Paano dapat unawain ng isang tao ang tinig ng Diyos? Paano maaaring mapagtibay ng isang tao na ang Makapangyarihang Diyos ay talagang ang nagbalik na Panginoong Jesus?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin” (Juan 10:27).

Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).

Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7).

Narito, ang Leon sa angkan ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang magbukas ng aklat at ng pitong tatak nito” (Pahayag 5:5).

Ako ang Alpha at ang Omega, sabi ng Panginoong Dios, ngayon at nang nakaraan at sa darating, ang Makapangyarihan sa lahat” (Pahayag 1:8).

tinig ng Diyos

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao ay nagsisimula ng isang bagong kapanahunan, gumagabay sa buong sangkatauhan, nagbubunyag ng mga hiwaga, at nagpapakita sa tao ng direksyong pasulong sa isang bagong kapanahunan. Ang kaliwanagan na natamo ng tao ay isa lamang simpleng pagsasagawa o kaalaman. Hindi nito magagabayan ang buong sangkatauhan sa isang bagong kapanahunan o maibubunyag ang hiwaga ng Diyos Mismo. Ang Diyos, matapos ang lahat, ay Diyos, at ang tao ay tao. Ang Diyos ay may diwa ng Diyos, at ang tao ay may diwa ng tao.

—mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang pagkilala sa Diyos ay dapat gawin sa pamamagitan ng pagbasa at pag-unawa sa salita ng Diyos, pagsasagawa at pagdanas ng salita ng Diyos. Sinasabi ng ilan: “Hindi ko pa nakikita ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya paano ko makikilala ang Diyos?” Sa katunayan, ang salita ng Diyos ay isang pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Mula sa salita ng Diyos ay nakikita mo ang pag-ibig ng Diyos at pagliligtas para sa sangkatauhan, at Kanyang pamamaraan ng pagliligtas sa kanila…. Ito ay dahil ang salita ng Diyos ay inihahayag ng Diyos Mismo kasalungat sa paggamit sa tao para isulat ito. Ito ay personal na inihahayag ng Diyos—inihahayag Niya ang sarili Niyang mga salita at Kanyang panloob na tinig. Bakit sinasabi na ang mga ito ay mga taos-pusong salita? Dahil ang mga ito’y nanggagaling sa kaibuturan, inihahayag ang Kanyang disposisyon, Kanyang kalooban, Kanyang mga iniisip, Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan, Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan at Kanyang mga inaasahan sa sangkatauhan…. Kasama sa mga salita ng Diyos ay masasakit na salita, banayad at may pagsasaalang-alang na mga salita, at may ilang salitang nagbubunyag na hindi naaayon sa mga pantaong pagnanais. Kung titingnan mo lamang ang mga salitang nagbubunyag, mararamdaman mo na ang Diyos ay medyo mahigpit. Kung titingnan mo lamang ang mga banayad na salita, mararamdaman mo na walang masyadong awtoridad ang Diyos. Kaya, hindi mo dapat kuhanin ito nang wala sa konteksto, kundi tingnan ito mula sa bawat anggulo. Kung minsan nagsasalita ang Diyos mula sa isang banayad at mahabaging pananaw, at nakikita ng mga tao ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan; kung minsan nagsasalita Siya mula sa isang istriktong pananaw, at nakikita ng mga tao ang disposisyon ng Diyos na hindi kukunsinti sa kasalanan. Ang tao’y kalunus-lunos sa karumihan at hindi karapat-dapat na tumingin sa mukha ng Diyos o humarap sa Diyos. Na nakakaharap ngayon sa Diyos ang mga tao ay tanging sa biyaya ng Diyos. Nakikita ang karunungan ng Diyos mula sa Kanyang paraan ng paggawa at sa kahulugan ng Kanyang gawain. Nakikita pa rin ng mga tao ang mga bagay na ito sa salita ng Diyos kahit hindi tuwirang nakikipag-ugnayan sa Kanya.

—mula sa “Paano Kikilalanin ang Diyos na Nagkatawang-tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan kundi sa isang napakakaraniwang katawan. Hindi lamang ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, kundi ito rin ang katawan kung saan magbabalik ang Diyos. Ito ay isang napaka-ordinaryo na katawang-tao. Sa Kanya, wala kang makikitang anumang kaiba kumpara sa iba, nguni’t maaari kang makatanggap mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi mo pa kailanman dating narinig. Ang hamak na katawang-taong ito ay ang pagsasakatawan ng lahat ng salita ng katotohanan mula sa Diyos, na siyang pumapasan sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at isang pagpapahayag ng kabuuan ng disposisyon ng Diyos para malaman ng tao. Hindi ba labis ang iyong pagnanais na makita ang Diyos sa langit? Hindi ba labis ang iyong pagnanais na maintindihan ang Diyos sa langit? Hindi ba labis ang iyong pagnanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng lihim na ito na wala pang sinumang tao ang nakapagsabi sa iyo, at sasabihin pa Niya sa iyo ang mga katotohanan na hindi mo nauunawaan. Siya ang iyong pintuan patungo sa kaharian, at ang iyong gabay patungo sa bagong kapanahunan. Ang gayong karaniwang katawang-tao ay nagtataglay ng maraming hindi maarok na mga hiwaga. Ang Kanyang mga gawa ay maaaring hindi mo maabot, nguni’t ang adhikain ng lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay sapat upang iyong makita na hindi Siya isang simpleng katawang-tao gaya ng inaakala ng tao. Sapagka’t kinakatawan Niya ang kalooban ng Diyos gayundin ang pangangalaga na ipinakita ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kahit na hindi mo naririnig ang mga salitang Kanyang sinasabi na tila yumayanig sa langit at lupa, o nakikita ang Kanyang mga mata na tila mga naglalagablab na ningas, at kahit na hindi mo nararamdaman ang disiplina ng Kanyang bakal na pamalo, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita ang galit ng Diyos at nalalaman na ang Diyos ay nagpapamalas ng pagkahabag sa sangkatauhan; nakikita mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang Kanyang karunungan, at higit sa lahat, natatanto ang pagmamalasakit at pag-aalaga ng Diyos sa buong sangkatauhan.

—mula sa “Alam Mo Ba? Nakagawa ang Diyos ng Isang Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang gawain at lahat ng nakikita ng tao sa Diyos sa lupa ay higit sa karaniwan. Ang pinagmamasdan mo gamit ang iyong mga mata at ang naririnig mo gamit ang iyong mga tainga ay di-pangkaraniwang lahat, dahil ang Kanyang gawain at Kanyang mga salita ay hindi kayang unawain at matamo ng tao. Kung may bagay sa langit na dinala sa lupa, paano ito magiging ano pa man kundi higit sa karaniwan? Kapag dinala sa lupa ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ang mga hiwagang hindi maunawaan at hindi maarok ng tao, na masyadong nakakamangha at matalino—hindi ba ang lahat ng ito ay higit sa karaniwan? … Anong gawain ang ginawa ng nagkatawang-taong Diyos na hindi di-pangkaraniwan? Ang Kanyang mga salita ay mahirap maunawaan at hindi mo matatamo, at ang Kanyang gawain ay hindi makakayang gawin ng sinumang tao. Ang nasa Kanyang pagkaunawa ay hindi mauunawaan ng tao, at ni hindi rin nalalaman ng tao kung saan nagmumula ang Kanyang kaalaman. Sinasabi ng ilan, “ako ay karaniwan ding kagaya Mo, paanong hindi ko nalalaman ang nalalaman Mo? Ako ay mas matanda at mas mayaman sa karanasan, nguni’t paanong nalalaman Mo yaong hindi ko nalalaman?” Ang lahat ng ito ay hindi matatamo ng tao. Nandiyan pa yaong mga nagtataka: “Walang sinuman ang tunay na nakaaalam sa gawain na ipinatupad sa Israel; paano Mo nalaman? Maging ang mga mamamahayag ng Biblia ay hindi makapagbigay ng paliwanag; paano Mo nalalaman?” Hindi ba ang lahat ng ito ay mga bagay na di-pangkaraniwan? Hindi Siya dumanas ng anumang mga kababalaghan, nguni’t nalalaman Niya ang lahat at ang salita ay dumarating sa Kanya nang napakadali. Hindi ba ito di-pangkaraniwan? Nilalampasan ng Kanyang gawain yaong maaaring matamo ng katawang-tao. Ang gayong gawain ay hindi talaga maaaring makamit ng pag-iisip ng sinumang tao at ito ay lubos na di-maarok sa isip at katwiran ng tao. Bagama’t hindi pa Niya kailanman binasa ang Biblia, nauunawaan Niya ang gawain ng Diyos sa Israel. At bagama’t Siya ay nakatayo sa lupa habang Siya ay nagsasalita, sinasalita Niya ang mga misteryo ng ikatlong langit. Kapag tinitingnan ng tao ang mga salitang ito, isang damdamin ang dumadaig sa tao, “Hindi ba ito ang wika ng ikatlong langit?” Hindi ba ang lahat ng ito ay mga bagay na lumalampas sa makakayang tamuhin ng isang karaniwang tao?

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Alam Niyang lubos ang diwa ng tao, anupa’t kaya Niyang ibunyag ang lahat ng uri ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng uri ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng tiwaling disposisyon ng tao at mapanghimagsik na pag-uugali. Hindi Siya namumuhay sa gitna ng makamundong mga tao, ngunit alam Niya ang kalikasan ng mga mortal at ang lahat ng katiwalian ng makamundong mga tao. Ito ay kung ano Siya. Kahit hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga tuntunin sa pakikitungo sa mundo, sapagkat lubos Niyang nauunawaan ang kalikasan ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, maging ngayon at noong nakaraan. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa buhay ng tao at himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ay kung ano Siya, ginawang bukas sa mga tao at nakatago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinahahayag ay hindi ang kung ano ang isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at kung ano ang Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa buong mundo ngunit alam ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “unggoy na hawig sa tao” na walang kaalaman o pananaw, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salita na mas mataas sa kaalaman at mas higit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng pangkat ng mapupurol ang isip at manhid na mga tao na walang pagkatao at hindi nakakaunawa sa mga kalakaran at buhay ng tao, ngunit kaya Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at mababang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay kung ano Siya, mas mataas sa kahit anong laman-at-dugong tao. Para sa Kanya, hindi kailangang makaranas ng isang magulo, mahirap at nakakarimarim na buhay panlipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang diwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakakarimarim na buhay panlipunan ay hindi nakapagtataas sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aralin sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ang tao ng buhay. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay upang ibunyag ang di-pagkamakatuwiran ng tao pagkatapos alamin na pangmatagalan ang pagsuway ng tao at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Ang gawain na ginagawa Niya ay upang ibunyag ang Kanyang disposisyon sa tao at ipahayag ang kung ano Siya. Siya lamang ang maaaring gumawa nito, hindi ito isang bagay na maaaring makamit ng laman-at-dugong tao.

—mula sa “Ang Gawain ng Diyos at ang Gawain ng Tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ay magkakaroon ng diwa ng Diyos, at Siya na pagkakatawang-tao ng Diyos ang magkakaroon ng pagpapahayag ng Diyos. Yamang ang Diyos ay nagiging katawang-tao, ilalahad Niya ang gawaing dapat Niyang gawin, at yamang ang Diyos ay nagiging katawang-tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ng buhay ang tao, at ipakita sa tao ang daan. Ang katawan na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Para masiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan itong matukoy ng tao mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy mula sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy[a] kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay bigyang-pansin ang Kanyang diwa (Kanyang gawa, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang iba), sa halip na ang panlabas na anyo. Kung ang nakikita lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi niya napapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan ang kamangmangan at kawalang-muwang ng tao.

—mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Matapos ang gawain ni Jehova, si Jesus ay naging katawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa kalagitnaan ng mga tao. Ang Kanyang gawain ay hindi isinakatuparan nang hiwalay, subali’t itinatag sa ibabaw ng gawain ni Jehova. Ito ay gawain para sa isang bagong kapanahunan matapos tapusin ng Diyos ang Kapanahunan ng Kautusan. Gayundin, nang matapos ang gawain ni Jesus, ipinagpatuloy pa rin ng Diyos ang Kanyang gawain para sa susunod na kapanahunan, sapagka’t ang buong pamamahala ng Diyos ay palaging umuunlad nang pasulong. Kapag ang lumang kapanahunan ay lumilipas, ito ay mapapalitan ng isang bagong kapanahunan, at sa sandaling ang lumang gawain ay nakumpleto na, isang bagong gawain ang magpapatuloy ng pamamahala ng Diyos. Ang pagkakatawang-taong ito ay ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos kasunod ng kaganapan ng gawain ni Jesus. Mangyari pa, ang pagkakatawang-taong ito ay hindi nangyayari nang mag-isa, nguni’t ito ang ikatlong yugto ng gawain matapos ang Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya. … Nang si Jesus ay naparito sa mundo ng tao, dinala Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at tinapos ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa panahon ng mga huling araw, ang Diyos ay muling naging katawang-tao, at nang Siya’y naging katawang-tao sa panahong ito, tinapos Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at dinala ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang lahat ng tumatanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay madadala tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at personal na makakatanggap ng paggabay ng Diyos. Bagaman maraming ginawa si Jesus kapiling ang tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng tao, at hindi inalis sa tao ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan kay Jesus na akuin ang mga kasalanan ng tao bilang handog para sa kasalanan, kundi nangailangan din sa Diyos na gumawa ng mas malaking gawain upang ganap na tanggalin sa tao ang kanyang disposisyon, na nagawang tiwali ni Satanas. At sa gayon, matapos mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan, ang Diyos ay bumalik na sa katawang-tao upang pangunahan ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol, at ang gawaing ito ay nagdala sa tao sa isang mas mataas na lupain. Ang lahat ng nagpapasailalim sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at makakatanggap ng mas malalaking pagpapala. Sila’y tunay na mamumuhay sa liwanag, at makakamtan ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

—mula sa Paunang Salita sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, batay sa pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay maaaring makakita at kahit ang patay ay maaaring maibalik ang buhay. Gayunman, hindi natuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanilang maka-Diyos na itsura; kung ang tao ay maaaring mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang mabuting mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Nguni’t, sa kanilang buong buhay, hindi nila lubos na naunawaan kahit kailan ang daan ng buhay. Sila ay nakakagawa lamang ng mga kasalanan, pagkatapos ay nangungumpisal ng kasalanan nang paulit-ulit na walang anumang daan tungo sa isang nabagong disposisyon; ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para padalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagka’t ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagka’t ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Nguni’t ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob nila at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos; at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawaing ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao at hinihingi sa tao na magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagbibigay-buhay sa tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, ang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ay nagpaging-ganap sa kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.

—mula sa “Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Ako ay tinawag ding ang Mesiyas, at minsan na Akong tinawag ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas sapagka’t minahal at iginalang nila Ako. Subali’t ngayon hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao sa nakalipas na mga panahon—Ako ang Diyos na nagbalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magdadala sa kapanahunan sa katapusan. Ako ang Diyos Mismo na tumatayo sa mga dulo ng mundo, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan at kaluwalhatian. Kailanman ay hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao, kailanma’y hindi Ako nakilala, at palaging walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa pagkalikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isang tao ang nakakita na sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw nguni’t nakatago sa gitna ng tao. Siya ay naninirahan kasama ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Walang isa mang tao o bagay na hindi mahahatulan ng Aking mga salita, at walang isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, ang lahat ng bansa ay mapapagpala dahil sa Aking mga salita, at madudurog din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na bumalik, Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan, at para sa tao Ako ay minsang ang handog para sa kasalanan, subali’t sa mga huling araw Ako rin ay nagiging mga ningas ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ay ang Araw ng pagkamatuwid na nagbubunyag ng lahat ng bagay. Ganoon ang Aking gawain ng mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at angkin Ko ang disposisyong ito upang maaaring makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, at Ako ay ang nagliliyab na araw, at ang nagniningas na apoy. Ito ay gayon upang ang lahat ay maaaring sumamba sa Akin, ang tanging tunay na Diyos, at sa gayon maaaring makita nila ang Aking tunay na mukha: Ako ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, at hindi rin Ako basta ang Manunubos—Ako ang Diyos ng lahat ng nilikha sa buong kalangitan at lupa at karagatan.

—mula sa “Ang Tagapagligtas ay Nakabalik na sa Ibabaw ng ‘Puting Ulap’” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ipinagpapatuloy ng Diyos ang Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at pananaw upang pagsabihan tayo kung ano ang nararapat gawin habang kasabay na binibigyang-tinig ang Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, ipinakikita sa atin ang paraan kung paano tayo dapat lumakad, at binibigyang-kakayahan tayo na maintindihan ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, sinisimulan nating ituon ang ating pansin sa himig at paraan ng Kanyang pananalita, at wala tayong kamalay-malay na nagsisimulang magkainteres sa kaloob-loobang damdamin ng pangkaraniwang taong ito. Siya ay gumagawa nang maingat na pagsisikap para sa atin, nagtitiis ng puyat at gutom para sa atin, umiiyak para sa atin, naghihinagpis para sa atin, dumadaing sa sakit para sa atin, nakakaranas ng pagpapahiya para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan, at ang Kanyang puso ay dumudugo at lumuluha dahil sa ating pagiging manhid at pagkamapanghimagsik. Ang may ganitong pagkatao at pag-uugali ay hindi karaniwang tao, ni hindi ito maaaring taglayin o makamit ng sinumang nilalang na ginawang tiwali. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi angkin ng karaniwang tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi taglay ng sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o may gayong kalinaw at ganap na pagtarok sa ating kalikasan at diwa, o nakakahatol sa pagkamapaghimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o nakakapagsalita sa atin at gumagawa sa ating kalagitnaan nang ganito sa ngalan ng Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang pinagkakalooban ng awtoridad, karunungan at karangalan ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay bumubukal, sa kabuuan ng mga ito, mula sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagpakita sa atin ng daan at makakapagdala sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagbunyag ng mga hiwaga na hindi pa naipaalam ng Diyos mula sa paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakapagligtas sa atin mula sa gapos ni Satanas at ng ating sariling tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos. Inihahayag Niya ang tinig ng puso ng Diyos, ang mga pangaral ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Siya ay nagsimula na ng isang bagong kapanahunan, isang bagong panahon, at naghatid ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, at Siya ay nagdala na sa atin ng pag-asa, tinatapos ang ating pamumuhay sa kalabuan at hinahayaan ang ating buong pagkatao na lubos na mamasdan, nang buong kalinawan, ang daan ng kaligtasan. Kanyang nalupig na ang ating buong pagkatao, at nakamit ang ating mga puso. Mula sa sandaling iyon, ang ating mga isipan ay nagkamalay na, at ang ating mga espiritu ay tila napanumbalik: Ang karaniwan at hamak na taong ito, na namumuhay kasama natin at matagal na nating tinanggihan—hindi ba’t Siya ang Panginoong Jesus, na laging nasa ating mga isipan, gising man o nananaginip, at ating inaasam sa gabi at araw? Ito ay Siya! Ito ay talagang Siya! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay!

—mula sa “Minamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Naisulong na ng gawaing ginagawa sa kasalukuyan ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya; iyan ay, ang gawain sa ilalim ng buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nakasulong na. Bagama’t natapos na ang Kapanahunan ng Biyaya, nagkaroon na ng pag-unlad sa gawain ng Diyos. Bakit paulit-ulit Kong sinasabi na ang yugtong ito ng gawain ay nagtatayo sa ibabaw ng Kapanahunan ng Biyaya at ng Kapanahunan ng Kautusan? Nangangahulugan ito na ang gawain sa kasalukuyan ay pagpapatuloy ng gawaing ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya at isang pagsulong doon sa ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang tatlong yugto ay mahigpit na magkakaugnay at ang bawat kawing sa kadena ay nakadugtong sa isa. Bakit sinasabi Ko rin na ang yugtong ito ng gawain ay nakatayo roon sa ginawa ni Jesus? Kung sakaling hindi nakatayo ang yugtong ito sa gawaing ginawa ni Jesus, isa pang pagpapapako sa krus ang kailangang maganap sa yugtong ito, at ang gawaing pagtubos ng nakaraang yugto ay kailangang ulitin muli. Magiging walang saysay ito. Kaya’t hindi sa ganap nang natapos ang gawain, kundi nakasulong na ang kapanahunan at ang antas ng gawain ay naitaas nang mas mataas pa kaysa rati. Maaaring sabihin na ang yugtong ito ng gawain ay itinatayo sa pundasyon ng Kapanahunan ng Kautusan at sa bato ng gawain ni Jesus. Ang gawain ay itinatayo nang yugtu-yugto, at ang yugtong ito ay hindi isang bagong pasimula. Tanging ang pinagsamang tatlong yugto ng gawain ang maaaring ituring na anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ang gawain ng yugtong ito ay ginagawa sa pundasyon ng gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Kung hindi magkaugnay ang dalawang yugtong ito ng gawain, kung gayon bakit hindi inulit ang pagpapako sa krus sa yugtong ito? Bakit hindi Ko pasan ang mga kasalanan ng tao, kundi tuwiran Kong hinahatulan at kinakastigo ang tao? Kung ang Aking gawaing hatulan at kastiguhin ang tao at ang pagparito Ko ngayon hindi sa pamamagitan ng paglilihi ng Banal na Espiritu ay hindi sumunod sa pagpapapako sa krus, hindi sana Ako naging marapat na hatulan at kastiguhin ang tao. Talagang dahil kaisa Ako ni Jesus kaya pumarito Ako upang direktang kastiguhin at hatulan ang tao. Ang gawain sa yugtong ito ay buong itinatayo sa gawain ng sinusundang yugto. Iyan ang dahilan kung bakit tanging ang ganitong uri ng gawain ang makapagdadala sa tao, isa-isang hakbang, sa kaligtasan. Ako at si Jesus ay mula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming mga katawang-tao, iisa ang Aming mga Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng ginagawa Namin at ang gawain na ginagampanan Namin ay magkaiba, magkapareho Kami sa diwa; magkaiba ang porma ng Aming mga katawang-tao, nguni’t ito ay dahil sa pagbabago sa kapanahunan at ang magkaibang mga kinakailangan sa Aming gawain; magkaiba ang mga ministeryo Namin, kaya ang gawain na dala Namin at ang disposisyon na ibinubunyag Namin sa tao ay magkaiba rin. Iyan ang dahilan kung bakit ang nakikita at nauunawaan ng tao ngayon ay hindi katulad roon sa nakaraan; ito ay dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Sa lahat ng iyan, Sila ay magkaiba sa kasarian at porma ng Kanilang mga katawang-tao, at hindi Sila ipinanganak sa parehong pamilya, at lalo nang hindi sa parehong panahon, gayunman iisa ang Kanilang mga Espiritu. Sa lahat ng iyan, ang Kanilang mga katawang-tao ay walang kaugnayan sa dugo ni anumang uri ng pisikal na pagkakamag-anak, hindi maitatangging Sila ay pagkakatawang-tao ng Diyos sa dalawang magkaibang panahon. Hindi mapasisinungalingang katotohanan na Sila ang mga nagkatawang-taong laman ng Diyos, bagama’t hindi sila magkadugo at magkaiba ang kanilang pantaong wika (ang isa ay lalaki na nagsasalita ng wika ng mga Judio at ang isa ay babae na eksklusibong nagsasalita ng Tsino). Para sa mga kadahilanang ito kaya nabuhay sila sa magkaibang bansa upang gawin ang gawain na kinakailangang gawin ng bawat isa, at sa magkaibang panahon din. Sa kabila ng katunayang iisa Silang Espiritu at nagtataglay ng parehong kakanyahan, ganap na walang mga pagkakatulad sa panlabas Nilang mga katawang-tao. Ang pagkakatulad lamang Nila ay ang parehong pagkatao, nguni’t pagdating sa panlabas na kaanyuan ng Kanilang mga katawang-tao at ang mga pangyayari sa Kanilang kapanganakan, hindi Sila magkapareho. Ang mga bagay na ito ay walang epekto sa Kani-kanilang gawain o sa pagkakilala ng tao tungkol sa Kanila, dahil, sa huling pagsusuri, iisa Silang Espiritu at walang makapaghihiwalay sa Kanila. Bagama’t hindi Sila magkadugo, ang buong persona Nila ay nasa patnubay ng Kanilang mga Espiritu, na naglalaan sa Kanila ng magkaibang gawain sa magkaibang mga panahon, at ang Kanilang mga katawang-tao sa magkakaibang linya ng dugo. Ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi ang anak ng Espiritu ni Jehova: Iisa Sila at parehong Espiritu. Tulad ng nagkatawang-taong Diyos ngayon at si Jesus. Bagama’t hindi Sila magkadugo, Sila ay iisa; ito ay dahil iisa ang Kanilang mga Espiritu. Kayang gawin ng Diyos ang gawain ng habag at mapagmahal na kabaitan, gayundin ang matuwid na paghatol at pagkastigo sa tao, at yaong pagtawag ng mga sumpa sa tao; at sa katapusan, kaya Niyang gawin ang gawain ng pagwasak sa mundo at pagpaparusa sa masama. Hindi ba Niya ginagawa Mismo ang lahat ng ito? Hindi ba ito ang kapangyarihang walang hanggan ng Diyos?

—mula sa “Binubuo ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “para sa.”

Kaugnay na Content