1. Ano ang tunay na pagsisisi at ano ang mga pagpapamalas nito

1. Ano ang tunay na pagsisisi at ano ang mga pagpapamalas nito

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Minsan nang sumalungat ang bawat tao sa Diyos at ang bawat tao ay minsan na ring naghimagsik laban sa Diyos. Gayunman, kung kusa kang susunod sa Diyos na nagkatawang-tao, at mula sa sandaling ito ay magbibigay-kasiyahan sa puso ng Diyos sa pamamagitan ng iyong katapatan, pagsasagawa ng katotohanan gaya nang nararapat, pagganap sa iyong tungkulin gaya nang nararapat, at pagsunod sa mga tuntunin gaya nang nararapat, ikaw nga ay handa nang iwaksi ang iyong pagiging-mapanghimagsik upang bigyang-kasiyahan ang Diyos at magagawang perpekto ng Diyos. Kung may pagmamatigas kang tatanggi na makita ang iyong mga pagkakamali at wala kang intensyon na magsisi, kung ipagpipilitan mo ang iyong mapanghimagsik na pag-uugali na wala ni katiting na intensyong makipagtulungan sa Diyos at mabigyan Siya ng kasiyahan, ang isang taong suwail at hindi na magbabago na tulad mo ay tiyak na parurusahan at siguradong hindi kailanman magiging isa sa mga gagawing perpekto ng Diyos. Kung ganoon, ikaw ay kaaway ng Diyos ngayon at bukas ay kaaway ka pa rin ng Diyos, at sa susunod na araw ay mananatili ka pa ring kaaway ng Diyos. Habambuhay kang magiging kalaban ng Diyos at kaaway ng Diyos. Kung magkagayon, paano ka pakakawalan ng Diyos? Likas sa tao ang sumalungat sa Diyos, ngunit hindi dapat sadyain ng tao ang paghanap sa “sikreto” ng pagsalungat sa Diyos dahil lamang sa ang pagbabago sa kanyang kalikasan ay hindi niya kayang magawa. Kung ganoon, mas mabuti pang lumayo bago maging huli ang lahat, upang ang pagkastigo sa iyo sa hinaharap ay hindi na mas lumala pa, at upang ang iyong malupit na kalikasan ay hindi na sumabog pa at maging mahirap pigilin, hanggang sa ang iyong katawang-laman ay wakasan ng Diyos sa huli. Naniniwala ka sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala, ngunit kung sa huli ay kasawian lamang ang dumating sa iyo, hindi ba ito magiging isang kahihiyan? Hinihimok ko kayo, mas mabuti pang bumuo kayo ng ibang plano. Anumang bagay na inyong magagawa ay magiging mas mabuti kaysa sa inyong pananalig sa Diyos: Tiyak na hindi maaaring ito lamang ang nag-iisang landas. Hindi ba kayo patuloy na mabubuhay kung hindi kayo naghanap ng katotohanan? Bakit kinakailangang sumalungat kayo sa Diyos sa ganitong paraan?

Hinango mula sa “Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang bawat tao, sa gaano man kalaki o kaliit, ay nakalabag. Kapag hindi mo alam na ang isang bagay ay paglabag, itinuturing mo ito nang may malabong estado ng pag-iisip, o marahil panghahawakan mo pa rin ang iyong mga sariling opinyon, nakasanayan, at paraan ng pag-unawa—ngunit, balang araw, sa pamamagitan man ng pakikisalamuha sa iyong mga kapatid o ng pagbubunyag ng Diyos, natututunan mo na ang bagay na ito ay isang paglabag, isang pagkakasala laban sa Diyos. Ano na ang magiging pag-uugali mo pagkatapos? Panghahawakan mo pa rin ba, mangangatuwiran, makikipagtalo, maninindigan sa sarili mong mga ideya, maniniwala na ang iyong ginagawa ay naaayon sa katotohanan? Sangkot dito ang iyong saloobin sa Diyos. Sa anong saloobin itinuring ni David ang kanyang mga paglabag? Pagsisisi—hindi na niya gagawin kailanman ang mga ito. Kaya, ano ang ginawa niya? Nanalangin siya na hinihiling sa Diyos na parusahan siya: “Kung gagawin ko ulit ang pagkakamaling ito, parusahan nawa ako ng Diyos at ikamatay ko!” Iyon ang kanyang paninindigan; iyon ang totoong pagsisisi. Maaari kaya itong makamit ng mga karaniwang tao? Para sa mga karaniwang tao, makabubuti kung hindi nila subukang makipagtalo o hindi tuwirang umamin ng pananagutan, at, sa kanilang mga puso, iniisip pa rin nila: “Sana walang mag-uungkat muli nito. Mapapahiya ako.” Totoo ba itong pagsisisi? Upang maging tunay na nagsisisi, dapat mong itapon ang dati mong kasamaan, isantabi ito, at huwag nang gumawa ng ganoong bagay muli. Kung gayon, ano ba ang dapat gawin? Uubra na ba kung itapon na lamang ang kasamaan, hindi na gawin ang bagay na iyon at hindi ito pakaisipin? Ano ang iyong saloobin patungkol sa Diyos? Ano ang iyong gagawin sa paglalantad sa iyo ng Diyos ngayon? (Tatanggapin namin ang kaparusahan ng Diyos.) Ang pagtanggap sa kaparusahan ng Diyos, sa Kanyang paghatol at pagkastigo—iyon ang isang bahagi nito. Ang iba pang bahagi ay ang pagtanggap ng masusing pagsisiyasat ng Diyos habang tinatanggap mo ang Kanyang kaparusahan. Kapag natanggap mo na ang parehong bahagi, paano na ang iyong magiging paninindigan? Kapag nakasagupa ka ng gayong mga kalagayan at gayong mga bagay sa hinaharap, ano ang gagawin mo? Kung walang totoong pagsisisi, hindi maiwawaksi ng isang tao ang isang kasamaan at saan man, sa anumang oras, maaaring bumalik sila sa dati nilang nakagawiang paraan, ginagawa ang masamang bagay na dati nilang ginagawa, ginagawa ang gayon ding paglabag, paulit-ulit na ginagawa ang gayon ding pagkakamali. Ibinubunyag nito ang saloobin ng tao patungkol sa katotohanan at sa Diyos.

Hinango mula sa Pagbabahagi ng Diyos

Sa pasimula, ang mga tao ay atubiling magsagawa ng katotohanan. Gawing halimbawa ang matapat na pagtupad sa mga tungkulin: May kaunti kang pagkaunawa sa pagtupad sa mga tungkulin at pagiging matapat sa Diyos, at nauunawaan mo rin ang kaugnay na mga katotohanan, subalit kailan mo ganap na iuukol ang iyong sarili sa Diyos? Kailan mo magagawang tuparin ang iyong mga tungkulin sa ngalan at gawa? Mangangailangan ito ng proseso. Sa prosesong ito, maaaring dumanas ka ng maraming hirap. Maaaring iwasto ka ng ilang tao, maaaring punahin ka ng iba. Matutuon ang lahat ng mata sa iyo, at doon mo lamang masisimulang matanto na ikaw ay nasa mali at ang totoo ay ikaw ang nakagawa ng hindi mabuti, na hindi katanggap-tanggap ang kakulangan ng debosyon sa pagtupad sa iyong tungkulin, at hindi ka dapat maging padalos-dalos at mapagwalang-bahala. Liliwanagan ka ng Banal na Espiritu mula sa loob, at sasawayin ka kapag ikaw ay nagkamali. Sa prosesong ito, mauunawaan mo ang ilang mga bagay tungkol sa iyong sarili, at malalaman mo na labis kang di-dalisay, nagkikimkim ka ng napakaraming personal na motibo, at may napakaraming pagnanasa habang tinutupad ang iyong mga tungkulin. Sa sandaling naunawaan mo na ang diwa ng mga bagay na ito, makakaya mo nang humarap sa Diyos sa panalangin at tunay na magsisi; sa ganitong paraan, malilinisan ka ng mga karumihan. Kung, sa ganitong paraan, madalas mong hinahanap ang katotohanan upang malutas ang iyong mga sariling praktikal na problema, unti-unting tatapak ka sa tamang landas ng pananampalataya. Mas dinadalisay ang tiwaling disposisyon ng sinuman, mas magbabagong-anyo ang disposisyon ng kanilang buhay.

Hinango mula sa “Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ang pagbabago sa disposisyon ay nagsisimula sa pagtanggap sa iba-ibang kalagayang inilalabas ng iba-ibang disposisyon. Kung hindi pa nasimulan ng isang tao na tanggapin ito, kung hindi pa nakapasok ang isang tao sa aspetong ito ng realidad, hindi na kailangang pag-usapan pa ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao. Kaya, yamang hindi na kailangang pag-usapan pa ang pagbabago sa disposisyon, ano ang papel na ginagampanan ng karamihan sa mga tao habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin? Iyon ay ang pagsusumikap nila, pagiging abala nila mismo sa mga gawain. Ginagawa nila ang kanilang tungkulin, ngunit karamihan ay nagpapakasipag. Kung minsan kapag maganda ang pakiramdam nila lalo silang nagpupursigi, at pagkatapos kapag hindi gaanong maganda ang pakiramdam nila, hindi sila gaanong nagpupursigi. Pagkatapos nito, pinag-iisipan nila ito at nakadarama sila ng kaunting kalungkutan, kaya nagdaragdag sila ng kaunti pang sigla at pakiramdam nila ay nakapagsisi na sila. Sa katunayan, hindi ito tunay na pagbabago; hindi ito tunay na pagsisisi. Ang tunay na pagsisisi ay nagsisimula sa iyong pag-uugali. Kung may pagbabago sa iyong pag-uugali, nagagawa mong talikuran ang iyong sarili at hindi mo na ginagawa ang mga bagay-bagay sa gayong paraan, ang iyong mga kilos ay nagmumukhang nakaayon sa mga prinsipyo, at unti-unti ay nagagawa mong maging maprinsipyo kapwa sa salita at sa gawa, simula na ito ng pagbabago sa disposisyon.

Hinango mula sa “Kapag Kilala Mo ang Iyong Sarili, Saka Mo Lamang Hahangaring Matamo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Gumagawa lamang ang mga tao nang hindi nag-iisip ayon sa sarili nilang kaalaman: “Sinasabi ng lahat na sila ay manlilinlang, kaya ako rin—magiging asiwa kung hindi ko gagawin iyon.” Masaya nilang sinasabi iyon, na para bang naglalagay sila ng isang pakpak sa kanilang sumbrero. Ito ang pagsasagawa nang hindi nag-iisip. Kaya mayroon bang pagkakautang sa kaalamang ito na nagmumula sa pagsasagawa nang hindi nag-iisip? Wala. Paano man nila tinatanggap ang sarili nilang panlilinlang at mga tiwaling disposisyon, hindi ito tunay na pagtanggap. At bakit ko sinasabi na hindi ito tunay na pagtanggap? Ang sa kanila ay hindi tunay na pagbubunyag at pagkamuhi sa kanilang sarili na nagmumula sa kaibuturan ng kanilang puso. Wala silang nadaramang pagkamuhi, wala silang nadaramang pagkakautang kapag gumagawa sila ng anumang bagay na masama; wala silang nadaramang pagkakautang kapag sinusubukan nilang dayain ang Diyos, o lapastanganin ang Diyos, o suwayin ang Diyos, ni kapag dinadaya nila ang ibang mga tao. Kung wala silang nadaramang pagkakautang, kaya ba nilang magsisi? At maaari bang magsisi ang mga taong walang pagsisisi? Makakaya ba ng mga taong hindi nagsisisi na tumalikod at tumanggi sa mga interes ng laman para isagawa ang katotohanan? Hindi nila makakaya—ito ay tungkol sa puso. Sa kanilang kalooban, tunay na kilala ng ilang tao ang kanilang sarili at nagsisisi sila. Bagama’t hindi ito sinasambit ng kanilang bibig, nahihiya sila, nadarama nila na nagsinungaling sila, at hindi nila makayang sabihin ito sa iba, sa puso nila, alam nila na sila ay mapanlinlang at masama, na sila ay walang integridad, na sila ay lubos na huwad at mapanlinlang, na nililinlang nila ang mga kapatid at nililinlang ang Diyos. Sa puso nila, namumuhi sila sa kanilang sarili, at pagkatapos ay nagsisisi sila. Bagama’t pare-pareho ang kalikasang diwa ng lahat, kapag natuklasan nila ang sarili nilang kawalan ng dangal, nakadarama sila ng kahihiyan, kinikilala nila na tama ang lahat ng inihahayag ng Diyos, at nagsisimula silang tumanggap ng paghatol at pagkastigo. Nakadarama sila ng tunay na pagsisisi sa kaibuturan na kanilang puso. Ito ang tunay na pang-unawa at kaalaman. Samantala, ang mga walang tunay na pang-unawa ay nagagawa ring ulitin ang pormalidad, na para bang nagbibiro sila, o kumakanta ng nursery rhyme; mga popular na kasabihan lamang ang mga ito. Ang kanilang mga panlilinlang ay nagpapaluha sa mga tao, ngunit wala itong kahulugan sa kanila. Marami bang taong ganito? Ang mga taong ganito ang pinaka-mapanlinlang sa lahat.

Hinango mula sa “Kapag Kilala Mo ang Iyong Sarili, Saka Mo Lamang Hahangaring Matamo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ang mga sumusunod sa landas ng mga anticristo ay mayroon pa ring pag-asa at pagkakataong magsisi, at may kakayahang iwaksi ang kanilang anticristong disposisyon, ngunit hindi kayang tanggapin ng mga anticristo ang katotohanan, kaya paano mo man sabihin sa kanilang maging bukas at tapat at huwag pag-isipan o iproseso ang sasabihin nila, bagkus ay sabihin ito nang diretso, pakiramdam nila ay mapapasama sila dahil dito, at hindi ito magiging matagumpay, na kalokohan lamang ito. Subukan man nila, hindi nila ito maisasagawa. Iyon ang isang anticristo. Iyon ang kaibahan. Paano man ipinararating ang katotohanan, inaamin lamang ng mga taong tulad ng mga anticristo na hindi sila kumilos nang alinsunod sa katotohanan, at na mayroon silang disposisyon ng isang anticristo. Gayunman, walang saysay ang kanilang pag-amin, at walang saysay ang kanilang pagtanggap dito. Hindi nila isinasagawa ang katotohanan, at samakatuwid ay wala silang kakayahang magbago, at hindi sila ililigtas ng Diyos. Gayunman kapag naririnig nila ang mga salitang ito, ilan doon sa mga taong may disposisyon ng isang anticristo ang makatatanda sa mga salitang ito sa kanilang mga puso, at matatamaan sila sa puso. “Ito pala ang disposisyon ng isang anticristo! Ganito pala ang pagtahak sa landas ng mga antictisto—talagang seryoso ito! Taglay ko ang ganoong uri ng kalagayan, at ganoon ang ugali ko. Taglay ko ang ganoong uri ng diwa—iyon ang klase ng pagkatao ko!” Pagkatapos ay pag-iisipan nila kung paano sila makapagbabago, kung paano nila matatakasan ang kanilang anticristong disposisyon, kung paano sila mawawalan ng kinalaman o koneksyon doon, at kung paano nila hindi matatahak ang landas ng mga anticristo. Sa trabaho, sa buhay, sa kanilang personal na pagpasok, sa kanilang ugali sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay, sa pagharap sa mga bagay na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, pag-iisipan nila kung ang isang kilos ay gawain ng isang anticristo o hindi, at mapopoot sila kapag nahayag sa kanila ang disposisyon ng isang anticristo, at makararamdam sila ng pagsisisi matapos itong mahayag. Paano makatutulong ang kanilang poot at pagsisisi sa kanilang pagpasok sa buhay? Sa loob ng isa o dalawang taon, kapwa sa trabaho at sa kanilang personal na pagpasok, unti-unti nilang maiwawaksi ang kanilang anticristong disposisyon, at maghihirap at makikibaka sila laban dito. Minsan ay hindi nila mapipigilan ang kanilang mga sarili at gugustuhin pa rin nila na gawin ang mga bagay at magsalita alang-alang sa katayuan. Kapopootan nila ang kanilang mga sarili sa sandaling makapagsalita sila ngunit gagawin iyong muli sa susunod na pagkakataon na dumating ang bagay na ito, at pagsisisihan itong muli pagkatapos, nang paulit-ulit. Anong pinatutunayan ng pag-uulit-ulit na ito? Pinatutunayan nitong sila ay nasa pagpasok. Kapag walang ganoong pag-uulit, o walang pagpasok, o walang mga pagbalik sa dati, kung gayon ay walang buhay. Pinatutunayan ng pag-uulit na ang buhay na nasa tao ay mahalaga, na mayroon silang buhay at isang pundasyon. May mga taong walang pakiramdam, ni sakit o kaligayahan, at kapag ito ay ibinahagi sa kanila, inaamin nilang mayroon silang disposisyon ng isang anticristo, na tinahak nila ang landas ng mga anticristo. Maganda nga ang sinasabi nila, ngunit pagdating sa pagpasok, wala silang lakas ng loob. Tanungin mo sila, pinaglabanan na ba nila ang kanilang anticristong disposisyon? Pinagsasabihan ba nila ang kanilang mga sarili sa loob nila kapag nagsasalita sila upang pangalagaan ang sarili nilang katayuan? Pinagsisisihan ba nila iyon pagkatapos? Matapos itong mapagtanto, sinusubukan ba nila itong pigilan sa susunod nilang pagsasalita? Umiiral ba sa kanila ang mga kalagayang ito? Sasabihin ng mga taong puro salita lang na “Hindi ko alam—taglay ko ang lahat ng iyon.” Sumasang-ayon sila na taglay nila ang lahat ng iyon, pero pagkatapos nila itong aminin, wala nang anuman ukol sa detalyadong pagpasok o sa partikular nilang sitwasyon. Ang mga tunay na pumasok ay mababagabag. “Alam kong taglay ko ang disposisyon ng isang anticristo. Bakit hindi ko ito basta maiwaksi? Napakahirap; hindi ito isang bagay na madaling baguhin!” Anong pinatutunayan ng pagsasabi nila na hindi iyon madali? Na sa loob nila, sila ay pumapasok, sila ay lumalaban, at ang kalagayan nila ay sumasailalim sa palagiang pagbabago. Sa ganitong paraan, bubuti ang mga bagay-bagay nang paunti-unti, at sa wakas ay magtatagumpay sila. Hindi ito madali! Tulad ito sa pagliligtas sa isang taong naghihingalo—gagawin mo ang lahat ng makakaya mo. Kung ang isang tao ay may kakayahan pang mabuhay, magkakaroon pa rin ng tuluy-tuloy na mga palatandaan ng buhay sa kanilang katawan, samantalang ang isang taong ganap na patay na ay hindi tutugon, ano man ang gawin mo. Sila ay talagang patay na at walang kamalayan.

Hinango mula sa “Sa Kanila Lamang Nila Pasusunurin ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (II)” sa Paglalantad sa mga Anticristo

Sa nakaraang panahon, may ilang taong nagbunyag ng mga partikular na disposisyon ng isang anticristo: Matitigas ang ulo nila at sinusunod ang sarili nilang kagustuhan, laging paraan nila ang gusto nilang masunod o kung hindi, huwag na lang. Subalit sa pamamagitan ng pagwawasto at pagtatabas, sa pamamagitan ng pakikipagsalamuha ng mga kapatid sa kanila, sa pamamagitan ng paglilipat o pagpapalit, sa pamamagitan ng pagdanas ng ilang malalaking kabiguan, ng pagiging negatibo sa sandaling panahon at pagkaraan ay iniisip na, “Kahit ano pa ang mangyari, dapat ko pa ring unahin ang wastong pagtupad ng aking tungkulin. Nilalakaran ko ang landas ng anticristo, subalit hindi pa naman ako inihanay bilang isa sa kanila, kaya dapat kong pagbutihan ang aking paniniwala, dapat akong maghanap nang taimtim. Walang mali sa landas ng paghahanap sa katotohanan,”—unti-unti, ibinabaling nila ang kanilang mga sarili, at sila’y nagsisisi. May mga mabubuting nakikita sa kanila, hinahanap nila ang mga katotohanang prinsipyo kapag tinutupad nila ang kanilang tungkulin, at hinahanap din nila ang mga katotohanang prinsipyo kapag nakikisalamuha sa iba. Sa lahat ng bagay, papunta sila sa isang mas mabuting direksyon. Hindi pa ba sila nakapagbago? Ito’y pagpihit mula sa pagtahak ng landas ng anticristo tungo sa pagtahak ng landas ng pagsasagawa at paghahanap sa katotohanan. May pag-asa pa para sa kanila, may pagkakataon sila, maaari nilang baguhin ang kanilang mga sarili. Maihahanay mo ba ang gayong mga tao bilang mga anticristo dahil sila ay nagpakita noon ng ilang pagpapamalas ng isang anticristo o nilakaran ang landas ng mga anticristo? Hindi. Hindi nagsisisi ang mga anticristo, wala silang anumang kahihiyan at, bukod pa rito, ang kanilang mga disposisyon ay mabangis at masama, at kinamumuhian nila ang katotohanan nang ganoon katindi. Ano ang binibigyang-katiyakan ng kanilang matinding pagkamuhi? Na hindi nila kayang magsisi kailanman. Kung kinamumuhian nila ang katotohanan nang ganoong katindi, maisasagawa ba nila ang katotohanan, at nagagawa ba nilang magsisi? Imposible. Kung may isang tiyak na bagay tungkol sa mga taong nagagawang magsisi, ito ay ang nakagawa sila ng mga pagkakamali subalit nagagawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, nagagawang tanggapin ang mga katotohanang sinalita ng Diyos, at nagagawang subukan sa abot ng kanilang makakaya na makipagtulungan, tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang personal nilang kawikaan, at ginagawa nilang realidad ng kanilang mga buhay ang mga salita ng Diyos. Tinatanggap nila ang katotohanan, at sa kaibuturan nila, hindi nila ito kinamumuhian. Hindi ba ito ang pagkakaiba?

Hinango mula sa “Sa Kanila Lamang Nila Pasusunurin ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (I)” sa Paglalantad sa mga Anticristo

Nang marinig ng hari ng Ninive ang balitang ito, tumayo siya mula sa kanyang trono, hinubad ang kanyang balabal, nagsuot ng magaspang na damit at umupo sa mga abo. Pagkatapos ay kanyang ipinahayag na walang sinuman sa lungsod ang papayagang tumikim ng anuman, at walang mga tupa, baka, o ano pa mang mga hayop, ang papayagang kumain o uminom ng tubig. Kapwa tao at hayop ay magdadamit ng kayong magaspang; lahat ng mamamayan ay magmamakaawa sa Diyos. Ipinahayag din ng hari na ang bawat isa sa kanila ay tatalikuran na ang kanilang masasamang gawain at ang karahasan sa kanilang mga kamay. Batay sa magkakasunod na mga gawaing ito, tunay ang naging pagsisisi ng hari ng Ninive sa kanyang puso. Ang sunod-sunod na mga pagkilos na kanyang ginawa—pagtayo mula sa kanyang trono, paghuhubad ng kanyang balabal ng pagkahari, pagdadamit ng kayong magaspang at pag-upo sa mga abo—ay nagsasabi sa mga tao na isinasantabi ng hari ng Ninive ang kanyang katayuan bilang hari at nagdadamit ng kayong magaspang kasama ang mga karaniwang mamamayan. Sinasabi nito na ang hari ng Ninive ay hindi nanatili sa kanyang pagiging hari para ipagpatuloy ang kanyang masamang gawa o ang karahasan sa kanyang mga kamay matapos marinig ang babala mula sa Diyos na si Jehova; sa halip, isinantabi niya ang awtoridad na kanyang hawak at nagsisi sa harap ng Diyos na si Jehova. Sa pagkakataong ito, hindi nagsisisi ang hari ng Ninive bilang hari; humarap siya sa Diyos upang magkumpisal at magsisi sa kanyang mga kasalanan bilang isang pangkaraniwang nasasakupan ng Diyos. Bukod pa rito, sinabihan din niya ang buong lungsod na magkumpisal at magsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova tulad ng ginawa niya; dagdag pa rito, may tiyak siyang plano kung paano ito isasagawa, tulad ng makikita sa Kasulatan: “Huwag tumikim maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig: … at manangis silang mainam sa Diyos: oo, talikdan ng bawa’t isa ang kaniyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay.” Bilang pinuno ng lungsod, ang hari ng Ninive ay nagtataglay ng pinakamataas na katayuan at kapangyarihan at makakaya niyang gawin ang anumang bagay na kanyang naisin. Nang matanggap ang babala ng Diyos na si Jehova, maaari naman niyang balewalain na lang ito o mangumpisal na lamang at magsisi sa kanyang mga kasalanan nang mag-isa; kung pipiliin ng mga tao sa lungsod na magsisi o hindi, maaari naman niyang pabayaan na lamang lahat ang bagay na ito. Ngunit hindi ito kailanman ginawa ng hari ng Ninive. Hindi lamang siya tumayo mula sa kanyang trono, nagdamit ng kayong magaspang at naupo sa mga abo at nangumpisal at nagsisi sa kanyang mga kasalanan sa harap ng Diyos na si Jehova, inutusan din niya ang lahat ng tao at mga hayop sa buong lungsod na gawin din iyon. Inutusan pa niya ang mga tao na “magsidaing nang mainam sa Diyos.” Sa pamamagitan ng mga magkakasunod na gawaing ito, tunay na nagampanan ng hari ng Ninive iyong dapat gawin ng isang pinuno. Ang kanyang mga ginawa ay isang bagay na mahirap gawin para sa sinumang hari sa kasaysayan ng tao, at wala ngang ibang hari ang nakagawa ng mga bagay na ito. Ang mga gawaing ito ay maaaring tawagin na wala pang nakagagawa sa kasaysayan ng sangkatauhan; karapat-dapat ang mga ito na kapwa gunitain at tularan ng sangkatauhan. Buhat noong pagsisimula ng tao, pinangunahan ng bawat hari ang kanyang mga nasasakupan sa pagtanggi at paglaban sa Diyos. Walang sinuman ang nanguna sa kanyang mga nasasakupan sa pagsusumamo sa Diyos upang tubusin sila sa kanilang kasamaan, tanggapin ang pagpapatawad ng Diyos na si Jehova at maiwasan ang nalalapit na kaparusahan. Subalit ang hari ng Ninive ay nakayang pangunahan ang kanyang mga nasasakupan na manumbalik sa Diyos, iwan na ang kanilang masamang mga gawa at iwan na ang karahasan na nasa kanilang mga kamay. Bukod pa rito, nagawa rin niyang isantabi ang kanyang trono, at bilang ganti, nagbago ang isip at nakadama ng pagsisisi ang Diyos na si Jehova at binawi ang Kanyang poot, at hinayaan ang mga mamamayan ng lungsod na maligtas at malayo mula sa pagkawasak. Ang mga ginawa ng hari ay maaari lamang matawag na isang pambihirang himala sa kasaysayan ng tao, at huwarang halimbawa pa nga ng tiwaling sangkatauhan na nangumpisal at nagsisi sa kanilang mga kasalanan sa harap ng Diyos.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang “masamang gawi” ay hindi tumutukoy sa isang dakot na masasamang gawa, kundi sa masamang bukal kung saan nagmumula ang pag-uugali ng mga tao. Ang “Ang paglayo sa masamang gawi ng isang tao” ay nangangahulugan na hindi na nila kailanman muling gagawin ang mga gawaing ito. Sa madaling salita, hindi na sila kailanman muling kikilos sa masamang paraang ito; ang paraan, pinagmulan, layunin, intensyon at prinsipyo ng kanilang mga gawain ay nagbagong lahat; hindi na nila kailanman muling gagamitin ang mga pamamaraan at mga prinsipyong ito upang magdulot ng kasiyahan at kaligayahan sa kanilang mga puso. Ang “iniwan” sa “iniwan ang karahasan sa mga kamay ng isang tao” ay nangangahulugan na binitawan o isinantabi, upang ganap na makawala sa nakaraan at hindi na kailanman muling balikan. Nang iwanan ng mga taga-Ninive ang karahasan sa kanilang mga kamay, pinatunayan at kinatawan nito ang tunay nilang pagsisisi. Pinagmamasdan ng Diyos ang panlabas na anyo ng mga tao, gayundin ang kanilang mga puso. Nang mapansin ng Diyos ang tunay na pagsisisi sa puso ng mga taga-Ninive nang walang pag-aalinlangan, at napansin din na tinalikdan na nila ang kanilang masasamang gawi at iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, binago Niya ang Kanyang puso. Ibig sabihin, ang asal at pag-uugali ng mga taong ito at ang iba’t ibang pamamaraan ng kanilang paggawa ng mga bagay, gayundin ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa mga kasalanan sa kanilang puso, ang dahilan kaya nagbago ang puso ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga intensiyon, binawi ang Kanyang pasya at hindi na sila pinarusahan o nilipol man. Kaya nagkaroon ang mga taga-Ninive ng ibang katapusan. Nailigtas nila ang kanilang sariling mga buhay at natamo rin nila ang awa at pagpaparaya ng Diyos, kung saang punto binawi din ng Diyos ang Kanyang poot.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ano ang bagay na higit na pinagsisihan ni Pedro? Hindi pa natatagalan matapos sabihin ni Pedro na “Ikaw ang Anak ng buhay na Diyos,” nagpahayag ng isa pang tanong si Jesus kay Pedro (bagama’t hindi ito nakatala sa Biblia sa ganitong paraan). Tinanong siya ni Jesus: “Pedro! Minahal mo na ba Ako kahit minsan?” Naunawaan ni Pedro ang ibig Niyang sabihin, at sinabi: “Panginoon! Minsa’y minahal ko ang Ama sa langit, ngunit inaamin ko hindi Kita minahal kailanman.” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Kung hindi minamahal ng mga tao ang Ama sa langit, paano nila mamahalin ang Anak sa lupa? At kung hindi minamahal ng mga tao ang Anak na isinugo ng Diyos Ama, paano nila mamahalin ang Ama sa langit? Kung tunay na minamahal ng mga tao ang Anak sa lupa, tunay nilang minamahal ang Ama sa langit.” Nang marinig ni Pedro ang mga salitang ito, natanto niya ang kanyang naging pagkukulang. Lagi siyang nagsisisi hanggang sa mapaluha siya sa kanyang mga salitang “Minsa’y minahal ko ang Ama sa langit, ngunit hindi Kita minahal kailanman.” Pagkaraang mabuhay na mag-uli at umakyat sa langit si Jesus, nakadama siya ng higit na pagsisisi at dalamhati sa mga salitang ito. Kapag naaalala niya ang kanyang nakaraang gawain at kasalukuyang tayog, madalas siyang nagdarasal kay Jesus, na laging nakadarama ng pagsisisi at pagkakautang dahil sa hindi niya natugunan ang kalooban ng Diyos at hindi siya umabot sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mga isyung ito ang naging pinakamalaki niyang pasanin. Sabi niya: “Balang araw ilalaan ko sa Iyo ang lahat ng mayroon ako at lahat ng pagkatao ko, at ibibigay ko sa Iyo yaong pinakamahalaga.” Sabi niya: “Diyos ko! Iisa lamang ang aking pananampalataya at iisa lamang ang aking minamahal. Walang halaga ang aking buhay, at walang halaga ang aking katawan. Iisa lamang ang aking pananampalataya at iisa lamang ang aking minamahal. Sumasampalataya ako sa Iyo sa aking isipan at minamahal Kita sa puso ko; ang dalawang bagay na ito lamang ang tanging maibibigay ko sa Iyo at wala nang iba pa.” Lubhang lumakas ang loob ni Pedro sa mga salita ni Jesus, dahil bago ipinako si Jesus sa krus, nasabi Niya kay Pedro: “Hindi Ako nagmula sa mundong ito, at hindi ka rin nagmula sa mundong ito.” Kalaunan, nang makadama si Pedro ng matinding pasakit, pinaalalahanan siya ni Jesus: “Pedro, nalimutan mo na ba? Hindi Ako nagmula sa mundo, at lumisan lamang Ako nang mas maaga para sa Aking gawain. Hindi ka rin nagmula sa mundo, nalimutan mo na ba talaga? Dalawang beses Ko nang sinabi sa iyo, hindi mo ba natatandaan?” Nang marinig ito ni Pedro, sinabi niya: “Hindi ko pa nalilimutan!” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Minsan ka nang masayang nakipagtipon sa Akin sa langit at isang panahon sa Aking tabi. Nangungulila ka sa Akin, at nangungulila Ako sa iyo. Bagama’t hindi karapat-dapat na banggitin ang mga nilikha sa Aking mga mata, paanong hindi Ko mamahalin yaong walang-malay at kaibig-ibig? Nalimutan mo na ba ang Aking pangako? Kailangan mong tanggapin ang Aking tagubilin sa lupa; kailangan mong tuparin ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa iyo. Balang araw tiyak na aakayin kita patungo sa Aking tabi.” Matapos itong marinig, mas lumakas ang loob ni Pedro at tinanggap ang mas malaki pang inspirasyon, nang sa gayon nang siya ay nasa krus, nasabi Niyang: “Diyos ko! Hindi ko magawang mahalin Ka nang sapat! Kahit hilingin Mong mamatay ako, hindi pa rin Kita maaaring mahalin nang sapat! Saan Mo man isugo ang aking kaluluwa, tuparin Mo man o hindi ang dati Mong mga pangako, anuman ang gawin Mo pagkatapos, mahal Kita at naniniwala ako sa Iyo.” Ang kanyang pinanghawakan ay ang kanyang pananampalataya, at tunay na pagmamahal.

Hinango mula sa “Paano Nakilala ni Pedro si Jesus” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

1. Ano ang tunay na pagsisisi at ano ang mga pagpapamalas nito