Kabanata 19

Kabanata 19

Ito ang obligasyon ng sangkatauhan na kunin ang mga salita Ko bilang ang batayan ng kanyang pananatiling buhay. Dapat itatag ng tao ang indibidwal niyang kabahagi sa bawat isang bahagi ng mga salita Ko; ang hindi paggawa nito ay paghingi ng suliranin, paghahanap ng sarili niyang pagkawasak. Hindi Ako kilala ng sangkatauhan, at dahil dito, sa halip na dalhin niya ang kanyang buhay sa Akin upang ihandog bilang kapalit, ang tanging ginagawa niya ay pumarada sa harapan Ko na mayroong basura sa kanyang mga kamay, sinusubukang sa pamamagitan niyaon ay bigyan Ako ng kasiyahan. Ngunit, malayo sa pagkakaroon ng kasiyahan sa mga bagay na tulad ng mga ito, patuloy Ako sa paghingi sa sangkatauhan. Gusto Ko ang handog ng tao, nguni’t kinapopootan Ko ang kaniyang mga panghuhuthot. Ang puso ng lahat ng tao ay puno ng kasakiman; parang inalipin ng diyablo ang puso ng tao, at hindi nakakalaya ng tao na makawala at maihandog ang kanyang puso sa Akin. Kapag nagsasalita Ako, nakikinig ang tao sa Aking tinig nang may pamimitagan; nguni’t kapag tumigil Ako sa pagsasalita, nagsisimula siyang muli sa sarili niyang “pakikipagsapalaran” at ganap na humihinto sa pag-intindi sa mga salita Ko, na parang pandagdag lamang ang mga salita Ko sa kanyang pakikipagsapalaran. Kailanman hindi ako naging maluwag sa sangkatauhan, at gayunman naging lubhang-matiisin din ako at may magandang kalooban sa sangkatauhan. At sa gayon, dahil sa Aking pagiging mapagpahinuhod, naging napakahambog ang mga tao, walang kakayahang kilalanin ang sarili at magmuni-muni, at sinasamantala nila ang Aking pagkamatiisin upang linlangin Ako. Walang kahit isa sa kanila ang taos-pusong nagmamalasakit sa Akin, at wala ni isa man ang tunay na nagpapahalaga sa Akin bilang isang bagay na sinisinta ng kanyang puso; ibinibigay lamang nila sa Akin ang pilit nilang pagpansin tuwing wala silang ginagawa. Ang pagsisikap na nagugol Ko na sa tao ay wala nang kapantay. Nagawa Ko na sa tao ang kauna-unahang uri ng gawain, at bukod dito, naibigay Ko sa kanya ang isang karagdagang pasanin, upang sa ganoon, mula sa kung ano ang mayroon Ako at kung ano Ako, maaaring matuto ang tao at magbago. Hindi Ko hinihingi na maging isang “tagagamit” lamang ang tao, nguni’t hinihingi sa kanya na maging “tagagawa” na may kakayahang talunin si Satanas. Kahit na maaaring wala akong hinihinging kahit ano sa tao, gayunman may mga pamantayan Ako para sa mga kahilingan Ko, sapagka’t may layunin Ako sa ginagawa Ko, at may mga prinsipyong alinsunod sa hakbang Ko: Hindi Ako, gaya ng naguguni-guni ng mga tao, padaskul-daskol na naglalaro, at hindi Ko rin, sa sinasadyang pagbabagu-bago, nilikha ang mga kalangitan at lupa at ang napakaraming bagay na nilikha. Sa Aking paggawa, dapat may bagay na makikita ang tao, bagay na matatamo. Hindi niya dapat aksayahin ang tagsibol na kapanahunan ng kanyang kabataan, o tratuhin ang sarili niyang buhay na parang kasuotang basta hinayaang mapuno ng alikabok; sa halip, dapat bantayan niya nang mahigpit ang kanyang sarili, kumukuha mula sa Aking pagpapala upang matustusan ang sarili niyang kasiyahan, hanggang, para sa Aking kapakanan, hindi na siya makababalik tungo kay Satanas, at para sa Aking kapakanan naglulunsad siya ng isang pag-atake laban kay Satanas. Hindi ba napakadaling gaya nito ang hinihiling Ko sa tao?

Kapag nag-umpisang lumitaw ang banaag ng liwanag sa Silangan, sa panahong iyan itutuon ng lahat ng tao sa sansinukob ang kanilang pansin sa nabanggit na pangyayari tungo sa liwanag sa Silangan. Sa pagkakahimasmas mula sa pagkaidlip, pinagmamasdan ng sangkatauhan ang pinagmumulan ng liwanag sa silangan, nguni’t dahil sa mga limitasyon ng kapangyarihan ng tao, walang sinuman ang makakakita sa lugar na pinagmumulan ng liwanag. Kapag ganap na paliwanagin ang lahat ng nasa sansinukob, babangon ang tao mula sa pagtulog at pananaginip, at doon lamang niya mapapagtanto na unti-unti nang dumarating sa sanglibutan ang Aking araw. Nagdiriwang ang buong sangkatauhan dahil sa pagdating ng liwanag, at dahil dito hindi na siya nananatiling tulog, at hindi na nagiging walang-saysay. Sa ilalim ng kaningningan ng Aking liwanag, nagiging malinaw ang isip at pananaw ng buong sangkatauhan, at kaagad na mapupukaw sa kagalakan ng pamumuhay. Sa likod ng makapal na ulap, sinusubaybayan Ko ang sangkatauhan. Namamahinga ang lahat ng hayop; dahil sa pagdating ng banaag ng liwanag, namamalayan ng lahat ng nilikha na papalapit ang isang bagong buhay. Dahil dito, gumagapang din palabas ang mga hayop mula sa kanilang mga yungib, naghahanap ng pagkain. Siyempre, hindi rin naiiba ang mga halaman, at sa kaningningan ng liwanag kumikinang na maningning ang berde nilang mga dahon, naghihintay upang ialay sa Akin ang indibidwal nilang bahagi sa panahong nasa lupa Ako. Hinahangad ng lahat ng tao ang pagdating ng liwanag, ngunit takot silang lahat sa pagdating nito, nababahalang hindi na maitatago ang kanilang sariling kapangitan, dahil ganap na hubad ang tao, at walang panakip. Gaano karaming tao ang nabalot na ng matinding takot dahil sa pagdating ng liwanag at nagulantang dahil sa paglitaw ng liwanag? Sa pagkakita sa liwanag, ilang tao ang napupuno ng walang-hanggang pangingipuspos, kinasusuklaman ang sarili nilang karumihan, nguni’t, walang kapangyarihan upang baguhin ang natapos na katotohanan, kundi maghihintay lamang sa Akin upang ipahayag ang kaparusahan. Ilang tao, na pinino ng pagdurusa sa kadiliman, sa pagkakita sa liwanag ay dagling nagugulantang sa malalim na kahulugan nito, at sa gayon ay niyayakap nila ang liwanag nang mahigpit, sa takot na mawala itong muli? Gaano karaming tao, ang sa halip na magulat sa biglaang paglitaw ng liwanag, ay nagpapatuloy lamang sa pang-araw-araw na gawain, sapagka’t sila’y nabulag na sa loob ng mahabang panahon, kaya hindi nila napapansin na dumating na ang liwanag, at hindi rin sila nasiyahan dito. Sa puso ng mga tao, wala Ako sa itaas, o sa ibaba. Para sa mga tao, hindi mahalaga kung totoo man Ako o hindi, na parang walang ikalulungkot ang buhay ng tao kung wala Ako, at kung totoo man Ako, wala silang matatamong kasiyahan. Dahil hindi Ako pinahahalagahan ng mga tao, iilan lamang ang mga kasiyahang naipagkakaloob Ko sa kanila. Nguni’t sa sandaling binibigyan Ako ng sangkatauhan ng kahit katiting na pagsamba, kung gayon babaguhin Ko rin ang Aking pakikitungo sa kanila. Sa kadahilanang ito, magiging ganap lamang na mapalad ang mga tao na ialay ang kanilang mga sarili sa Akin at hingin ang mga bagay na nasa Aking kamay kapag natatarok na nila ang batas na ito. Tiyak ba na hindi lamang ang sariling mga kapakanan ng tao ang layunin ng pag-ibig niya sa Akin? Tiyak ba na hindi lamang sa mga bagay na Aking ibinibigay nakabatay ang kanyang pananampalataya sa Akin? Maaari kayang, maliban kung makikita niya ang Aking liwanag, hindi Ako kayang mahalin ng tao nang taos sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya? Tiyak ba na ang kalakasan at sigla ng tao ay hindi tunay na para lamang sa mga kundisyon ng kasalukuyan? Maaari kayang kailangan ng tao ang tapang upang mahalin Ako?

Sa pananalig sa Aking pag-iral, masunuring nagpapasakop ang napakaraming bagay na nilikha sa mga lugar na kinaroroonan nila, at sa kawalan ng Aking pagdisiplina, hindi sila nagpapasasa sa kalayaang mapabayaan. Samakatuwid, nagiging mga hangganan ang mga bundok sa pagitan ng mga bansa sa lupain, nagiging mga harang ang mga tubig upang panatilihing hiwalay ang mga tao sa pagitan ng mga lupain, at ang hangin ay nagiging siyang bagay na dumadaloy sa pagitan ng mga tao sa kalawakan sa lupa. Tanging ang sangkatauhan ang walang kakayahang tunay na sumunod sa mga hinihiling ng Aking kalooban; ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na, sa lahat ng nilalang tanging ang tao lamang ang nabibilang sa kategorya ng mga suwail. Hindi kailanman ganap na nagpasakop na ang tao sa Akin, at sa kadahilanang ito napanatili Ko na siya sa ilalim ng mahigpit na pagdisiplina. Kung sa kalagitnaan ng sangkatauhan, mangyayari na lalawig ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob, kung gayon nakatitiyak na Aking kukunin ang lahat ng Aking kaluwalhatian at ihahayag ito sa harap ng sangkatauhan. Sapagka’t sa karumihan ng tao hindi siya karapat-dapat na tumingin sa Aking kaluwalhatian, sa loob ng libu-libong taon hindi Ako nagpakita kailanman, nguni’t nanatili Akong nakatago; sa kadahilanang ito hindi kailanman naihayag na sa sangkatauhan ang Aking kaluwalhatian, at laging nakalublob na ang tao sa malalim na bangin ng kasalanan. Pinatawad Ko na ang hindi-pagkamakatuwiran ng sangkatauhan, nguni’t hindi alam ng mga tao kung paano pangalagaan ang kanilang mga sarili, at sa halip ay lagi nilang ibinubukas ang kanilang mga sarili sa kasalanan, pinahihintulutan nilang sirain sila ng kasalanan. Hindi ba kakulangan ito ng tao sa paggalang at pagmamahal sa sarili? Sa kalagitnaan ng sangkatauhan, mayroon bang isa na tunay na makaiibig? Ilang onsa ba ang maaaring timbang ng katapatan ng tao? Hindi ba’t may hindi-purong mga bagay na nakahalo sa mga tinatawag niyang tunay? Hindi ba’t ang kanyang katapatan ay ganap na napalobo ng labu-labong kalituhan? Ang kinakailangan Ko ay ang hindi-nahahating pagmamahal ng tao. Hindi Ako kilala ng tao, at bagaman sinusubukan niya Akong makilala, hindi niya ibibigay sa Akin ang tunay at masigasig niyang puso. Mula sa tao hindi Ko sinisingil kung ano ang ayaw niyang ibigay. Kung ibinibigay niya sa Akin ang kanyang katapatan, tatanggapin Ko ito nang walang malumanay na pagtutol; nguni’t kung hindi niya Ako pinagkakatiwalaan, at umaayaw siyang ihandog ang kahit katiting ng sarili niya sa Akin, sa halip na lalo pang mayayamot dahil diyan, pasimpleng itataboy Ko na lamang siya sa ibang paraan at ipadadala siya sa lugar na kinababagayan niya. Ang tao ay pinababagsak ng dumadagundong na kulog sa kalangitan; tinatabunan siya sa pagbagsak ng mga matataas na bundok; kinakain siya ng mga gutom na mababangis na hayop; at nilulunod siya ng dumadaluyong na mga karagatan. Sa pakikibahagi ng sangkatauhan sa gusot ng pagpapatayan ng mga magkakapatid, hahanapin ng lahat ng tao ang kanilang sariling pagkawasak sa mga kalamidad na lumilitaw sa kalagitnaan ng sangkatauhan.

Lumalawak ang kaharian sa kalagitnaan ng sangkatauhan, nabubuo ito sa kalagitnaan ng sangkatauhan, ito ay tumatayo sa kalagitnaan ng sangkatauhan; walang puwersa ang maaaring magwasak sa Aking kaharian. Sa Aking bayan na nasa kaharian ng kasalukuyan, sino sa inyo ang hindi tao na nakahalubilo sa mga tao? Sino sa inyo ang namamalagi sa labas ng kalagayan ng tao? Kapag inihahayag sa sangkaramihan ang tanda ng bago Kong panimula, ano kaya ang reaksyon ng sangkatauhan? Nakita na ninyo mismo sa inyong sariling mga mata ang kalagayan ng sangkatauhan; tiyak na hindi na kayo umaasa pa na magpakailanmang magtitiis sa mundong ito? Ako ngayon ay naglalakad sa kalagitnaan ng Aking bayan, naninirahan Ako sa kalagitnaan ng Aking bayan. Ngayon, yaong may tunay na pag-ibig sa Akin, ang mga taong gaya nito ay mapalad; mapalad yaong mga nagpapasakop sa Akin, sila ay tiyak na mananatili sa Aking kaharian; mapalad yaong mga nakakakilala sa Akin, sila ay tiyak na hahawak ng kapangyarihan sa Aking kaharian; mapalad yaong mga naghahangad sa Akin, tiyak na makaliligtas sila mula sa mga gapos ni Satanas at matatamasa nila ang pagpapala sa Akin; mapalad yaong mga kayang talikuran ang kanilang mga sarili, tiyak na papasok sila sa kung anong mayroon Ako, at mamanahin ang gantimpala ng Aking kaharian. Aalalahanin Ko yaong mga nagsusumikap para sa Aking kapakanan, yayakapin Ko nang may kagalakan yaong mga gumugugol para sa Aking kapakanan, bibigyan Ko ng mga kasiyahan yaong mga naghahandog sa Akin. Pagpapalain Ko yaong mga nasisiyahan sa Aking mga salita; tiyak na sila ang magiging haligi na magtataas ng tukod sa Aking kaharian, tiyak na magkakaroon sila ng walang-kapantay na gantimpala sa Aking bahay, at walang makakahambing sa kanila. Natanggap na ba ninyo ang mga pagpapalang ibinigay sa inyo? Nahanap na ba ninyo ang mga ipinangako sa inyo? Sa ilalim ng paggabay ng Aking liwanag, tiyak na makakawala kayo mula sa pagkasakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, tiyak na hindi ninyo maiwawala ang ilaw na gumagabay sa inyo. Tiyak na kayo ang magiging panginoon ng lahat ng nilalang. Tiyak na kayo ay magiging mananagumpay sa harap ni Satanas. Sa pagbagsak ng kaharian ng malaking pulang dragon, tiyak na tatayo kayo sa kalagitnaan ng napakaraming tao upang sumaksi sa Aking tagumpay. Tiyak na magiging matatag at matibay kayo sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang pagpapalang nagmumula sa Akin, at tiyak na sisinagan ng Aking kaluwalhatian ang loob ng buong sansinukob.

Marso 19, 1992

Kabanata 19