Napalakas ng Pagdanas ng Malupit na Pag-uusig ang Pananampalataya Ko sa Diyos

Ni Zhao Rui, Probinsya ng Shanxi

Ang pangalan ko ay Zhao Rui. Dahil sa biyaya ng Diyos, nagsimulang sumunod sa Panginoong Jesus ang buong pamilya ko noong 1993. Noong 1996, noong labing-anim na taong gulang ako, naakit ako ng pagmamahal ng Panginoong Jesus at nagsimula akong gumawa sa iglesia at magbigay ng mga sermon. Subali’t, hindi nagtagal, nagsimula kong mapansin ang maraming bagay sa iglesia na nagbigay sa akin ng labis na pagkabigo: Inintriga ng magkakatrabaho ang isa’t isa, ibinukod ang isa’t isa, at nagpaligsahan para sa kapangyarihan at kita. Para bang matagal nang nalimutan ang turo ng Panginoon na dapat nating mahalin ang isa’t isa. Ang mga nagbibigay ng sermon ay tila walang masabi at walang kasiyahang makakamit sa pamumuhay ng buhay-iglesia. Maraming mga kapatid ang naging negatibo at mahina at tumigil na pati sa pagdalo sa mga pulong…. Sa pagkaharap ko sa mapanglaw at malungkot na katayuan ng iglesia, nakaramdam ako ng dalamhati at kawalan ng magagawa. Noong Hulyo ng 1999, sa pamamagitan ng milagrosong pagsasaayos at pag-aayos ng Diyos, tinanggap ko ang pagbabalik ng Panginoong Jesus—ang Makapangyarihang Diyos. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at pagsali sa buhay-iglesia, muli kong tinamasa ang gawain ng Banal na Espiritu. Noong dumalo ako sa mga pagpupulong kasama ng aking mga kapatid, naalis ang relihiyosong pamamaraan ng pamumuhay na mayroon ako rati; maaaring sabihin ng bawat tao ang tunay nilang nararamdaman, at nagbahaginan kami sa liwanag na ibinigay sa amin ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu at pinag-usapan namin kung paano namin naranasan ang salita ng Diyos, pati na rin kung paano umasa sa Diyos upang maalis namin ang katiwalian mula sa mga sarili namin. Bukod pa roon, namuhay ang mga kapatid sa isang napakataimtim at napakarangal na paraan; napakamapagpatawad nila at napakamapagparaya sa mga pagkukulang at pagpapakita ng katiwalian ng isa’t isa at binigyan nila ang isa’t isa ng mapagmahal na pagtulong. Kapag mayroong dumaranas ng paghihirap, walang humahamak o nagmamaliit sa kanila, nguni’t sa halip ay hahanapin ang katotohanan kasama nila upang makahanap ng kalutasan sa kanilang mga problema. Ito ang buhay-iglesia na noon ko pa ninanais—ang tunay na daan na hinanap ko nang maraming taon! Nakabalik ako sa wakas sa harap ng Diyos matapos maligaw nang napakaraming taon! Gumawa ako ng pagpapasya sa Diyos: “Dadalhin ko sa harap ng Diyos ang mga inosenteng kaluluwang iyon na namumuhay pa sa kadiliman, bibigyan ko sila ng kakayahang mabuhay nang may paggabay at pagpapala ng gawain ng Banal na Espiritu, at madiligan ng buhay na tubig ng buhay ng Diyos. Ito ang aking misyon bilang isang nilikhang nilalang at ito ang pinakamakahulugan at pinakamahalagang paraan upang isabuhay ang aking buhay.” Dahil diyan, nagsumikap ako sa pagganap ng aking mga tungkulin.

Subali’t, hindi kami hahayaan ng pamahalaang CCP, iyong galit sa tunay na Diyos, iyong ateistang pamahalaang namumuhi sa katotohanan, na sumunod sa Diyos ni magpatotoo o magpalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, at lalo nang hindi ito magpapaubaya na umiral ang iglesia ng Diyos. Sa tagsibol ng 2009, nagsagawa ang pamahalaang CCP ng isang malawakang kampanya ng pagdakip na target ang mga pangunahing pinuno ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Dinakip ang mga pinuno ng iglesia sa buong bansa at sunud-sunod na ibinilanggo. Bandang alas-9 ng gabi noong ika-4 ng Abril, kakalabas lang namin mula sa bahay na tinutuluyan namin ng isang babaeng kapatid na katulong ko sa pagganap ng aming mga tungkulin at naglalakad kami papunta sa daanan nang biglang lumundag sa likuran namin ang tatlong di-unipormadong lalaki at sapilitan kaming kinaladkad hawak ang mga braso namin, habang sumisigaw, “Halika na! Sasama kayo sa amin!” Bago pa kami nakakibo, isinakay kami sa likod ng isang itim na sedan na nakaparada sa daan. Kagaya iyon sa mga pelikula kung saan dumarating ang mga gangster at dinudukot ang isang tao kahit maliwanag, maliban lang sa ngayon ay nangyayari ito sa amin sa totoong buhay, at ito ay ganap na nakakatakot. Lubos akong nadaig at ang nagawa ko lang ay ang tahimik na tumawag sa Diyos nang paulit-ulit: “Mahal kong Diyos! Iligtas Mo ako! O Diyos, pakiusap iligtas Mo ako….” Bago ko nagawang huminahon, huminto ang sedan sa pangunahing bakuran ng Munisipal na Kawanihan ng Pampublikong Seguridad. Noon ko lang natanto na nahuli kami ng mga pulis. Hindi nagtagal, ipinasok din ang kapatid na babae mula sa tinutuluyan naming bahay. Dinala kaming tatlo sa isang tanggapan sa ikalawang palapag at kinuha ng isang pulis, nang walang anumang pagpapaliwanag, ang aming mga bag at pinatayo kami nang nakaharap sa pader. Pagkatapos noon ay pilit niya kaming pinaghubad at siniyasat niya ang aming mga katawan, at kasabay noon ay sapilitang kinuha ang ilang gamit tungkol sa aming gawain sa iglesia, mga resibo ng perang hawak ng iglesia, mga cellphone namin, mahigit 5,000 RMB na cash, isang card sa bangko at isang relo, pati na iba pang personal na pag-aari na dala namin at nasa mga bag namin. Habang nangyayari ang lahat ng ito, labas-pasok sa silid ang pito o walong pulis at dalawa sa mga pulis na nagbabantay sa amin ang bigla pang tumawa at itinuro ako, sinasabing, “Mataas ang posisyon ng isang ito sa iglesia, mukhang nakabingwit tayo ng malaki ngayon.” Hindi nagtagal pagkatapos noon, pinosasan ako ng apat na di-unipormadong pulis, tinakpan nila ang mga mata ko, at dinala ako sa isang sangay ng Kawanihan ng Pampublikong Seguridad na malayo mula sa lungsod.

Noong pumasok ako sa interrogation room at nakita ang mataas na bintanang may mga rehas na bakal at ang nakakatakot at nanlalamig na tiger chair, pumasok sa isip ko ang mga nakakapangilabot na kwento ng mga kapatid na pinahirapan na rati. Sa pag-iisip ko sa di-malamang pagpapahirap na sunod na gagawin sa akin ng masasamang pulis, labis akong natakot at nagsimulang kusang manginig ang mga kamay ko. Sa desperadong kalagayang ito, biglang pumasok sa isip ko ang mga salita ng Diyos: “Ikaw ay may tinataglay pa ring takot sa iyong puso, at hindi ba’t ang iyong puso ay puno pa rin ng mga kaisipan ni Satanas?” “Ano ang isang mananagumpay? Ang mga mabuting sundalo ni Cristo ay dapat na maging matapang at manalig sa Akin upang maging malakas sa espirituwal; sila ay dapat na lumaban upang maging mga mandirigma at kalabanin si Satanas hanggang sa kamatayan” (“Kabanata 12” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Pinahinahon ng kaliwanagang dulot ng mga salita ng Diyos ang natataranta kong puso at tinulutan akong matanto na nagmumula kay Satanas ang takot ko. Naisip ko sa sarili ko: “Nais ni Satanas na pahirapan ang laman ko upang sumuko ako sa paniniil nito. Hindi ako maaaring mahulog sa mapagsabwat na balak nito. Anuman ang mangyari, nagtitiwala akong lihim kong kasama ang Diyos, binabantayan ako at pinangangalagaan ako. Sa lahat ng oras, lagi kong magiging matatag na kaagapay at walang-hanggang suporta ang Diyos. Ngayon ay isang mahalagang sandali sa espirituwal na pakikipaglaban at kinakailangan kong tumayong saksi sa Diyos sa panahong ito. Dapat akong tumayo sa tabi ng Diyos at hindi ako maaaring sumuko kay Satanas.” Nang natanto ko ito, tahimik akong nanalangin sa Diyos: “O Makapangyarihang Diyos! Kasama sa mabubuting layunin Mo na mahulog ako sa mga kamay ng masasamang pulis na ito ngayon. Subali’t, napakababa ng tayog ko at ako ay natataranta at natatakot. Nananalangin akong bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas ng loob, upang makawala ako mula sa mga pagpipigil ng impluwensiya ni Satanas, hindi magpasakop dito at matatag na tumayong saksi sa Iyo!” Pagkatapos kong manalangin, napuno ng lakas ng loob ang puso ko, at nabawasan ang takot ko sa masasamang pulis na iyon na mukhang masama ang balak.

Pagkatapos, itinulak ako ng dalawang pulis paupo sa tiger chair at ikinandado ang mga kamay at paa ko. Tumuro ang isa sa mga pulis, na isang matangkad at malaking halimaw, sa ilang salitang nasa pader na nagsasabing “Sibilisadong Pagpapatupad ng Batas” at saka hinampas ang mesa at sumigaw, “Alam mo ba kung nasaan ka? Ang Kawanihan ng Pampublikong Seguridad ang sangay ng pamahalaang Tsino na dalubhasa sa karahasan! Kapag hindi ka umamin, makikita mo ang hinahanap mo! Magsalita ka! Anong pangalan mo? Ilang taon ka na? Saan ka galing? Anong posisyon mo sa iglesia?” Pinuno ako ng galit ng kanyang mapusok na kalikasan kasama ng kanyang lantaran at personal na pagkilala sa tunay na kalikasan ng pambansang ahensya sa pagpapatupad na ito, ang Kawanihan ng Pampublikong Seguridad. Naisip ko sa sarili ko: “Lagi nilang sinasabi na sila ang ‘Kapulisan ng mga Tao’ at na ang layunin nila ay ang ‘puksain ang masasama at hayaan ang mga sumusunod sa batas na mamuhay nang payapa,’ nguni’t sa katunayan ay isa lang silang pangkat ng mga siga, mga bandido at mga bayarang mamamatay-tao sa mundo ng mga kriminal. Mga demonyo silang nagsasagawa ng direktang pag-atake sa katarungan at nagpaparusa sa mabubuti at kagalang-galang na mga mamamayan! Ang mga pulis na ito ay nagbubulag-bulagan sa mga lumalabag sa batas at gumagawa ng krimen, hinahayaan silang mamuhay nang hindi naaabot ng batas. Subali’t, sa kabila ng katunayang ang tanging ginagawa namin ay ang manampalataya sa Diyos, magbasa ng salita ng Diyos at maglakad sa tamang landas sa buhay, kami ang naging pangunahing target ng karahasan ng pangkat na ito ng mababagsik. Tunay na tampalasang tagapagbaligtad ng katarungan ang pamahalaang CCP.” Kahit na buong-puso kong kinamuhian ang masasamang pulis na iyon, alam kong napakababa ng tayog ko at hindi ko makakayanang tiisin ang malupit na pagpaparusa at pagpapahirap nila, kaya muli’t muli akong tumawag sa Diyos, nagsusumamo sa Kanya na bigyan ako ng lakas. Sa sandaling iyon, niliwanagan ako ng mga salita ng Diyos: “Ang pananampalataya ay gaya ng isang tulay na may iisang troso, sila na matinding nakakapit sa buhay ay mahihirapang tumawid rito, ngunit sila na handang isakripisyo ang kanilang mga sarili ay makatatawid nang walang pangamba” (“Kabanata 6” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Tinulungan akong maging handa ng pag-aliw at pagpapalakas ng loob ng mga salita ng Diyos, at naisip ko sa sarili ko: “Dapat akong maging handa ngayon na ipagsapalaran ang lahat—kung umabot sa sukdulan at mamatay ako, e di magkagayon. Kung inaakala ng pangkat na ito ng mga demonyo na malalaman nila mula sa akin ang tungkol sa pera ng iglesia, gawain namin o mga pinuno, nagkakamali sila!” Pagkatapos noon, nanalangin ako sa Diyos: “Mahal kong Diyos! Ikaw ang namumuno sa lahat ng bagay, at si Satanas ay nasa mga kamay Mo rin at nasa ilalim ng mga pagsasaayos Mo. Ginagamit Mo ngayon si Satanas upang subukin ang pananampalataya at debosyon ko. Kahit na mahina ang laman ko ngayon, hindi ako nagnanais na bumagsak sa paanan ni Satanas. Nais kong umasa sa Iyo upang maging malakas. Gaano man ako pahirapan ni Satanas, hindi Kita ipagkakanulo o bibigyan ng pighati kailanman. Dahil sa paggabay ng mga salita ng Diyos, gaano man nila ako tinanong o sinubukang kuhanan ng impormasyon, wala akong sinabi ni isang salita.

Noong nakita nilang tumatanggi akong magsalita, nagalit ang isa sa mga pulis at, pagkatapos hampasin ang mesa, sinugod ako, sinipa ang tiger chair na inuupuan ko at saka itinulak ang ulo ko habang sumisigaw, “Sabihin mo sa amin ang nalalaman mo! Huwag mong isiping wala kaming alam. Kung wala kaming anumang alam, kung sa gayon paano sa tingin mo namin nagawang matagumpay na hulihin kayong tatlo?” Umatungal ang isa pang matangkad na pulis, “Huwag mong ubusin ang pasensya ko! Kung hindi ka namin patitikimin ng kaunting sakit, iisipin mong hanggang pagbabanta lang ang gagawin namin. Tayo!” Pagkatapos na pagkatapos niyang magsalita ay kinaladkad niya ako mula sa tiger chair papunta sa ilalim ng isang bintana, na napakataas sa pader at may mga rehas na bakal. Gumamit sila ng isang pares ng posas na may mga pantusok para sa bawat kamay, na ang isang dulo ay nakakandado sa palibot ng mga kamay ko at ang kabila ay nakakabit sa rehas kung kaya nakabitin ang mga kamay ko mula sa bintana at ang mga bola lang ng talampakan ko ang sumasayad sa lupa. Binuksan ng isa sa masasamang pulis ang aircon upang pababain ang temperatura sa silid at saka marahas akong hinampas sa ulo gamit ang isang nakarolyong aklat. Noong makita niyang nanatili akong tahimik, sumigaw siya sa galit: “Magsasalita ka ba o hindi? Kung hindi ka magsasalita, ‘pasasakayin ka namin sa duyan’!” Pagkatapos noon, gumamit siya ng isang mahabang panaling pang-empake ng militar upang itali ang mga binti ko at pagkatapos ay ikinabit ang panali sa tiger chair. Pagkatapos ay hinila palayo ng dalawang pulis ang tiger chair mula sa pader kung kaya’t nakalutang ako sa hangin. Habang gumagalaw pasulong ang katawan ko, dumudulas ang mga posas pababa sa base ng mga pulso ko at bumabaon ang mga pantusok na nasa loob ng mga posas sa likod ng mga kamay ko. Dumanas ako ng napakatinding sakit, nguni’t mariin kong kinagat ang labi ko upang pigilan ang sarili kong sumigaw sapagka’t hindi ko nais na tumawa ang masasamang pulis na iyon sa paghihirap ko. Sinabi ng isa sa kanila habang nakakatakot na nakangisi, “Mukhang hindi masakit! Hayaan mong dagdagan ko nang kaunti para sa iyo.” Pagkasabi noon, itinaas niya ang binti niya at mariing tinapakan ang mga binti ko at pagkatapos ay inugoy ang katawan ko nang pabalik-balik. Nagsanhi ito na humigpit nang humigpit ang mga posas na nakapalibot sa mga pulso at likod ng mga kamay ko at sa huli ay napakasakit na nito kung kaya’t hindi ko napigilang sumigaw sa sakit, na nagpahalakhak nang todo sa dalawang masasamang pulis na iyon. Noon lang siya tumigil sa pagdiin sa mga binti ko, at naiwan ako roong nakalutang sa hangin. Matapos ang higit-kumulang dalawampung minuto, biglang sinipa ng pulis iyong tiger chair pabalik sa akin, na gumawa ng nakakapangilabot na matinis na tunog at humiyaw ako nang bumalik sa posisyon ang katawan ko, nakabitin mula sa pader na mga bola lang ng talampakan ko ang tumatapak sa lupa. Magkasabay na dumulas ang mga posas pabalik sa mga pulso ko. Sa biglaang pagluwag ng mga posas, mabilis na dumaloy ang dugo palayo sa mga kamay ko at pabalik sa mga braso ko, na nagsanhi ng tumitibok na sakit mula sa presyon ng nagbabalik na dugo. Tumawa nang nakakatakot ang dalawang masamang pulis na iyon nang makita ang pagdurusa ko at pagkatapos ay tinanong ako, sinasabing, “Ilang tao ang nasa inyong iglesia? Saan ninyo tinatago ang pera?” Malinaw na ibinunyag ng huling tanong na ito ang kasuklam-suklam na layunin ni Satanas: Ang dahilan kaya nila ako isinasailalim sa lahat ng pagpapahirap at pagdurusang ito, ang dahilan kaya gumagamit sila ng mga makademonyo at walang-awang pamamaraan ay para lamang manakaw nila ang pera ng iglesia. Hambog at walang hiya silang umaasa na magamit ang pera ng iglesia para sa kanilang sariling mga pakay. Sa pagkakita ko sa kanilang mga sakim at masasamang mukha, nakaramdam ako ng galit at patuloy akong nagsumamo sa Diyos na huwag akong hayaang maging isang Judas at na isumpa ang pangkat na ito ng mga bandido at tulisan. Pagkatapos noon, kahit paano nila ako tanungin, tumanggi akong magsalita hanggang sa sobrang galit ay nagsimula na silang magmura: “Buwisit! Masyado kang matigas! Tingnan natin kung gaano katagal ka makakatiis!” Pagkasabi noon, hinila uli nila ang tiger chair palayo sa pader, kaya lumutang na naman ako sa hangin. Sa pagkakataong ito, mahigpit na kumapit ang mga posas sa mga bukas nang sugat sa likod ng mga kamay ko, at mabilis na namaga at lumaki ang mga kamay ko dahil sa dugo, na pakiramdam ko ay malapit na silang pumutok. Mas matindi pa ang sakit ngayon kaysa noong una. Malinaw na inilarawan ng mga pulis sa isa’t isa ang “mga kahanga-hangang karanasan” nila sa pagpapahirap at pagpaparusa ng mga bilanggo. Nagtagal ito ng labinlimang minuto bago nila sa wakas sinipa ang upuan pabalik sa pader at bumalik ako sa dating posisyon ko na nakabitin nang tuwid mula sa bintana na ang mga bola ng paa ko lang ang sumasayad sa lupa. Kasabay nito, napuno uli ako ng pumupunit na sakit. Pagkatapos, isang pandak at punggok na lalaking pulis ang pumasok at nagtanong, “Nagsalita na ba siya?” Sumagot ang dalawang pulis, sinasabing, “Isang tunay na Liu Hulan ang isang ito!” Naglakad palapit sa akin ang mataba at masamang pulis na iyon at malakas akong sinampal sa mukha, marahas na sumisirit, “Tingnan natin kung gaano ka katigas! Hayaan mong luwagan ko itong mga kamay mo.” Tumingin ako pababa sa kaliwang kamay ko at nakita kong labis itong namamaga at nangingitim na. Pagkatapos, sinunggaban ng masamang pulis ang mga daliri ng kaliwang kamay ko at nagsimulang alugin ang mga iyon nang pabalik-balik at pisilin ang mga iyon hanggang napalitan muli ng sakit ang pamamaga. Pagkatapos ay inayos niya ang mga posas upang malagay sa pinakamahigpit at sinenyasan ang dalawa pang pulis na hilahin uli ako pataas sa hangin. Lumutang na naman ako sa hangin at nanatili sa ganoong posisyon ng dalawampung minuto bago ibinaba. Paulit-ulit nila akong itinataas sa hangin at ibinababa, pinahihirapan ako hanggang sa puntong ginusto ko nang mamatay upang matakasan ang sakit. Bawat beses dumudulas pataas at pababa ng mga kamay ko ang mga posas ay mas masakit kaysa nauna. Sa huli, bumaon nang malalim sa mga pulso ko ang mga pantusok at tumagos sa balat ng likod ng mga kamay ko, na nagsanhi ng matinding pagdurugo. Tuluyan nang tumigil ang pagdaloy ng dugo sa mga kamay ko at namaga na sila na parang mga lobo. Ang sakit na ng ulo ko dahil sa kawalan ng oxygen at pakiramdam ko ay malapit na itong sumabog. Akala ko talaga ay mamamatay na ako.

Noong inaakala kong hindi ko na makakayanan, umalingawngaw sa isip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Habang nasa daan patungong Jerusalem, nadama ni Jesus ang paghihirap, na para bang ang isang kutsilyo ay iniikot sa Kanyang puso, subali’t Siya ay walang bahagya mang intensyong talikuran ang Kanyang salita; palaging mayroong isang malakas na puwersang humihimok sa Kanya na sumulong kung saan Siya ay ipapako sa krus” (“Paano Maglingkod Nang Kaayon sa Kalooban ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng biglaang daloy ng lakas at naisip ko kung paano nagdusa sa krus ang Panginoong Jesus: Nilatigo Siya, kinutya at ipinahiya ng mga sundalong Romano at binugbog hanggang sa magdugo. Subali’t pinagbuhat pa rin Siya ng mabigat na krus na iyon, ang parehong krus kung saan nila Siya ipinako nang buhay kinalaunan, hanggang dumanak na ang bawat patak ng dugo mula sa katawan Niya. Anong lupit na pagpapahirap! Pagdurusang ang hirap isipin! Subali’t tahimik na tiniis ng Panginoong Jesus ang lahat ng iyon. Kahit na tiyak na hindi mailalarawan ng salita ang sakit, maluwag sa kalooban na inilagay ng Panginoong Jesus ang sarili Niya sa mga kamay ni Satanas upang matubos ang sangkatauhan. Naisip ko sa sarili ko: “Kamakailan, nagkatawang-tao ang Diyos sa pangalawang pagkakataon at dumating sa ateistang bansa ng Tsina. Dito, nakatagpo Siya ng mga panganib na labis na mas peligroso kaysa sa hinarap Niya noong Kapanahunan ng Biyaya. Magmula nang nagpakita ang Makapangyarihang Diyos at nagsimulang gampanan ang Kanyang gawain, ginamit ng pamahalaang CCP ang lahat ng uri ng paraan upang siraan, lapastanganin, baliw na tugisin at dakpin si Cristo, hambog na umaasang pabagsakin ang gawain ng Diyos. Ang pagdurusang pinagdaanan ng Diyos sa Kanyang dalawang pagkakatawang-tao ay higit sa kayang isipin ninuman, lalo na ang kaya nilang kayanin. Kung ihahambing sa tiniis ng Diyos, ni hindi karapat-dapat banggitin ang pagdurusang kinakaharap ko ngayon. Bukod pa roon, ang dahilan kung kaya inuusig ako nang ganito ngayon ng mga demonyong ito ay dahil tagasunod ako ng Diyos. Ang totoo, ang Diyos talaga ang kinamumuhian at sinusubukan nilang usigin. Dahil nagtiis na ng matinding pagdurusa ang Diyos para sa atin, dapat akong magkaroon ng higit na konsensya; dapat kong palugurin ang Diyos at bigyan Siya ng kaaliwan, kahit na mamatay pa ako.” Sa sandaling iyon, pumasok sa isip ko ang paghihirap ng lahat ng mga banal at mga propeta sa lahat ng mga kapanahunan: si Daniel sa yungib ng mga leon, si Pedro na nakapako nang patiwarik sa krus, si Santiago na pinugutan ng ulo…. Nang walang kataliwasan, ang mga banal at propetang ito ay lahat matunog na tumayong saksi sa Diyos sa bingit ng kamatayan, at natanto kong dapat kong hangarin na tularan ang kanilang pananampalataya, debosyon at pagpapasakop sa Diyos. Kung kaya, tahimik akong nanalangin sa Diyos: “Mahal kong Diyos! Wala Kang kasalanan nguni’t ipinako Ka para sa aming kaligtasan. Nagkatawang-tao Ka pagkatapos sa Tsina upang gampanan ang gawain Mo, nang inilalagay sa kapahamakan ang buhay Mo. Napakadakila ng pagmamahal Mo kung kaya hindi Kita mababayaran kailanman. Pinakamalaking karangalan para sa akin na magdusa kasama Mo ngayon at handa akong tumayong saksi upang aliwin ang puso Mo. Kahit kunin pa ni Satanas mula sa akin ang buhay ko, hindi ako bibigkas ni isang salita ng pagdaing!” Habang nakatuon ang isip ko sa pagmamahal ng Diyos, tila nabawasan nang husto ang sakit sa aking katawan. Sa ikalawang kalahati ng gabing iyon, salit-salitang ipinagpatuloy ng masasamang pulis ang pagpapahirap sa akin. Noong bandang alas-9 ng sumunod na umaga lang nila sa wakas inalis ang pagkakatali ng mga binti ko at iniwan akong nakabitin mula sa bintana. Parehong lubusang manhid at walang pakiramdam ang mga braso ko at namamaga ang buong katawan ko. Sa panahong iyon, nadala na sa katabing interrogation room ang babaeng kapatid na kasama kong gumaganap ng mga tungkulin. Bigla na lang pumasok sa interrogation room ko ang walo o siyam na pulis, at isang maliit at matabang pulis ang nagmamadaling pumasok at tinanong ang masasamang pulis na humahawak sa akin: “Nagsalita na ba siya?” “Hindi pa,” sagot nila. Pagkarinig niya sa sagot nila, agad siyang lumapit sa akin, dalawang beses akong sinampal sa mukha at galit akong sinigawan, “Hindi ka pa rin nakikipagtulungan! Alam namin ang pangalan mo, at alam naming isa kang mahalagang pinuno sa iglesia. Huwag kang magkamaling isipin na wala kaming alam! Saan mo nilagay ang pera! Paano itinatakda at inaayos ang gawain ninyo?” Nang makita niyang tahimik pa rin ako, pinagbantaan niya ako, sinasabing, “Kung hindi ka aamin, mas malala ang mangyayari sa iyo kapag natuklasan namin mismo. Dahil sa posisyon mo sa iglesia, hahatulan ka ng dalawampung taon sa kulungan!” Nagkukumahog ang masasamang pulis na ito na mahawakan ang pondo ng iglesia. Habang tinitingnan ko ang mababangis nilang pagmumukha, kumulo ang dugo ko sa galit, at hindi ko napigilang manalangin sa Diyos na isumpa sila sa pinakamadidilim na hukay sa impiyerno. Pagkatapos noon, hinawakan nila ang card ko sa bangko at tinanong ang pangalan na nasa card at ang pin number. Naisip ko sa sarili ko, “Hayaan nang makita nila, wala na akong pakialam. Hindi naman nagsalin ng malaking pera ang pamilya ko sa account na iyon. Baka kapag nakita nila, hindi na nila ako kukulitin tungkol sa pondo ng iglesia.” Nang nakapagpasya na ako, sinabi ko sa kanila ang pangalan at pin number.

Kalaunan, nagpaalam akong pupunta sa banyo at noon lang nila ako ibinaba sa wakas. Sa puntong iyon, lubusan na akong nawalan ng kontrol sa mga binti ko, kaya binuhat nila ako papunta sa banyo at nagbantay sa labas. Subali’t, ganap na akong nawalan ng pakiramdam sa mga kamay ko at hindi na umaabot sa mga ito ang mga utos mula sa utak ko, kaya tumayo lang ako roon na nakasandal sa pader, lubos na walang kakayanang ibaba ang pantalon ko. Noong hindi pa rin ako lumalabas pagkatapos ng ilang sandali, tinadyakan pabukas ng isa sa mga pulis ang pinto at sinigawan ako nang may mahalay na ngisi, “Hindi ka pa tapos?” Nang makita niyang hindi ko maigalaw ang mga kamay ko, nilapitan niya ako at ibinababa ang pantalon ko at pagkatapos ay itinaas uli iyon noong matapos na ako. Isang pangkat ng mga lalaking pulis ang nagtipon-tipon sa labas ng banyo at nagsasabi ng lahat ng uri ng mapangutyang komento at hinihiya ako gamit ang bastos nilang pananalita. Biglang hindi ko nakayanan ang kawalan ng katarungan sa panghihiya ng mga siga at demonyong ito sa isang inosenteng dalagang kagaya ko na lagpas dalawampung taong gulang lang at nagsimula akong umiyak. Naisip ko rin na, kung naging paralisado na talaga ang mga kamay ko at hindi ko na kayang alagaan ang sarili ko sa hinaharap, mas mabuti pang mamatay na ako. Kung kaya ko lang maglakad nang maayos noong sandaling iyon, tumalon na sana ako mula sa gusali at tinapos na ang lahat noon din. Kung kailan ako nasa aking pinakamahina, pumasok sa isip ko ang isang himno sa iglesia na “Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos”: “Mamahalin ko ang Diyos at magiging tapat ako sa Kanya at tatapusin ko ang aking misyon upang luwalhatiin ang Diyos. Determinado akong manindigan nang matatag sa patotoo sa Diyos, at hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Ah, maaaring sumabog ang aking utak at dumaloy ang aking dugo, ngunit hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos. Ang mga payo ng Diyos ay nasa puso, determinado akong pahiyain ang diyablong si Satanas. Itinatadhana ng Diyos ang pasakit at mga paghihirap, titiisin ko ang kahihiyan upang maging tapat sa Kanya. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin o bibigyan ng alalahanin ang Diyos” (Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Muli akong binigyan ng pananampalataya ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Diyos at lumakas ang aking espiritu. Naisip ko sa sarili ko: “Hindi ako maaaring malinlang ng mga panlalansi ni Satanas at hindi ko dapat tapusin ang buhay ko dahil sa ganitong bagay. Hinihiya at tinutuya nila ako upang gumawa ako ng isang bagay na sasaktan at ipagkakanulo ang Diyos. Kung mamamatay ako, mahuhulog lang ako sa kanilang mapagsabwatang pakana. Hindi ko maaaring hayaang magtagumpay ang pakikipagsabwatan ni Satanas. Kahit totoo mang nalumpo na ako, hangga’t humihinga pa ako, dapat akong magpatuloy na mabuhay upang magpatotoo sa Diyos.”

Pagbalik ko sa interrogation room, natumba ako sa sahig dahil sa pagod. Pinalibutan ako ng ilang pulis at sinigawan ako, inuutusan akong tumayo muli. Agad na lumapit sa akin iyong pandak at matabang pulis na sumampal sa mukha ko, marahas niya akong tinadyakan at pinagbintangang nagpapanggap. Sa sandaling iyon, nagsimulang manginig ang katawan ko, at kinapos ako ng hininga at nagsimulating hingalin. Nagsimulang mangisay at bumaluktot palapit sa isa’t isa ang kaliwang binti at ang kaliwang bahagi ng dibdib ko. Nanlamig at nanigas ang buong katawan ko at gaano man hilahin at batakin ng dalawang pulis, hindi nila ako magawang ituwid. Sa isip ko, alam kong ginagamit ng Diyos ang sakit at pagdurusang ito upang bigyan ako ng malalabasan, kung hindi ay magpapatuloy lang silang pahirapan ako nang malupit. Pagkatapos lang makita ng masasamang pulis na iyon ang nanganganib kong kalagayan saka sila huminto sa wakas sa pagbugbog sa akin. Pagkatapos ay ikinulong nila ako sa tiger chair at pumunta sa kabilang silid upang pahirapan ang kapatid kong babae sa iglesia, nang may dalawang pulis na naiwan upang bantayan ako. Nang marinig ko ang paulit-ulit na nakakakilabot na pagsigaw ng kapatid ko, gustung-gusto kong sugurin ang mga demonyong iyon at labanan sila hanggang kamatayan, subali’t sa lagay ng mga bagay-bagay, lugmok ako at pagod na pagod, kaya ang nagawa ko lang ay manalangin sa Diyos at magmakaawa sa Diyos na bigyan ng lakas ang kapatid ko at pangalagaan siya upang magawa niyang tumayong saksi. Kasabay noon, galit na galit kong isinumpa ang masama at makasalanang partidong iyon na nagsadlak sa mga tao nito sa kailaliman ng pagdurusa at hiniling sa Diyos na parusahan ang mga hayop na ito na mukhang tao. Maya-maya, pagkakita sa akin na nakalugmok doon at tila mapapatiran na ng hininga, at dahil ayaw nilang mag-asikaso sa sinumang mamamatay sa oras ng pagbabantay nila, dinala nila ako sa ospital sa wakas. Pagdating ko sa ospital, nagsimula na namang mangisay at bumaluktot palapit sa isa’t isa ang mga binti at dibdib ko at kinailangan ng ilang tao upang hilahin pabalik sa tuwid na posisyon ang katawan ko. Parehong namamaga na na parang lobo at nababalot ng namuong dugo ang dalawang kamay ko. Namimintog ang mga kamay ko dahil sa nana at hindi sila makapagsimula ng IV dahil pagkatusok na pagkatusok ng karayom, lumalabas ang dugo mula sa ugat, kumakalat sa nakapalibot na tissue at tumatagas mula sa lugar ng injection. Nang makita ng doktor ang nangyayari, sinabi niya, “Kailangan nating tanggalin ang mga posas na ito!” Inirekomenda niya rin sa mga pulis na dalhin ako sa ospital ng munisipyo para sa karagdagang pagsusuri, dahil nag-aalala siya na may sakit ako sa puso. Ayaw gumawa ng masasamang pulis ng anuman upang tulungan ako, nguni’t pagkatapos noon ay hindi na nila ako ipinosas, at alam kong ginamit ng Diyos ang doktor upang bigyan ako ng malalabasan. Noong sumunod na araw, sumulat ng isang pahayag na puno ng kalapastanganan at paninira sa Diyos ang pulis na nagtanong sa akin upang gamitin bilang verbal kong pahayag at inutusan akong pirmahan ito. Nang tumanggi akong pirmahan ang pahayag, nabuwisit siya, dinakma niya ang kamay ko at pinilit akong itatak ang fingerprint ko sa pahayag.

Noong maggagabi ng ika-9 ng Abril, sinamahan ako ng direktor ng sangay at ng dalawa pang lalaking pulis papunta sa detention center. Nang makita ng doktor sa detention center na namamaga ang buong katawan ko, at na hindi ako makalakad, na walang pakiramdam ang mga braso ko at tila mamamatay na ako, tumanggi silang tanggapin ako, takot na baka mamatay ako roon. Pagkatapos noon, nakipagtawaran ang direktor ng sangay sa gobernador ng detention center nang halos isang oras at nangako na kung may mangyayari sa akin, hindi pananagutin ang detention center, at saka lamang pumayag sa wakas ang gobernador na tanggapin ako sa pangangalaga nila.

Matapos ang mahigit sampung araw, mahigit isang dosenang masasamang pulis ang inilipat mula sa ibang presinto at pansamantalang itinalaga sa detention center upang salit-salitang tanungin ako buong araw at gabi. May mga nakatakdang limitasyon sa haba ng panahon na maaaring tanungin ang isang bilanggo, nguni’t sinabi ng mga pulis na ito ay isang malaki at mahalagang kaso na napakaseryoso, kaya hindi nila ako basta patatahimikin. Dahil takot sila na, kung tatanungin nila ako nang masyadong matagal ay baka, dahil sa mahina kong pangangatawan, magkaroon ako ng emergency na pangkalusugan, tinatapos nila ang pagtatanong nila ng bandang ala-1 ng madaling araw at ibinabalik ako sa selda ko, at ipinapatawag ako pagsikat ng araw sa susunod na umaga. Tinanong nila ako ng humigit-kumulang 18 oras bawat araw, nang tatlong sunud-sunod na araw. Subali’t, gaano man nila ako pagtatanungin, wala akong sinabi ni isang salita. Nang makita nilang hindi nagbubunga ang mararahas nilang pamamaraan, sinubukan naman nila ang mararahang pamamaraan. Nagsimula silang magpakita ng pag-aalala sa mga pinsala ko at ibibili nila ako ng gamot at papahiran ng mga ointment ang mga sugat ko. Nang naharap ako sa biglaang pagpapakita ng “kabaitan” na ito, ibinaba ko ang depensa ko, iniisip na: “Kung magsasabi ako sa kanila ng maliit na bagay lang tungkol sa iglesia, magiging maayos naman siguro….” Agad-agad, pumasok sa isip ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag guguluhin ito, pero mas lumapit sa Akin kapag sumasapit sa inyo ang mga bagay; maging mas maingat at mag-ingat sa lahat ng aspeto para maiwasang magkasala sa Aking pagkastigo, at maiwasang mahulog sa mga tusong pakana ni Satanas” (“Kabanata 95” ng Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Bigla kong napagtanto na nahulog ako sa tusong pakana ni Satanas. Hindi ba’t ang mga ito rin ang parehong mga tao na nagpapahirap sa akin noong mga nakaraang araw lang? Kaya nilang baguhin ang kanilang pag-uugali, nguni’t hindi mababago ang kanilang masamang kalikasan—ang minsang demonyo, palaging demonyo. Iminulat ako ng mga salita ng Diyos sa katunayang mga lobo lang silang nakabihis-tupa, at na palagi silang may kinikimkim na mga lihim na hangarin. Magmula noon, gaano man nila ako tuksuhin o tanungin, hindi ako nagsalita. Hindi nagtagal, ibinunyag ng Diyos ang tunay nilang kulay; mabagsik akong tinanong ng isang opisyal na tinatawag nilang Kapitan Wu: “Isa kang pinuno sa iglesia, subali’t hindi mo alam kung nasaan ang pera? Kung hindi mo sasabihin sa amin, may mga pamamaraan kami para malaman!” Isang matanda at payat na pulis ang bumulalas ng pang-aabuso, sumisigaw na, “Buwisit, pinagbigyan ka namin pero umabuso ka naman! Kung hindi ka magsasalita, ilalabas ka namin at ibibitin uli. Tingnan natin kung gusto mo pa ring maging isang Liu Hulan at magtago ng impormasyon mula sa amin pag nagkagayon! Marami akong paraan para pakitunguhan ka!” Nang lalo siyang nagsalita nang ganito, lalo akong naging determinadong magpatuloy na manahimik. Sa huli ay nainis siya at lumapit at itinulak ako, sinasabing, “Sa ganitong klase ng pag-uugali, magaan na sentensya na ang dalawampung taon!” Pagkatapos noon, pagalit siyang lumabas ng silid dahil sa pagkabigo. Pagkatapos, isang opisyal mula sa Panlalawigang Kagawaran ng Pampublikong Seguridad na namumuno sa mga bagay tungkol sa pambansang seguridad ang dumating upang tanungin ako. Marami siyang ginawang pahayag na umaatake at lumalaban sa Diyos at patuloy niyang ipinagyabang kung gaano siya kabihasa at katalino, na nagsanhi na paulanan siya ng papuri ng iba pang mga opisyal. Nang mapagmasdan ko ang mayabang at hambog niyang kapangitan, at marinig ang lahat ng kanyang mga kasinungaling bumabaluktot sa katotohanan at nagkakalat ng tsismis at ang kanyang mga huwad na paratang, nakaramdam ako ng kapwa pagkamuhi at pandidiri sa opisyal na ito. Ni hindi ko siya magawang tingnan kung kaya tumitig na lang ako sa pader na nasa harapan ko at pinabulaanan sa isip ko ang bawat isa sa mga argumento niya. Buong umaga nagtagal ang litanya niya at nang sa wakas ay natapos na siya, tinanong niya kung anong nasa isip ko. Naiinip kong sinabing, “Hindi ako nakapag-aral, kaya wala akong alam sa mga pinagsasasabi mo.” Galit niyang sinabi sa ibang mga tagapagtanong, “Wala na siyang pag-asa. Tingin ko makadiyos na siya, wala nang magagawa sa kanya!” Pagkasabi noon malungkot siyang umalis. Labis ang tuwa ko at nagpasalamat ako sa Diyos sa paggabay Niya sa akin na malampasan ang sunud-sunod na krisis.

Sa pagdurusa ko sa malupit na pag-uusig ng mga diyablo, naranasan ko kung gaano kaimpiyerno ang buhay na walang anumang karapatang pantao sa bansang ito na pinamumunuan ng masamang partido ng CCP. Para sa pamahalaang CCP, ang mga mananampalataya sa Diyos ay parang mga panusok sa mga mata nila at mga tinik sa mga tagiliran nila; ginamit nila ang lahat ng paraang alam nila upang parusahan at pahirapan ako sa pag-asang patayin ako. Subali’t, ang Diyos ang matatag kong suporta at ang kaligtasan ko; paulit-ulit Niya akong iniligtas mula sa mga panga ng kamatayan, tinutulutan akong maranasan ang tunay na pagmamahal ng Diyos at makita ang kabaitan at kabutihan ng puso ng Diyos. Nang kinaladkad ako ng masamang pulis papunta sa selda ko sa detention center at nakita kong naroon din sa seldang iyon ang aking kapatid na babae mula sa tinutuluyan kong bahay, nagbigay ng init sa puso ko ang pagkakita sa mahal kong ito sa buhay. Alam kong pagsasaayos at pag-aayos ito ng Diyos at na nagmamalasakit sa akin ang pagmamahal ng Diyos, at alam kong ginawa ito ng Diyos sapagka’t, sa panahong iyon, halos lumpo na ako—namamaga at namimintog na sa nana ang mga braso at kamay ko, wala nang pakiramdam ang mga daliri ko, na singkapal na ng longganisa at naninigas, hindi ko na halos maigalaw ang mga binti ko at nanghihina at nananakit na ang buong katawan ko. Sa loob ng anim na buwan, halos hindi na ako gumalaw mula sa kama kong bato at hindi ko na nakayanang alagaan ang sarili ko. Pagkaraan lamang ng anim na buwan saka ko medyo naigalaw ang mga kamay ko, nguni’t hindi ko pa rin nakayang humawak ng mga bagay (hanggang ngayon, kapag sinusubukan kong humawak ng pinggan gamit ang isang kamay, sumasakit, nanghihina at namamanhid ang kamay ko, at kung hindi ko gagamitin ang kabilang kamay pangsuporta, ni hindi ko makakayang itaas ang pinggan). Sa panahong iyon, inalagaan ako ng kapatid kong babae araw-araw—siya ang nagsipilyo ng mga ngipin ko para sa akin, hinilamusan niya ako, pinaliguan, sinuklay ang buhok ko at pinakain ako…. Pagkaraan ng isang buwan, pinalaya ang kapatid ko, at sinabihan akong pormal na akong naaresto. Pagkatapos palayain ang kapatid ko, nang maisip ko kung paanong hindi ko pa rin kayang alagaan ang sarili ko at wala akong ideya kung gaano katagal pa akong ikukulong, labis kong naramdaman ang kawalan ng magagawa at ang kapanglawan. Hindi ko mapigilang tumawag sa Diyos: “O Diyos, pakiramdam ko’y tila lumpo ako—paano ako makakapagpatuloy nang ganito? Nagsusumamo ako sa Iyo na pangalagaan ang puso ko, upang malampasan ko ang kalagayang ito.” Noong nasa sukdulan na ako at nakakaramdam ng labis na pagkaligaw, napakalinaw akong ginabayan ng mga salita ng Diyos mula sa loob: “Naisaalang-alang ba ninyo na isang araw ang inyong Diyos ay maglalagay sa inyo sa isang pinaka-hindi-pamilyar na lugar? Maiisip ba ninyo ang araw kung kailan maaari Kong agawin ang lahat mula sa inyo, anong mangyayari sa inyo? Ang inyo bang kalakasan sa araw na iyon ay magiging gaya ng sa ngayon? Magbabalik ba ang inyong pananampalataya?” (“Dapat Ninyong Maunawaan ang Gawain—Huwag Sumunod nang may Pagkalito!” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Ang mga salita ng Diyos ay nagmistulang isang nagniningning na ilaw na nagliliwanag sa puso ko at nagtutulot sa akin na maunawaan ang kalooban Niya. Naisip ko sa sarili ko: “Ang kapaligirang kinakaharap ko ngayon ay ang isang pinaka-hindi pamilyar sa akin. Nais ng Diyos na maranasan ko ang gawain Niya sa loob ng ganitong klase ng kapaligiran upang maperpekto ang pananampalataya ko. Bagama’t iniwan na ako ng aking kapatid, ang Diyos ay tiyak na hindi pa! Sa pag-alala sa landas na aking nilakaran, ginabayan ako ng Diyos sa bawat hakbang sa daang ito! Sa piling ng Diyos, walang kahirapang hindi malalampasan. Kasama ng Diyos, palaging may daan palabas. Gayong napakaduwag ko at walang pananampalataya, paano ko maaasahang maunawaan ang karunungan at pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos sa aking mga karanasan?” Kung kaya’t nanalangin ako sa Diyos: “Mahal kong Diyos, handa akong lubusang ilagay ang sarili ko sa mga kamay Mo at magpasakop sa mga pagsasaayos Mo. Anumang kalagayan ang kaharapin ko sa hinaharap, alam kong magbubukas Ka ng daan pasulong para sa akin. Magpapasakop ako sa Iyo at hindi na magrereklamo.” Pagkatapos kong manalangin, nakaramdam ako ng katahimikan at kahinahunan, nguni’t hindi ko pa rin alam kung ano ang plano ng Diyos sa akin o kung paano Niya ako gagabayan. Kinahapunan ng sumunod na araw, ipinasok ng bantay sa kulungan ang isang panibagong bilanggo. Nang makita niya ang kalagayan ko, nagsimula siyang alagaan ako kahit hindi ko hiniling. Dito, nakita ko ang pagkakamangha-mangha at pagkamatapat ng Diyos; hindi ako pinabayaan ng Diyos—ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa ay nasa mga kamay ng Diyos, pati na ang mga iniisip ng tao. Kung hindi dahil sa mga pagsasaayos at pag-aayos ng Diyos, bakit napakabait sa akin nitong babaeng hindi ko pa kailanman nakilala? Pagkatapos noon, lalo ko pang nasaksikan ang pagmamahal ng Diyos. Nang pinalaya ang babaeng iyon mula sa detention center, nagpadala ang Diyos ng sunud-sunod na mga babae na hindi ko pa kailanman nakilala upang alagaan ako, at ipinasa nila sa isa’t isa ang pag-aalaga sa akin na para bang nagpapasahan ng baton sa karera. Mayroon pang ilang bilanggo na nagsalin ng pera sa account ko pagkatapos silang palayain. Sa panahong ito, kahit medyo nagdusa ang katawan ko, nagawa kong maranasan nang personal ang katapatan ng pagmamahal ng Diyos sa tao. Anong klase mang sitwasyon ang kalagyan ng tao, hindi siya kailanman iniiwan ng Diyos, nguni’t sa halip ay palagi siyang tinutulungan. Basta’t hindi nawawala ang pananampalataya ng tao sa Diyos, tiyak na magagawa niyang saksihan ang mga gawa ng Diyos.

Nakulong ako nang mahigit isang taon at tatlong buwan at pagkatapos ay kinasuhan ng pamahalaang CCP ng “paggawa sa pamamagitan ng isang kulto upang hadlangan ang pagpapatupad ng batas” at nahatulan ng tatlong taon at anim na buwang pagkakakulong. Pagkatapos akong mahatulan, inilipat ako sa Panlalawigang Bilangguan ng mga Babae upang doon gugulin ang aking sentensya. Sa bilangguan, sumailalim kami sa higit pang di-makataong pagtrato. Pinilit kaming magtrabaho nang pisikal araw-araw at ang mga kinakailangan naming gawin bawat araw ay labis na higit sa makakayang tapusin ninuman. Kapag hindi namin natapos ang trabaho namin, isasailalim kami sa pisikal na parusa. Halos lahat ng perang kinita namin sa pagtratrabaho ay napunta sa bulsa ng mga bantay sa kulungan. Binigyan lang kami ng ilang yuan bawat buwan bilang allowance sa pamumuhay diumano. Ang opisyal na pahayag na ginamit ng bilanggulan ay na binibigyan nito ng reedukasyon ang mga bilanggo sa pamamagitan ng pagtratrabaho, nguni’t ang totoo, mga makinang tagagawa ng pera lang nila kami, mga di-binabayarang tagapaglingkod. Sa panlabas, ang mga patakaran ng bilangguan sa pagpapaikli ng sentensya ng mga bilanggo ay tila napakamakatao—kapag naabot nila ang ilang kondisyon, maaaring maging kwalipikado ang mga bilanggo na magkaroon ng angkop na kabawasan sa kanilang sentensya. Subali’t ang katotohanan, palabas lang ito at para lamang magandang tingnan. Ang buong katotohanan, ang kanila umanong makataong sistema ay mga hungkag na salita lamang na nasusulat. Ang mga utos lamang na personal na ibinibigay ng mga bantay ang mga totoong batas dito. Mahigpit na kinontrol ng bilangguan ang kabuuang bawas sa mga sentensya para sa buong taon upang matiyak na may sapat na kapasidad sa “trabaho” at magarantiyang hindi bababa ang kita ng mga bantay ng bilangguan. Ang “listahan ng bawas sa sentensya” ay isang pamamaraang ginamit ng bilangguan upang pataasin ang pagiging produktibo sa trabaho. Sa daan-daang bilanggo sa kulungan, mga sampu lamang ang makakasama sa “listahan ng bawas sa sentensya” kung kaya magpapakahirap magtrabaho ang mga tao at makikisali sa mga intriga laban sa isa’t isa upang makasama sa listahan. Subali’t, ang karamihan sa mga bilanggong makakasama sa listahan ay yaong may mga koneksyon sa pulis na hindi nga kinailangang magtrabaho nang pisikal mula’t mula. Walang ibang magagawa ang mga bilanggo kundi sarilinin ang mga hinanakit nila tungkol dito. Nagpakamatay ang iba bilang protesta, nguni’t pagkatapos, gagawa lamang ang bilangguan ng kung anong kuwento upang mapanatag ang mga pamilya ng mga biktima, kung kaya’t nasayang lang ang kanilang pagkamatay. Sa bilangguan, hindi kami kailanman itinuring ng mga bantay na parang mga tao; kung nais naming kausapin sila, kailangan naming mag-squat sa sahig at tingalain sila, at kung may anumang hindi sila magustuhan, pagagalitan nila kami at iinsultuhin sa pamamagitan ng mahahalay na gawi. Kapag may matataas na opisyal na dumarating upang mag-inspeksyon, kailangan naming makiayon sa mga pagpapanggap nila, dahil tinatakot nila kami sa simula pa lang, at sabihin ang magagandang bagay tungkol sa bilangguan, gaya ng: “Masasarap ang pagkain namin, palaging nagpapakita ng malasakit sa amin ang mga bantay, hindi kami nagtratrabaho ng higit sa walong oras bawat araw at madalas kaming binibigyan ng libangan….” Sa mga ganitong panahon, labis akong nagagalit kung kaya’t nanginginig ang buong katawan ko. Napakamapagpaimbabaw ng mga demonyong ito: Malinaw na sila ay walang iba kundi mga aswang na kumakain ng tao, subali’t pinilit nilang magpanggap na sila ang pinakamababait at pinakamaaawain na tao. Gaano kasama, kasuklam-suklam at kawalanghiya! Nang sa wakas ay natapos na ang tatlo’t kalahating taong sentensya ko at nakauwi na ako, hindi naitago ng pamilya ko ang dalamhati nila nang makita nila akong mukhang taong kalansay, na napakahina at pagod na halos hindi na ako makilala, at pumatak ang maraming luha. Subali’t, puno ng pagpapasalamat sa Diyos ang mga puso namin. Nagpasalamat kami sa Diyos na buhay pa ako at na pinangalagaan Niya ako kung kaya’t nakalabas ako nang buo mula sa impiyernong iyon sa lupa.

Pagkauwi ko lang sa bahay saka ko nalaman na habang nakakulong ako, dalawang beses na pumunta ang masasamang pulis at walang habas na hinalungkat at hinalughog ang bahay. Umalis sa bahay nila ang mga magulang ko, na kapwa nananampalataya sa Diyos, at halos dalawang taon silang namuhay nang patago-tago upang maiwasang mahuli ng pamahalaan. Nang sa wakas ay umuwi na sila, ang masasamang damo sa bakuran ay lumaki na na singtaas ng mismong bahay, gumuho na ang ilang bahagi ng bubong at napakagulo na ng buong lugar. Nag-ikot din sa nayon namin ang mga pulis at nagkalat ng mga kasinungalingan tungkol sa amin: Sinabi nilang mayroon akong niloko at tinangayan ng perang nagkakahalaga ng mula isang milyon hanggang lagpas isandaang milyong RMB (mga 150,000-15,000,000 USD) at na may niloko ang mga magulang ko at tinangayan ng ilang daang libong RMB upang mapaaral ang nakakabata kong kapatid na lalaki sa kolehiyo. Mga napatunayang propesyonal na sinungaling ang pangkat na ito ng mga demonyo, ang pinakamagagaling sa lahat! Sa katunayan, dahil tumakas mula sa bahay ang mga magulang ko, kinailangan ng nakababata kong kapatid na gumamit ng pera mula sa scholarship at mga utang upang makabayad siya ng matrikula at makapagtapos ng kolehiyo. Bukod pa roon, noong umalis siya ng bahay upang magtrabaho, kinailangan niya munang mag-ipon nang paunti-unti para sa mga gastos sa pagbyahe sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga pananim na inalagaan ng pamilya namin at pamimitas ng mga hawthorn berry para ibenta. Nguni’t walang hiyang kumilos ang mga diyablong iyon, isinangkot ang pamilya ko gamit ang mga maling paratang, na ang mga tsismis ay umiikot pa rin hanggang sa araw na ito. Kahit ngayon, tinatanggihan pa rin ako ng nayon ko dahil sa reputasyon ko bilang isang nakulong na politikal na maysala at manloloko. Ang pangkat na ito ng mga demonyo na pumapatay nang walang kakurap-kurap, ang malademonyong pamahalaang ito na nagpapakita ng katiting na pagpapahalaga sa buhay ng tao, ang mga kampong ito ni Satanas na gumagawa ng mga maling paratang at humuhubog ng pananaw ng publiko—kinamumuhian ko silang lahat! Kahit na mali kaming pinararatangan, sinisiraan at inuusig ng diyablo, tinulutan lang ako nito na makita nang mas malinaw ang masamang kalikasan ng pamahalaang CCP na lumalaban sa Diyos, tampalasan at sumasalungat sa langit at ang kasuklam-suklam na tunay nitong mukha. Lalo ako nitong binigyan-kakayahan na maranasan ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Habang lalo kaming inuusig ng diyablo, mas napapalakas ang aming determinasyong sumunod sa Makapangyarihang Diyos hanggang sa pinakahuli. Kung hindi ko naranasang mapasailalim sa malupit na pag-uusig sa mga kamay ng mga demonyong iyon, sinong nakakaalam kung kailan magigising ang espiritu ko o kung kailan ko tunay na kamumuhian si Satanas at ganap na tatalikuran ito. Kung aalalahanin ang mga taon kong ginugol sa pagsunod sa Diyos, sa teoretikal na antas ko lang natanggap ang mga salita ng Diyos na nagbubunyag sa malademonyong kalikasan at diwa ng pamahalaang CCP, nguni’t hindi ko talaga kailanman nauunawaan ang mga ito. Sapagka’t, mula sa murang edad, nakintal sa isip ko ang mga doktrina ng “makabayang edukasyon,” na kinondisyon ako at sistematiko akong nilinlang na mag-isip sa isang tiyak na paraan, naisip ko pang pagmamalabis ang mga salita ng Diyos—sadyang hindi ko magawang talikuran ang pag-idolo ko sa bansa namin, sa pag-iisip na laging tama ang Partido Komunista, na ipinagtatanggol ng hukbo ang aming sariling bayan, at na pinaparusahan at pinupuksa ng kapulisan ang masasamang elemento sa lipunan at pinangangalagaan nila ang kapakanan ng publiko. Tanging sa pagdanas ng pag-uusig sa kamay ng mga demonyong ito saka ko nakita ang tunay na mukha ng pamahalaang CCP; labis na mapanlinlang at mapagpaimbabaw ito at naloko nang maraming taon ng mga kasinungalingan nito ang bayan ng Tsina at ang buong mundo. Paulit-ulit nitong ipinapahayag na pinagtitibay nito ang “kalayaan sa pananampalataya at mga legal na karapatang demokratiko,” nguni’t ang totoo ay walang habas nitong inuusig ang relihiyosong paniniwala. Ang tanging pinagtitibay nito ay ang sarili nitong paniniil, sapilitang pagkontrol at despotismo. Sa Tsina, kailangang maging napakaingat ng mga nananampalataya sa tunay na Diyos, at kapag ibinaba nila ang depensa nila kahit kaunti, malamang makukulong sila. Bilang resulta, upang maiwasang mahuli at maaresto ng mga pulis, kailangan naming gugulin ang lahat ng oras namin sa pagtatago o pagtakas at hindi kami maaaring manatili sa isang lugar nang masyadong matagal. Kahit na nakikinig lang kami sa mga himno sa mga bahay namin ay kailangan naming hinaan lamang. Ganoon din kapag nagbabahagi kami ng salita ng Diyos sa aming mga kapamilya, kailangan naming hinaan ang boses namin, at kapag nagbabasa kami ng salita ng Diyos kailangan muna naming ikandado ang mga pinto namin, sa takot na baka nagbabantay at nakikinig sa amin ang mga pulis at, anumang oras, ay bigla na lang pumasok sa pinto. Bukod pa riyan, sa mga bilangguan sa Tsina, kapag mas nananampalataya ang isang tao sa Diyos, mas malamang silang usigin, apihin at tanggihan. Sa kabaligtaran, madalas na may mga espesyal na kaugnayan sa mga pulis ang mga sindikato, mamamatay-tao, magnanakaw at dispalkador, at kumikilos ang mga ito bilang kanilang mga bayarang mamamatay-tao at mga punong bilanggo. Matagal nang nalantad ng mga katunayang ito na ang Tsina ay isang bansang humahanga at tumutulong sa kasamaan habang inaatake at hinahadlangan ang katarungan. Mas masama ang isang tao, mas malamang na makuha nila ang mga papuri ng pamahalaang CCP, samantalang mas mabuti ang moralidad ng isang tao at mas naglalakad sila sa tamang landas, mas pipigilan at uusigin sila ng CCP. Nang dumating ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain at iligtas ang sangkatauhan, tiyak na hindi kuntento si Satanas na hayaan kaming sumunod sa Diyos at maglakad sa tamang landas, kaya ginamit nito ang lahat ng maaaring paraan upang hadlangan at usigin ako. Kahit labis na napinsala ang aking laman sa pagdanas ng malupit nitong pag-uusig, nauunawaan kong nararapat kong tiisin ang pagdurusang ito, sapagka’t isa akong anak ni Satanas, dumadaloy sa mga ugat ko ang marami nitong lason, at nasa ilalim ako sa panlilinlang at pagpaparusa nito mula’t sapul. Dahil nga hindi ko nagawang makilala ang diwa at mga tusong pakana ni Satanas kung kaya’t hinayaan ito ng Diyos na usigin ako, sa gayon ay tinutulutan akong maunawaan, sa pamamagitan ng aking pagdurusa, kung tungkol ba talaga saan ang pamahalaang Tsinong ito na palagi ko noong iniisip na “tagapagligtas” ko. Tinulutan ako nito na makita ang napakasama, kasuklam-suklam at tiwaling natatagong kuwento sa likod ng mga pahayag nito na “kadakilaan, kaluwalhatian at pagkamatuwid.” Kasabay nito, tinulutan ako nitong maunaawaan ang laki ng nakapagliligtas na biyaya ng Diyos, na siyang gumanyak sa akin na masigasig na hanapin ang katotohanan, lubusang itakwil si Satanas at ibaling ang puso ko sa Diyos.

Sa pinakamahirap at pinakamasakit na panahong iyon sa buhay ko, lagi kong kapiling ang pagmamahal ng Diyos, kahit noong mahina ako at nasasaktan. Noong nanghihina ako, niliwanagan ako ng mga salita ng Diyos at binigyan ako ng mga ito ng pananampalataya at lakas, tinutulutan akong makakawala mula sa mga pagpipigil ng kadiliman at kamatayan. Nang gumawa ng mga tusong pakana si Satanas, ginising ako ng mga napapanahong babala ng Diyos mula sa aking pagkalito, tinutulutan akong makita ang mga pakana at plano ni Satanas, upang magawa kong tumayong saksi sa Diyos. Noong malupit akong pinapahirapan ng mga demonyong iyon hanggang sa puntong hiniling ko nang mamatay, ang mga mapaghimalang pagsasaayos ng Diyos ang nagbukas ng daan palabas para sa akin, na pinagmukha akong tila malapit nang mamatay at, dahil dito, nagsanhi sa mga demonyo na itigil na ang paggawa ng karahasan sa akin. Noong nagdurusa ako, walang magawa at hindi kayang alagaan ang aking sarili, sunud-sunod na nagpadala ang Diyos ng mga bilanggong mahihikayat na tulungan ako sa mga pangangailangan ko araw-araw sa loob ng anim na buwan, na tila ba ipinapasa sa isa’t isa ang baton sa karera, na pagkatapos noon ay bahagya nang nanumbalik ang pakiramdam sa mga kamay ko at kinaya ko nang gumawa ng magaan na trabaho. Binigyan ako ng kakaibang karanasang ito ng malalim na pagkadama ng pagmamahal at kabaitan ng Diyos at tinulutan ako nitong malinaw na makita ang diwa ni Satanas bilang kaaway ng Diyos. Sa tulong ng mga karanasang ito, naibigay sa akin ng Diyos ang pinakamahalagang kayamanan sa buhay, sa gayo’y pinalalakas ang kapasyahan kong iukol ang buhay ko sa pagtalikod kay Satanas at pagsunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli. Gaya nga ng sinasabi ng salita ng Makapangyarihang Diyos: “Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang mga pagsisikap, binayaran ang bawat halaga, para dito, upang basagin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at hayaan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na tumayo mula sa kanilang sakit at talikuran itong masamang matandang diyablo” (“Gawain at Pagpasok (8)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nagbalik na ako ngayon sa iglesia at muling sumali sa hanay ng mga gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Ginagampanan ko ang tungkulin ko sa pamamagitan ng pangangaral at pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, humihiling lamang na mas marami pang tao ang makatakas mula sa pagpapahirap ni Satanas at makatanggap ng walang-hanggang pagliligtas ng Diyos.

Kaugnay na Content