unang paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng salita, pinamumunuan ang mga tao sa buong sansinukob sa pamamagitan ng salita, nilulupig at inililigtas sila sa pamamagitan ng salita. Sa huli, gagamitin Niya ang salita upang dalhin ang buong lumang mundo sa katapusan. Doon lamang ganap na matatapos ang plano ng pamamahala.

—mula sa “Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa panahong iyon, si Jesus ay gumawa ng maraming gawain na mahirap maintindihan ng Kanyang mga disipulo, at nagsabi ng marami na hindi naunawaan ng mga tao. Ito ay dahil, sa panahong iyon, hindi Siya nagbigay ng paliwanag. Kaya, maraming taon pagkatapos Niyang umalis, nilikha ni Mateo ang Kanyang talaangkanan, at gumawa rin ang iba ng maraming gawain na naayon sa kalooban ng tao. Hindi pumarito si Jesus upang gawing perpekto at makamit ang tao, kundi upang magsagawa ng isang yugto ng gawain: dinadala ang ebanghelyo ng kaharian ng langit at tinatapos ang gawain ng pagpapapako sa krus—at kapag naipako na sa krus si Jesus, ang Kanyang gawain ay lubos nang naisakatuparan. Nguni’t sa kasalukuyang yugto—ang gawain ng panlulupig—mas maraming salita ang dapat ipahayag, mas maraming gawain ang dapat isagawa, at nararapat magkaroon ng maraming paraan. Kaya nararapat ding mabunyag ang mga hiwaga ng gawain nina Jesus at Jehova, nang sa gayon ay maaaring magkaroon ang lahat ng tao ng pang-unawa at kalinawan sa kanilang paniniwala, dahil ito ang gawain ng mga huling araw, at ang mga huling araw ay ang katapusan ng gawain ng Diyos, ang panahon ng konklusyon ng gawaing ito. Liliwanagin para sa iyo ng yugto ng gawain na ito ang kautusan ni Jehova at ang pagtubos ni Jesus, at ito’y pangunahin upang maunawaan mo ang buong gawain ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at mapahalagahan ang lahat ng kabuluhan at diwa nitong anim na libong taong plano ng pamamahala, at maunawaan ang layunin ng lahat ng gawaing isinagawa ni Jesus at ang mga salitang Kanyang sinabi, at gayundin ang iyong bulag na paniniwala at pagsamba sa Biblia. Lahat ng ito’y hahayaan kang makaunawa. Magagawa mong maunawaan pareho ang gawain na ginawa ni Jesus, at ang gawain ng Diyos ngayon; mauunawaan mo at iyong mapagmamasdan ang lahat ng katotohanan, ang buhay, at ang daan. Sa yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus, bakit umalis si Jesus nang hindi tinatapos ang gawain ng Diyos? Dahil ang yugto ng gawain ni Jesus ay hindi ang gawaing konklusyon. Nang Siya ay ipinako sa krus, ang Kanyang mga salita ay natapos din; matapos ang pagpapapako Niya sa krus, ang Kanyang gawain ay nagwakas nang ganap. Ang kasalukuyang yugto ay iba: Tanging pagkatapos mabitawan ang mga salita hanggang sa katapusan at magwakas ang buong gawain ng Diyos ay doon lang matatapos ang Kanyang gawain. Sa yugto ng gawain ni Jesus, maraming salita ang nanatiling hindi nahayag, o hindi nahayag nang buong linaw. Nguni’t walang pakialam si Jesus sa Kanyang mga hindi sinabi o ginawa, dahil ang Kanyang ministeryo ay hindi ang ministeryo ng mga salita, kaya matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay lumisan. Ang yugtong iyon ng gawain ay una sa lahat para sa kapakanan ng pagpapapako sa krus, at hindi katulad ng yugto ngayon. Ang yugto ng gawain na ito ay pangunahin para sa kapakanan ng pagtapos, pagliliwanag at ng paghahatid ng lahat ng gawain sa isang konklusyon. Kung hindi binibitawan ang mga salita hanggang sa kahuli-hulihan, walang magiging paraan upang matapos ang gawaing ito, dahil sa yugto ng gawain na ito ang lahat ng gawain ay naihahatid sa isang katapusan at natapos sa pamamagitan ng mga salita. Sa panahong iyon, nagsagawa si Jesus ng maraming gawain na hindi naunawaan ng tao. Siya ay tahimik na lumisan, at ngayon marami pa rin ang hindi nakauunawa sa Kanyang mga salita, mali ang kanilang mga pang-unawa nguni’t sila pa rin ay naniniwala na ang mga ito ay tama, hindi alam nagkakamali sila. Sa huli, ang kasalukuyang yugtong ito ang magdadala ng gawain ng Diyos sa isang ganap na wakas, at magbibigay ng konklusyon nito. Magagawang maunawaan at malaman ng lahat ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang mga pagkaintindi sa loob ng tao, ang kanyang mga layunin, ang kanyang maling pang-unawa, ang kanyang mga pagkaintindi sa gawain nina Jehova at Jesus, ang kanyang mga pananaw ukol sa mga Gentil, at ang kanyang iba pang mga paglihis at mga kamalian ay itatama. At mauunawaan ng tao ang lahat ng tamang landas ng buhay, at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at ang buong katotohanan. Kapag nangyari iyon, ang yugto ng gawain na ito ay matatapos na.

—mula sa “Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kaugnay na Content