Nabawi ng Sangkatauhan ang Kabanalang Dati Nilang Tinaglay

Sa isang paghaginit ng kidlat, nabubunyag ang tunay na anyo ng bawat hayop. Gayundin naman, natatanglawan ng liwanag ng Diyos, nabawi na ng tao ang kabanalang minsan niyang tinaglay. Ah, tiwaling mundo noong araw! Sa wakas, nabuwal na ito tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, naglaho sa putikan! Ah, buong sangkatauhan, na sariling likha ng Diyos! Sa wakas ay muli silang nabuhay sa liwanag, natagpuan nila ang pundasyon para sa pag-iral, at tumigil sa pakikibaka sa putikan! Ah, ang napakaraming bagay na nilikha sa mga kamay ng Diyos! Paanong hindi sila mapaninibago sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos? Paanong hindi nila magagampanan, sa liwanag, ang kanilang mga tungkulin? Hindi na tahimik at walang ingay na parang libingan ang mundo, hindi na mapanglaw at malungkot ang langit. Ang langit at lupa, na wala nang puwang sa pagitan, ay nagkaisa na, at hindi na kailanman muling paghihiwalayin pa.

Sa masayang pagkakataong ito, sa sandaling ito ng malaking katuwaan, ang pagkamatuwid ng Diyos at ang kabanalan ng Diyos ay umabot na sa buong sansinukob, at walang humpay na pinupuri iyon ng buong sangkatauhan. Nagtatawanan sa galak ang mga lungsod ng langit, at nagsasayawan sa galak ang mga kaharian ng lupa. Sa pagkakataong ito, sino ang hindi nagagalak, at sino ang hindi nananangis? Ang mundo sa una nitong kalagayan ay pag-aari ng langit, at ang langit ay kaugnay ng lupa. Ang tao ang tali na nag-uugnay sa langit at lupa, at dahil sa kabanalan ng tao, dahil sa pagpapanibago ng tao, hindi na nakatago ang langit mula sa lupa, at hindi na tahimik ang lupa ukol sa langit. Ang mukha ng sangkatauhan ay puno ng mga ngiti ng kasiyahan, at may nakatago sa lahat ng puso nila na isang tamis na walang hangganan. Hindi nakikipag-away ang tao sa tao, ni hindi sinasaktan ng mga tao ang isa’t isa. Mayroon ba, sa liwanag ng Diyos, na hindi namumuhay nang matiwasay sa piling ng iba? Mayroon ba, sa panahon ng Diyos, na nagbibigay ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos?

Mapitagang nakatingin sa Diyos ang lahat ng tao, at sa puso nila, lihim silang nananawagan sa Kanya. Nasiyasat na ng Diyos ang bawat kilos ng sangkatauhan: Sa mga taong nalinis na, walang sumusuway sa Diyos, walang humuhusga sa Kanya. Buong sangkatauhan ay puno ng disposisyon ng Diyos. Lahat ng tao ay nakikilala ang Diyos, mas lumalapit sa Kanya, at sinasamba Siya. Naninindigan ang Diyos sa espiritu ng tao, dinadakila Siya sa pinakamataas na tugatog sa mga mata ng tao, at dumadaloy sa dugo sa mga ugat ng tao. Ang masayang pagbubunyi sa puso ng tao ay pinupuno ang bawat lugar sa balat ng lupa, masigla at sariwa ang hangin, hindi na tinatakluban ng makakapal na hamog ang lupa, at maningning ang sikat ng araw.

Hango sa “Kabanata 18” ng Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.
Makipag-ugnayan sa Amin
Kontakin Kami Gamit ang Messenger