1. Ano ang pagkilala sa Diyos at ano ang kahalagahan ng pagkilala sa Diyos

1. Ano ang pagkilala sa Diyos at ano ang kahalagahan ng pagkilala sa Diyos

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang maniwala sa Diyos at makilala ang Diyos ay itinatalaga ng Langit at kinikilala ng mundo, at ngayon—sa isang kapanahunan kung kailan personal na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain—ay isang napakagandang pagkakataon para makilala ang Diyos. Ang pagpapalugod sa Diyos ay isang bagay na nakakamit sa pamamagitan ng pagbubuo ng pundasyon ng pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at upang maunawaan ang kalooban ng Diyos, kailangang magkaroon ng kaunting kaalaman tungkol sa Diyos. Ang kaalamang ito tungkol sa Diyos ang pangitain na kailangang taglayin ng isang naniniwala sa Diyos; ito ang batayan ng paniniwala ng tao sa Diyos. Kapag wala ang kaalamang ito, malabo ang pag-iral ng paniniwala ng tao sa Diyos, sa gitna ng hungkag na teorya. Kahit matibay ang pagpapasiya ng mga taong tulad nito na sundin ang Diyos, wala silang mapapala. Ang mga walang napapala sa daloy na ito ang mga aalisin—silang lahat ay mga mapagsamantala. Alinmang hakbang ng gawain ng Diyos ang iyong maranasan, dapat kang samahan ng isang makapangyarihang pangitain. Kung hindi, mahihirapan kang tanggapin ang bawat hakbang ng bagong gawain, dahil hindi kayang isipin ng tao ang bagong gawain ng Diyos, at lampas ito sa mga hangganan ng kanyang pagkaintindi. Kaya, kung walang pastol na mag-aalaga sa tao, kung walang pastol na magbabahagi tungkol sa mga pangitain, walang kakayahan ang tao na tanggapin ang bagong gawaing ito. Kung hindi makatanggap ng mga pangitain ang tao, hindi niya matatanggap ang bagong gawain ng Diyos, at kung hindi masunod ng tao ang bagong gawain ng Diyos, hindi mauunawaan ng tao ang kalooban ng Diyos, kaya nga ang kanyang pagkakilala sa Diyos ay mawawalan ng halaga. Bago isakatuparan ng tao ang salita ng Diyos, kailangan niyang malaman ang salita ng Diyos; ibig sabihin, kailangan niyang maunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang maisasakatuparan ang salita ng Diyos nang tumpak at alinsunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang bagay na kailangang taglayin ng lahat ng naghahanap sa katotohanan, at ito rin ang prosesong kailangang pagdaanan ng lahat ng nagsisikap na makilala ang Diyos. Ang proseso ng pag-alam sa salita ng Diyos ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos at pag-alam sa gawain ng Diyos. Kaya, ang pag-alam sa mga pangitain ay hindi lamang tumutukoy sa pagkilala sa pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi kabilang din ang pag-alam sa salita at gawain ng Diyos. Mula sa salita ng Diyos nauunawaan ng mga tao ang kalooban ng Diyos, at mula sa gawain ng Diyos nalalaman nila ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang Diyos. Paniniwala sa Diyos ang unang hakbang sa pagkilala sa Diyos. Ang proseso ng pagsulong mula sa paunang paniniwalang ito sa Diyos tungo sa pinakamalalim na paniniwala sa Kanya ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos, ang proseso ng pagdanas ng gawain ng Diyos. Kung naniniwala ka lamang sa Diyos para maniwala sa Diyos, at hindi para makilala Siya, walang realidad sa iyong pananampalataya, at hindi maaaring maging dalisay ang iyong pananampalataya—walang duda ito. Kung, sa proseso kung saan nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, unti-unti niyang nakikilala ang Diyos, unti-unting magbabago ang kanyang disposisyon, at lalong magiging totoo ang kanyang paniniwala. Sa ganitong paraan, kapag nagtatagumpay ang tao sa kanyang paniniwala sa Diyos, ganap na niyang nakamit ang Diyos. Kaya ginagawa ng Diyos ang lahat para maging tao sa ikalawang pagkakataon upang personal na gawin ang Kanyang gawain ay upang makilala at makita Siya ng tao. Pagkilala sa Diyos[a] ang huling epektong makakamtan sa katapusan ng gawain ng Diyos; ito ang huling kinakailangan ng Diyos sa sangkatauhan. Ginagawa Niya ito alang-alang sa Kanyang huling patotoo; ginagawa Niya ang gawaing ito upang sa wakas ay ganap na bumaling ang tao sa Kanya. Mamahalin lamang ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos, at para mahalin ang Diyos kailangan niyang makilala ang Diyos. Paano man siya naghahangad, o ano man ang kanyang hangad na matamo, kailangan niyang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos. Sa paraang ito lamang mapapalugod ng tao ang puso ng Diyos. Sa pagkilala lamang sa Diyos magkakaroon ang tao ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at sa pagkilala lamang sa Diyos siya tunay na maaaring magpitagan at sumunod sa Diyos. Ang mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi kailanman tunay na makakasunod at magpipitagan sa Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay kinabibilangan ng pag-alam sa Kanyang disposisyon, pag-unawa sa Kanyang kalooban, at pag-alam kung ano Siya. Subalit alinmang aspeto ang mapag-alaman ng isang tao, kinakailangan sa bawat isa na magsakripisyo at maging handang sumunod ang tao, kung hindi ay walang sinumang patuloy na makakasunod hanggang wakas.

Hinango mula sa “Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang aral sa pagkilala sa Diyos ay mas mataas kaysa alinman sa mga sangay na siyensya ng sangkatauhan patungkol sa pisikal na mundo. Ito ay isang aral na makakamtan lamang ng lubhang kakaunting bilang ng mga naghahangad na makilala ang Diyos, at hindi makakamtan ng kung sino lamang na may talento. Kaya, hindi ninyo dapat ituring ang pagkilala sa Diyos at paghahangad sa katotohanan na para bang mga bagay ang mga ito na maaaring makamtan ng isang bata lamang. Marahil ay ikaw ay ganap kang naging matagumpay sa iyong buhay-pamilya, o sa iyong propesyon, o sa iyong pag-aasawa, ngunit pagdating sa katotohanan at sa aral tungkol sa pagkilala sa Diyos, wala kang maipakita at wala kang natamo. Masasabi na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakahirap para sa inyo, at ang pagkilala sa Diyos ay mas malaki pang problema. Ito ang mahirap para sa inyo, at ito rin ang hirap na kinakaharap ng buong sangkatauhan. Sa mga nagkaroon na ng ilang pagtatagumpay sa pagkakilala sa Diyos, halos walang isa mang umaabot sa pamantayan. Hindi alam ng tao ang kahulugan ng pagkilala sa Diyos, o kung bakit kailangang makilala ang Diyos, o kung anong antas ang kailangang marating ng isang tao upang makilala ang Diyos. Ito ang lubhang nagpapalito sa sangkatauhan, at ito talaga ang pinakamalaking palaisipang kinakaharap ng sangkatauhan—walang mayroong kakayahang sagutin ang tanong na ito, ni sinumang handang sumagot sa tanong na ito, dahil, hanggang ngayon, walang isa man sa sangkatauhan ang nagtagumpay na sa pag-aaral sa gawaing ito. Marahil, kapag naipaalam na sa sangkatauhan ang palaisipan ng tatlong yugto ng gawain, sunud-sunod na lilitaw ang isang grupo ng mga taong may talento na nakakakilala sa Diyos. Siyempre pa, sana’y gayon nga, at, bukod pa riyan, nasa proseso Ako ng pagsasakatuparan ng gawaing ito, at inaasam Kong makita ang paglitaw ng mas maraming gayong tao na may talento sa nalalapit na hinaharap. Sila yaong mga magpapatotoo sa katunayan ng tatlong yugtong ito ng gawain, at, siyempre pa, sila rin ang unang magpapatotoo sa tatlong yugtong ito ng gawain. Ngunit wala nang iba pang mas nakakabalisa at nakakahinayang kaysa kung hindi lumitaw ang gayong mga taong may talento sa araw ng pagtatapos ng gawain ng Diyos, o kung mayroon lamang isa o dalawang ganoong tao na personal na tumanggap na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayunman, ito lamang ang pinakamalalang mangyayari. Anuman ang mangyari, inaasam Ko pa rin na matamo ng mga tunay na naghahangad ang pagpapalang ito. Noon pa mang unang panahon, hindi pa nagkaroon ng gawaing tulad nito kailanman; ang gayong pagsasagawa ay hindi pa nangyari sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao kailanman. Kung talagang maaari kang maging isa sa mga unang nakakakilala sa Diyos, hindi ba ito ang pinakamataas na karangalan sa lahat ng nilalang? May iba pa bang nilalang sa sangkatauhan na mas pupurihin ng Diyos? Ang gayong gawain ay hindi madaling matamo, ngunit sa huli ay aani pa rin ito ng mga gantimpala. Anuman ang kanilang kasarian o lahi, lahat ng may kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos ay tatanggap, sa huli, ng pinakamalaking parangal ng Diyos, at sila lamang ang magtataglay ng awtoridad ng Diyos. Ito ang gawain sa ngayon, at ito rin ang gawain sa hinaharap; ito ang huli at pinakamataas na gawaing isasagawa sa 6,000 taon ng gawain, at ito ay isang paraan ng paggawa na naghahayag sa bawat kategorya ng tao. Sa pamamagitan ng gawain ng pagsasanhing makilala ng tao ang Diyos, inihahayag ang iba’t ibang ranggo ng tao: Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at ng Kanyang mga pangako, samantalang yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga pangako. Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay mga kaniig ng Diyos, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi matatawag na mga kaniig ng Diyos; ang mga kaniig ng Diyos ay maaaring tumanggap ng anuman sa mga pagpapala sa Diyos, ngunit yaong mga hindi Niya kaniig ay hindi karapat-dapat sa anuman sa Kanyang gawain. Mga kapighatian man ito, pagpipino, o paghatol, lahat ng bagay na ito ay para tulutan ang tao na magkamit sa huli ng kaalaman tungkol sa Diyos, at nang sa gayon ay magpasakop ang tao sa Diyos. Ito ang tanging epektong makakamtan sa huli. Wala sa tatlong yugto ng gawain ang nakatago, at makakabuti ito sa kaalaman ng tao tungkol sa Diyos, at tinutulungan nito ang tao na magtamo ng mas ganap at lubos na kaalaman tungkol sa Diyos. Lahat ng gawaing ito ay kapaki-pakinabang sa tao.

Hinango mula sa “Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng puso ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong kaayon ng puso ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya, malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol at pagkastigo, pakikitungo at pagtatabas, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.

Hinango mula sa “Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ano ang ibig sabihin ng makilala ang Diyos? Ibig sabihin nito ay nakakayang maintindihan ng tao ang galak, galit, lungkot, at tuwa ng Diyos, at sa gayon ay makilala ang Kanyang disposisyon—ito ang talagang pagkakilala sa Diyos. Inaangkin mong nakikita mo na ang Diyos, ngunit hindi mo nauunawaan ang galak, galit, lungkot, at tuwa ng Diyos, hindi mo nauunawaan ang Kanyang disposisyon. Ni hindi mo rin nauunawaan ang Kanyang katuwiran, ni ang Kanyang pagka-mahabagin, ni hindi mo alam kung ano ang gusto o kinamumuhian Niya. Hindi ito pagkakilala sa Diyos. Samakatuwid, nakakayang sundan ng ilang tao ang Diyos ngunit hindi nila talaga kayang tunay na manalig sa Kanya; dito nakasalalay ang pagkakaiba. Kung kilala mo ang Diyos, nauunawaan Siya at kayang maintindihan ang ilan sa Kanyang kalooban, kung gayon talagang makakapaniwala ka sa Kanya, talagang nagpapasakop sa Kanya, talagang minamahal Siya, at talagang sinasamba Siya. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito, kung gayon isa ka lamang tagasunod na nakikitakbo at nakikigaya sa karamihan. Hindi natatawag iyan na tunay na pagpapasakop o tunay na pagsamba. Paano ba nangyayari ang tunay na pagsamba? Walang natatangi, lahat na talagang kilala ang Diyos ay sinasamba at iginagalang Siya sa tuwing nakikita nila Siya; silang lahat ay nauudyukang yumukod at sumamba sa Kanya. Sa kasalukuyan, habang ang Diyos na nagkatawang-tao ay gumagawa, mas higit ang pagkaunawa na mayroon ang mga tao tungkol sa Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya, mas higit na pahahalagahan nila ang mga ito at mas higit nilang igagalang Siya. Sa pangkalahatan, mas mababaw ang pagkaunawa ng mga tao, mas lalo silang pabaya, kung kaya itinuturing nilang tao ang Diyos. Kung talagang kilala at nakikita ng mga tao ang Diyos, mangangatog sila sa takot. “Siya na dumarating kasunod ko ay lalong makapangyarihan kaysa sa akin, na hindi ako karapatdapat magdala ng kaniyang pangyapak”—bakit sinabi ito ni Juan? Kahit sa kaibuturan wala siyang napakalalim na pagkaunawa, alam niyang kagila-gilalas ang Diyos. Ilang tao sa panahon ngayon ang kayang gumalang sa Diyos? Kung hindi nila alam ang Kanyang disposisyon, sa gayon paano sila makakagalang sa Kanya? Hindi alam ng mga tao ang diwa ni Cristo ni hindi nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, lalong hindi nila kayang talagang sambahin ang Diyos. Kung nakikita lamang nila ang ordinaryo at normal na panlabas na anyo ni Cristo, subalit hindi alam ang diwa Niya, kung gayon madali para sa kanila na ituring si Cristo bilang isang ordinaryong tao lamang. Maaaring magtaglay sila ng walang-paggalang na saloobin sa Kanya, at madadaya Siya, tutulan Siya, suwayin Siya, at hatulan Siya. Maaari silang maging matuwid sa sarili at hindi seryosohin ang Kanyang salita, maaari pa ngang pagmulan sila ng mga kuru-kuro, mga pagkondena at paglapastangan laban sa Diyos. Para malutas ang mga usaping ito dapat malaman ang diwa at ang pagka-Diyos ni Cristo. Ito ang pangunahing aspeto ng pagkilala sa Diyos; ito ang kailangang pasukin at tamuhin ng lahat ng mananampalataya sa praktikal na Diyos.

Hinango mula sa “Paano Kikilalanin ang Diyos na Nagkatawang-tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ano ang dapat mong malaman tungkol sa praktikal na Diyos? Ang Espiritu, ang Persona, at ang Salita ang bumubuo sa praktikal na Diyos Mismo, at ito ang tunay na kahulugan ng praktikal na Diyos Mismo. Kung kilala mo lamang ang Persona—kung alam mo ang Kanyang mga gawi at personalidad—ngunit hindi alam ang gawain ng Espiritu, o kung ano ang ginagawa ng Espiritu sa katawang-tao, at kung binibigyang-pansin mo lamang ang Espiritu, at ang Salita, at nananalangin lamang sa Espiritu, ngunit hindi alam ang gawain ng Espiritu ng Diyos sa praktikal na Diyos, nagpapatunay pa rin ito na hindi mo kilala ang praktikal na Diyos. Kabilang sa kaalaman sa praktikal na Diyos ang pagkaalam at pagdanas ng Kanyang mga salita, at pag-unawa sa mga patakaran at mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu at kung paano gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao. Kabilang din dito ang pagkaalam na pinamamahalaan ng Espiritu ang bawat pagkilos ng Diyos sa katawang-tao, at na direktang pagpapahayag ng Espiritu ang mga salitang sinasabi Niya. Sa gayon, upang makilala ang praktikal na Diyos, pinakamahalagang malaman kung paanong gumagawa ang Diyos sa pagkatao at sa pagka-Diyos; pumapatungkol naman ito sa mga pagpapahayag ng Espiritu, kung saan nakikipag-ugnayan ang lahat ng tao.

Hinango mula sa “Dapat Mong Malaman na ang Praktikal na Diyos ay ang Diyos Mismo” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Bilang isang nilalang ng Diyos, kung nais mong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos at nauunawaan mo ang kalooban ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang gawain ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang kalooban ng Diyos para sa mga nilalang, kailangan mong maunawaan ang Kanyang plano ng pamamahala, at kailangan mong maunawaan ang buong kabuluhan ng gawaing Kanyang ginagawa. Yaong mga hindi nakakaunawa rito ay mga hindi karapat-dapat na nilalang ng Diyos! Bilang isang nilalang ng Diyos, kung hindi mo nauunawaan kung saan ka nanggaling, hindi mo nauunawaan ang kasaysayan ng sangkatauhan at lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at, bukod pa riyan, hindi mo nauunawaan kung paano umunlad ang tao hanggang sa ngayon, at hindi mo nauunawaan kung sino ang nag-uutos sa buong sangkatauhan, wala kang kakayahang gampanan ang iyong tungkulin. Pinamumunuan na ng Diyos ang sangkatauhan hanggang ngayon, at simula nang likhain Niya ang tao sa lupa hindi na Niya siya iniwan. Hindi tumitigil kailanman ang Banal na Espiritu sa paggawa, hindi tumitigil kailanman sa paggabay sa sangkatauhan, at hindi iniwan kailanman ang sangkatauhan. Ngunit hindi natatanto ng sangkatauhan na may isang Diyos, lalo nang hindi niya kilala ang Diyos. Mayroon pa bang ibang mas nakakahiya kaysa rito para sa lahat ng nilalang ng Diyos? Personal na ginagabayan ng Diyos ang tao, ngunit hindi nauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos. Ikaw ay isang nilalang ng Diyos, subalit hindi mo nauunawaan ang iyong sariling kasaysayan, at hindi mo namamalayan kung sino ang gumabay sa iyo sa iyong paglalakbay, nalilimutan mo ang mga gawaing ginagawa ng Diyos, kaya hindi mo makilala ang Diyos. Kung hindi mo pa rin alam ngayon, hindi ka magiging karapat-dapat kailanman na magpatotoo sa Diyos. Ngayon, minsan pang personal na ginagabayan ng Lumikha ang lahat ng tao, at hinahayaang mamasdan ng lahat ng tao ang Kanyang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, pagliligtas, at pagiging kamangha-mangha. Subalit hindi mo pa rin natatanto o nauunawaan—samakatuwid ay hindi ba ikaw ang hindi tatanggap ng kaligtasan? Yaong mga nabibilang kay Satanas ay hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos, samantalang yaong mga nabibilang sa Diyos ay naririnig ang tinig ng Diyos. Lahat ng nakakatanto at nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ang siyang maliligtas at magpapatotoo sa Diyos; lahat ng hindi nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ay hindi makapagpapatotoo sa Diyos, at sila yaong aalisin. Yaong mga hindi nauunawaan ang kalooban ng Diyos at hindi natatanto ang gawain ng Diyos ay walang kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos, at ang gayong mga tao ay hindi magagawang magpatotoo sa Diyos. Kung nais mong magpatotoo sa Diyos, kailangan mong makilala ang Diyos; ang kaalaman tungkol sa Diyos ay natutupad sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Sa kabuuan, kung nais mong makilala ang Diyos, kailangan mong malaman ang gawain ng Diyos: Ang pag-alam sa gawain ng Diyos ang pinakamahalaga. Kapag nagwakas na ang tatlong yugto ng gawain, magkakaroon ng isang grupo ng mga nagpapatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga nakakakilala sa Diyos. Makikilala ng lahat ng taong ito ang Diyos at maisasagawa nila ang katotohanan. Magtataglay sila ng pagkatao at katinuan, at malalaman nilang lahat ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang gawaing matutupad sa huli, at ang mga taong ito ang nabuo ng gawain ng 6,000 taon ng pamamahala, at ang pinakamakapangyarihang patotoo sa sukdulang pagkatalo ni Satanas.

Hinango mula sa “Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, nakikilala ang kanyang sarili, inaalis ang kanyang tiwaling disposisyon, at hinahangad na lumago sa buhay, lahat alang-alang sa pagkilala sa Diyos. Kung hinahangad mo lamang na makilala ang iyong sarili at harapin ang iyong sariling tiwaling disposisyon, ngunit wala kang kaalaman tungkol sa gawaing ginagawa ng Diyos sa tao, kung gaano kadakila ang Kanyang pagliligtas, o kung paano mo nararanasan ang gawain ng Diyos at nasasaksihan ang Kanyang mga gawa, kalokohan ang karanasan mong ito. Kung sa palagay mo ay lumago na ang buhay ng isang tao dahil lamang sa nakakaya niyang isagawa ang katotohanan at magtiis, ibig sabihin ay hindi mo pa rin nauunawaan ang tunay na kahulugan ng buhay o ang layunin ng Diyos sa pagpeperpekto sa tao. Balang araw, kapag ikaw ay nasa mga relihiyosong iglesia, kasama ng mga kasapi ng Iglesia ng Pagsisisi o ng Iglesia ng Buhay, marami kang matatagpuang relihiyosong mga tao, na ang mga panalangin ay naglalaman ng “mga pangitain” at naaantig, sa patuloy na pagsisikap nila sa buhay, at ginagabayan ng mga salita. Bukod pa rito, nagagawa nilang magtiis at talikuran ang kanilang sarili sa maraming bagay, at hindi patatangay sa laman. Sa oras na iyon, hindi mo masasabi ang pagkakaiba: Maniniwala ka na lahat ng kanilang ginagawa ay tama, na iyon ang likas na pagpapahayag ng buhay, at na kahabag-habag na ang pangalang kanilang pinaniniwalaan ay mali. Hindi ba kahangalan ang gayong mga pananaw? Bakit sinasabi na maraming tao ang walang buhay? Dahil hindi nila kilala ang Diyos, at sa gayon ay sinasabi na wala silang Diyos sa kanilang puso, at walang buhay. Kung umabot na ang iyong paniniwala sa Diyos sa punto kung saan kaya mong lubusang malaman ang mga gawa ng Diyos, ang realidad ng Diyos, at ang bawat yugto ng gawain ng Diyos, taglay mo ang katotohanan. Kung hindi mo alam ang gawain at disposisyon ng Diyos, may kulang pa rin sa iyong karanasan. Kung paano isinagawa ni Jesus ang yugtong iyon ng Kanyang gawain, paano isinasagawa ang yugtong ito, paano ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya at anong gawain ang ginawa, anong gawain ang ginagawa sa yugtong ito—kung wala kang lubos na kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, hindi ka kailanman makatitiyak at palagi kang hindi mapapanatag. Kung, pagkaraan ng isang panahon ng karanasan, nagagawa mong malaman ang gawaing ginawa ng Diyos at ang bawat hakbang ng Kanyang gawain, at kung nagtamo ka na ng lubos na kaalaman tungkol sa mga layunin ng Diyos sa pagsambit ng Kanyang mga salita, at kung bakit napakarami Niyang nasambit na salita na hindi pa natutupad, maaari mong matapang at patuloy na sundan ang daan, malaya sa pag-aalala at pagpipino.

Hinango mula sa “Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Maaaring magkaroon ng positibong epekto sa mga tao ang kaalaman sa disposisyon ng Diyos at sa kung anong mayroon at ano Siya. Makatutulong ito sa kanila na magkaroon ng higit na pagtitiwala sa Diyos at makatutulong sa kanila na makamit ang tunay na pagsunod at takot sa Kanya. Kung gayon, hindi na sila bulag na susunod o sasamba sa Kanya. Hindi nais ng Diyos ang mga hangal o yaong bulag na sumusunod sa karamihan, kundi sa halip ay ang isang grupo ng mga tao na mayroong malinaw na pagkaunawa at kaalaman sa disposisyon ng Diyos sa kanilang mga puso at maaaring tumayong mga saksi ng Diyos, mga tao na, dahil sa Kanyang pagiging kaibig-ibig, dahil sa kung anong mayroon at kung ano Siya, at dahil sa Kanyang matuwid na disposisyon, ay hindi kailanman iiwan ang Diyos. Bilang isang tagasunod ng Diyos, kung mayroon pa ring kakulangan ng kalinawan sa iyong puso, o mayroon pa ring kalabuan o pagkalito tungkol sa tunay na pag-iral ng Diyos, sa Kanyang disposisyon, sa kung anong mayroon at kung ano Siya, at sa Kanyang plano na iligtas ang sangkatauhan, hindi makakamit ng iyong pananampalataya ang papuri ng Diyos. Hindi nais ng Diyos na sumunod sa Kanya ang ganitong uri ng tao, at hindi Niya nais na humarap sa Kanya ang ganitong uri ng tao. Sapagka’t hindi nauunawaan ng ganitong uri ng tao ang Diyos, hindi nila kayang ibigay ang kanilang puso sa Diyos—sarado ang kanilang puso sa Kanya, kaya puspos ng karumihan ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Matatawag lamang na bulag ang kanilang pagsunod sa Diyos. Makakamit lamang ng mga tao ang tunay na paniniwala at magiging tunay na mga tagasunod kung mayroon silang tunay na pagkaunawa at kaalaman sa Diyos, na nagdudulot sa kanila ng tunay na pagsunod at takot sa Diyos. Sa ganitong paraan lamang nila maibibigay ang kanilang puso sa Diyos at mabubuksan ito sa Kanya. Ito ang nais ng Diyos, sapagka’t ang lahat ng kanilang ginagawa at iniisip ay makatatagal sa pagsubok ng Diyos at makapagpapatotoo sa Diyos.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang malaman ang diwa ng Diyos ay hindi biru-birong bagay. Dapat mong maunawaan ang disposisyon Niya. Sa ganitong paraan, unti-unti at hindi mo namamalayan na nalalaman mo na ang diwa ng Diyos. Kapag nakapasok ka sa ganitong kaaalaman, matatagpuan mo ang sarili mong tumatapak sa mas mataas at mas magandang kalagayan. Sa huli, makararamdam ka ng hiya sa nakapanghihilakbot mong kaluluwa, at, bukod dito, ay mararamdaman mong hindi ka na makakapagtago kahit saan pa man mula sa iyong kahihiyan. Sa panahong iyon, mababawasan nang mababawasan ang mga ginagawa mong lumalabag sa disposisyon ng Diyos, lalapit at lalapit sa Diyos ang puso mo, at ang pagmamahal sa Kanya ay unti-unting lalago sa puso mo. Isa itong tanda ng pagpasok ng sangkatauhan sa isang magandang kalagayan. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa ninyo natatamo ito. Habang nagmamadali kayong lahat para sa kapakanan ng tadhana ninyo, sino ang mayroong anumang interes na sumubok na alamin ang diwa ng Diyos? Kung magpapatuloy ito, makalalabag kayo nang hindi ninyo namamalayan laban sa mga atas administratibo, dahil lubhang napakakakaunti ng naiintindihan ninyo sa disposisyon ng Diyos. Kaya hindi ba ang ginagawa ninyo ngayon ay paglalatag ng saligan para sa mga paglabag ninyo laban sa disposisyon ng Diyos? Ang paghingi Ko sa inyo na unawain ang disposisyon ng Diyos ay hindi hiwalay sa gawain Ko. Dahil kung lumalabag kayo nang madalas sa mga atas administratibo, sino sa inyo ang makatatakas sa kaparusahan?

Hinango mula sa “Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na isagawa ang gawain na dapat mong gawin para sa Kanya. Kung hindi mo alam ang diwa ng Diyos, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na magkaroon ng pagpipitagan at takot sa Kanya; sa halip, magkakaroon lamang ng walang-ingat na pagwawalang-bahala at kasinungalingan, at idagdag pa rito ang hindi na maiwawastong kalapastanganan. Bagamat talagang mahalaga ang pag-intindi sa disposisyon ng Diyos, at ang pag-alam sa diwa ng Diyos ay hindi maaaring makaligtaan, walang sinuman kailanman ang lubusang nagsiyasat o nagsaliksik sa mga usaping ito. Malinaw na makikita na iwinaksi na ninyong lahat ang mga atas administratibong inilabas Ko. Kung hindi ninyo naiintindihan ang disposisyon ng Diyos, kung gayon ay malamang na malalabag ninyo ang disposisyon Niya. Ang paglabag sa disposisyon Niya ay katumbas ng pagpukaw sa galit ng Diyos Mismo, at sa ganitong pagkakataon, ang pangwakas na bunga ng mga ikinilos mo ay ang paglabag sa mga atas administratibo. Ngayon dapat mong mapagtanto na kapag nababatid mo ang diwa ng Diyos ay maiintindihan mo rin ang Kanyang disposisyon—at kapag naiintindihan mo ang Kanyang disposisyon, maiintindihan mo rin ang mga atas administratibo. Hindi na kailangan pang sabihin na karamihan sa napapaloob sa mga atas administratibo ay sumasaklaw sa disposisyon ng Diyos, ngunit hindi lahat ng disposisyon Niya ay ipinahayag sa mga atas administratibo; kaya, dapat ninyong pagbutihin pa ang pagpapaunlad ng pagkaunawa ninyo sa disposisyon ng Diyos.

Hinango mula sa “Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Kung ang nalalaman at ang nauunawaan ng mga tao ay ang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano Siya, ang kanilang matatamo ay buhay na nagmumula sa Diyos. Sa sandaling maisakatuparan na ang buhay na ito sa iyo, lalo pang lalaki nang lalaki ang iyong takot sa Diyos. Isang bunga ito na dumarating nang napakanatural. Kung ayaw mong maunawaan o malaman ang tungkol sa disposisyon ng Diyos o sa Kanyang diwa, kung ayaw mo man lang pagnilayan o pagtuunan ng pansin ang mga bagay na ito, masasabi Ko sa iyo nang may katiyakan na ang paraan ng iyong kasalukuyang paghahangad sa iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi ka kailanman matutulutang matugunan ang Kanyang kalooban o makamit ang Kanyang papuri. Higit pa roon, hindi mo kailanman tunay na matatamo ang kaligtasan—ito ang panghuling mga kahihinatnan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang Diyos at hindi nalalaman ang Kanyang disposisyon, hindi kailanman magagawang tunay na magbukas sa Kanya ang kanilang mga puso. Sa sandaling maunawaan na nila ang Diyos, magsisimula silang pahalagahan at lasapin kung ano ang nasa Kanyang puso nang may interes at pananampalataya. Kapag pinahahalagahan at nilalasap mo kung ano ang nasa puso ng Diyos, ang iyong puso ay dahan-dahan, unti-unting, nagbubukas sa Kanya. Kapag nagbubukas ang iyong puso sa Kanya, madarama mo kung gaano kahiya-hiya at kasuklam-suklam ang iyong mga pakikitungo sa Diyos, ang iyong mga hinihingi sa Diyos, at ang iyong sariling labis-labis na mga pagnanais. Kapag tunay na nagbubukas sa Diyos ang iyong puso, makikita mo na ang Kanyang puso ay isang walang hanggang mundo, at papasok ka sa isang dako na hindi mo pa naranasan kailanman. Sa dakong ito ay walang pandaraya, walang panlilinlang, walang kadiliman, at walang kasamaan. Mayroon lang kataimtiman at katapatan; tanging liwanag at karangalan; tanging katuwiran at kagandahang-loob. Puno ito ng pagmamahal at pagmamalasakit, puno ng habag at pagpapaubaya, at sa pamamagitan nito ay nararamdaman mo ang kaligayahan at kagalakan ng pagiging buhay. Ang mga bagay na ito ang ibubunyag sa iyo ng Diyos kapag binuksan mo ang iyong puso sa Kanya. Ang walang hanggang mundong ito ay puno ng karunungan at walang hanggang kapangyarihan ng Diyos; puno rin ito ng Kanyang pag-ibig at ng Kanyang awtoridad. Makikita mo rito ang bawa’t aspeto ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, kung ano ang nagbibigay sa Kanya ng kagalakan, kung bakit Siya nag-aalala at kung bakit Siya nalulungkot, kung bakit Siya nagagalit…. Ito ang makikita ng bawa’t isang tao na nagbubukas ng kanilang puso at tinutulutang makapasok ang Diyos. Makapapasok lang sa iyong puso ang Diyos kung bubuksan mo ito sa Kanya. Makikita mo lang kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, at makikita mo lang ang Kanyang mga intensyon para sa iyo, kung nakapasok na Siya sa iyong puso. Sa sandaling iyon, matutuklasan mo na napakahalaga ng lahat ng tungkol sa Diyos, na talagang karapat-dapat pakaingatan ang kung anong mayroon at kung ano Siya. Kumpara roon, ang mga taong nakapaligid sa iyo, ang mga bagay at mga pangyayari sa iyong buhay, at maging ang iyong mga mahal sa buhay, ang iyong kapareha, at ang mga bagay na iyong minamahal, ay hindi man lang karapat-dapat na banggitin. Napakaliit ng mga ito, at napakababa; mararamdaman mo na walang materyal na bagay ang muling makahahatak sa iyo, o na may anumang materyal na bagay ang muling makaaakit sa iyo na magbayad ng anumang halaga para rito. Sa pagpapakumbaba ng Diyos ay makikita mo ang Kanyang kadakilaan at ang Kanyang pangingibabaw. Higit pa rito, makikita mo ang walang hanggang karunungan ng Diyos at ang Kanyang pagpapaubaya sa ilang gawa Niya na pinaniwalaan mo noon na masyadong maliit, at makikita mo ang Kanyang pagtitiyaga, ang Kanyang pagtitimpi, at ang Kanyang pag-unawa sa iyo. Magdudulot ito sa iyo ng pagsamba para sa Kanya. Sa araw na iyon, mararamdaman mo na nabubuhay ang sangkatauhan sa isang maruming mundo, na ang mga taong nasa tabi mo at ang mga bagay na nangyayari sa iyong buhay, at maging yaong iyong iniibig, ang kanilang pag-ibig para sa iyo, at ang kanilang tinatawag na pag-iingat o ang kanilang malasakit para sa iyo ay hindi man lang karapat-dapat na banggitin—ang Diyos lang ang iyong minamahal, at ang Diyos lang ang pinakaiingatan mo sa lahat. Kapag dumating ang araw na iyon, naniniwala Ako na magkakaroon ng ilang tao na nagsasabing: Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos, at napakabanal ng Kanyang diwa—sa Diyos ay walang panlilinlang, walang kasamaan, walang inggit, at walang alitan, kundi tanging katuwiran at pagiging tunay, at ang lahat ng kung anong mayroon at kung ano ang Diyos ay dapat kasabikan ng mga tao. Dapat itong pagsikapan at hangarin ng mga tao. Sa anong batayan nakatayo ang kakayahan ng mga tao na makamtam ito? Nakatayo ito batay sa pagkaunawa nila sa disposisyon ng Diyos, at sa kanilang pagkaunawa sa diwa ng Diyos. Kaya ang pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano Siya, ay isang panghabang-buhay na aral sa bawa’t tao; isang panghabang-buhay na mithiin na hinahangad ng bawa’t tao na nagsisikap na mabago ang kanilang disposisyon, at nagsisikap na makilala ang Diyos.

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang “pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” at pagkilala sa Diyos ay matibay na pinagkonekta ng napakaraming sinulid, at ang koneksyon sa pagitan ng mga ito ay malinaw. Kung nais ng sinuman na makaiwas sa kasamaan, kailangan muna siyang magkaroon ng tunay na takot sa Diyos; kung nais ng sinuman na magkaroon ng tunay na takot sa Diyos, kailangan muna siyang magtamo ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos; kung nais ng sinuman na magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos, kailangan muna niyang maranasan ang mga salita ng Diyos, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, maranasan ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang pagkastigo at paghatol; kung nais ng sinuman na maranasan ang mga salita ng Diyos, kailangan muna niyang makaharap ang mga salita ng Diyos, makaharap ang Diyos, at humiling sa Diyos na magbigay ng mga pagkakataong maranasan ang mga salita ng Diyos sa anyo ng lahat ng uri ng sitwasyong sangkot ang mga tao, kaganapan, at bagay; kung nais ng sinuman na makaharap ang Diyos at ang mga salita ng Diyos, kailangan muna siyang magtaglay ng simple at matapat na puso, kahandaang tanggapin ang katotohanan, kagustuhang tiisin ang pagdurusa, matibay na determinasyon at tapang na iwasan ang kasamaan, at ang hangaring maging isang tunay na nilalang…. Sa ganitong paraan, sa unti-unting pagsulong, lalo kang mapapalapit sa Diyos, lalong magiging dalisay ang puso mo, at lalo pang magiging makabuluhan at mas maningning ang iyong buhay at ang kahalagahan ng pagiging buhay, sa iyong pagkakilala sa Diyos. Hanggang, isang araw, madarama mo na hindi na isang palaisipan ang Lumikha, na hindi kailanman nakatago ang Lumikha mula sa iyo, na hindi kailanman nagkubli ng Kanyang mukha ang Lumikha mula sa iyo, na hindi pala malayo ang Lumikha sa iyo, na hindi na ang Lumikha ang lagi mong pinananabikan sa iyong mga iniisip kundi hindi mo Siya maabot sa iyong damdamin, na talaga at totoong nakabantay Siya sa iyong kaliwa at kanan, tinutustusan ang iyong buhay, at kinokontrol ang iyong tadhana. Hindi Siya natatanaw sa malayo, ni hindi Niya itinago ang Sarili Niya sa mga ulap sa itaas. Siya ay nasa tabi mo mismo, nangangasiwa sa iyong kabuuan, Siya ang lahat ng mayroon ka, at Siya ang tanging mayroon ka. Ang gayong Diyos ay tinutulutan kang mahalin Siya nang taos-puso, kapitan Siya, hawakan Siya nang mahigpit, hangaan Siya, matakot na mawala Siya, at aayawan mong talikuran pa Siya, suwayin pa Siya, o layuan o palayuin pa Siya. Ang tanging gusto mo ay pagmalasakitan Siya, sundin Siya, bayaran ang lahat ng ibinibigay Niya sa iyo, at magpasakop sa Kanyang kapangyarihan. Hindi ka na tumatangging magabayan, matustusan, mabantayan, at maingatan Niya, hindi ka na tumatanggi sa Kanyang idinidikta at itinatakda para sa iyo. Ang tanging nais mo ay sundan Siya, ang makasama Niya; ang tanging nais mo ay tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang buhay, tanggapin Siya bilang iyong kaisa-isang Panginoon, iyong kaisa-isang Diyos.

Hinango mula sa “Pagkilala sa Diyos ang Landas tungo sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos at Pag-iwas sa Kasamaan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Ang gawain ng pagkilala sa Diyos.”

1. Ano ang pagkilala sa Diyos at ano ang kahalagahan ng pagkilala sa Diyos